Monday, September 2, 2013

Pinoy Weekly - Serye ng paglabag sa karapatan ng makakalikasan sa Pinas binatikos


Posted: 01 Sep 2013 04:32 AM PDT


Binatikos ng mga grupong makakalikasan ang anila’y tumataas na bilang ng paglabag sa karapatan ng mga aktibistang tutol sa pagmimina, kasunod ng pinakahuling serye ng pagpaslang sa katutubong mga mamamayan sa Katimugang Mindanao at pagkawala ng isang aktibista sa Nueva Vizcaya.

“Malinaw na dumarami na naman ang paglabag sa karapatan ng mga aktibistang pangkalikasan sa pagkakapatay kay Anting Freay, pinunong Blaan at anak niyang si Victor, mga kilalang kasapi ng lokal na oposisyon sa pagmimina ng Xstrata-SMI sa Mindanao. Ang mga biktima ang ika-25 at ika-26 na aktibistang tutol sa pagmimina na napatay sa ilalim ng administrasyong Aquino,” sabi ni Leon Dulce, tagapagsalita ng Task Force-Justice for Environmental Defenders (TF-JED).


Ayon sa Karapatan-Socsksargen, itinuturo ng asawa ni Anting Freay na si Kiit na nakaligtas sa pag-atake sa kanilang pamilya noong madaling-araw ng Agosto 23, ang pagpaslang sa Task Force Kitaco sa ilalim ng 1002nd Infantry Brigade ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Nauna rito, inambus din umano ng mga miyembrong paramilitar ng Task Force Kitaco ang isa pang anak ni Anting Freay na si Eking kasama ng bayaw nitong si Sonny Boy Planda noong Hunyo 28. Malubhang nasugatan sa ambus si Planda habang nakaligtas naman si Eking.

Samantala sa Nueva Ecija, inulat naman ng Karapatan-Cagayan Valley ang pagkawala ni Bryan Epa, isa pang aktibistang pangkalikasan na tutol sa pagpasok ng Australyanong kompanyang Royalco sa mga bayan ng Kasibu at Dupax del Norte. Inaresto umano ng lokal na pulisya si Epa noong Agosto 21 at hindi na nakita nang hanapin ng kanyang mga kasama kinabukasan.


“Si Epa ang ikatlong makakalikasan na pwersahang nawala habang si Kiit Freay ang ikapitong biktima ng tangkang pagpatay simula noong 2001. Naniniwala kami na ang pagsahol ng militarisasyon sa mga komunidad na apektado ng pagmimina ay dulot ng desperadong pagtatangka ng industriya para makabawi sa kanilang pamumuhunan sa kabila ng pagtutol ng mga mamamayan,” ani Dulce.

Inanunsyo kamakailan ng Anglo-Swiss Xstrata-SMI ang pagpapaliit ng operasyon nito at gastusin dahil sa pagtutol ng mga mamamayan at lokal na mining ban. Gumastos na umano ito ng P20 bilyon sa Tampakan project mula noong 2007.

Ang operasyon naman ng Royalco ay nahinto rin dahil sa barikadang itinindig ng mga lokal na organisasyon simula pa noong Mayo 8.

“Ang patuloy na paggamit ni PNoy ng militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao ng mga makakalikasan ay malinaw na pakikipagsabwatan sa malalaking kompanya ng pagmimina para pigilan ang lehitimo at demokratikong oposisyon ng mga komunidad. Nananawagan kami sa administrasyong Aquino na paalisin ang mga militar sa mga lugar ng pagmimina at sampahan ng kaso ang mga militar at pulis na sangkot sa paglabag sa karapatang pantao,” sabi pa ni Dulce.





************










No comments:

Post a Comment