Saturday, September 7, 2013

Pinoy Weekly - FOI, CJA at ang argumentong `puwede na’


Posted: 06 Sep 2013 10:10 PM PDT



“Puwede na iyan!”
Ito ang madalas na argumento ng isang nagmamadali’t naiinip. Kung matagal na nga namang nakabinbin ang isang bagay, natural lang na kailangan na itong harapin at agad-agad na tapusin.


Nababanggit din ang tatlong salitang ito sa sitwasyong hindi malalimang sinuri ang isang bagay at mabilisan itong sinuportahan. Sa konteksto ng isang polisiya, posibleng nadala sa titulo o retorika ang isang indibidwal o grupo kaya hindi na pinag-aralan pa ang mga implikasyon ng pagpapatupad nito.


Hindi man tahasang sinasabi ng mangilan-ngilang kaibigan sa midya, ganito na ang nangyayari sa kaso ng panukalang Freedom of Information (FOI) Act. Pinag-usapan na ito ng iba’t ibang indibidwal at organisasyon noon pang 2001. Natatandaan ko pa ang taon dahil sumama ako sa ilang pagpupulong tungkol dito. Sa pagdaan ng panahon, alam nating lahat na paulit-ulit itong inihain sa Senado at House of Representatives (HOR) at paulit-ulit din itong hindi naipasa bilang batas.


Natural lang na mayamot sa nangyari noon at posibleng mangyari ngayon. Pero sa kabila ng retorika ng pagsuporta ng maraming mambabatas lalo na sa Senado, kailangan pa ring pag-isipan nang malalim ang mga bersyon ng panukalang batas sa FOI na nais maipasa.


Kung susuriin ang nilalaman ng walong panukalang batas sa Senado (Senate Bill Number [SBN] 18, 36, 44, 64, 74, 90, 217 at 514), wala itong masyadong pagkakaiba sa isinumiteng administration bill ng Malakanyang. Sa isang pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media noong Setyembre 4, sinabi mismo ni Undersecretary Manolo Quezon na natutuwa raw ang ehekutibo sa ganitong sitwasyon. Aba, kahit si Senador JV Ejercito (naghain ng SBN 217) ay sinabi rin ang pagkatuwa dahil ang taga-oposisyong katulad niya ay nasa panig ng administrasyon sa isyu ng FOI.


Bagama’t ang administrasyon at oposisyon ay natutuwa, pasensiya na kung ako ay hindi. May dalawang bagay akong hinahanap para mapalakas ang isang batas sa FOI. Sa puntong ito, mainam na balikan ang position paper ng aming kolehiyo (Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla ng UP Diliman).
  • “Sa konteksto ng transparency, kailangang may “sunshine clause” sa panukalang batas sa FOI para ma-declassify ang impormasyong may halagang historikal matapos ang 15 taon. (Labinlimang taon ang inirerekomenda dahil ito ang prescriptive period para sa paghahain ng mga kaso laban sa graft and corruption sa ilalim ng Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.)
  • “Kailangang may malinaw na probisyong nagpapahintulot sa mabilisang pagbibigay ng impormasyon sa mga peryodista at mananaliksik. Sa bersyon ng panukalang batas sa FOI sa Senado at Kamara de Representante, ang maksimum na waiting period na 15 working days ay maaaring magkompromiso sa pangangalap ng datos ng isang media practitioner.” (Para basahin ang buong teksto ng position paper, pumunta sa http://masscomm.upd.edu.ph/event/cmc-calls-authentic-freedom-information-act. Paglilinaw: Kasama ako sa pumirma sa pahayag na ito at ako rin ang pangunahing responsable sa pagsusulat nito.)

At kung pagbabatayan ang nangyari sa mga nakaraang kongreso, kailangan ding siguraduhing “walang probisyong nagpapahiwatig na ang FOI ay prospective o sumasaklaw lamang sa impormasyon sa kasalukuyan at sa hinaharap. Ang anumang pagtatangkang tanggalin ang pagiging retroactive ng batas ay magreresulta sa kawalan ng access sa mga lihim ngunit mahahalagang imporasyon noong nakaraang administrasyon.” Sinubukan kasi ng ilang miyembro noon sa HOR na isingit ang probisyong ito para hindi maungkat ang kanilang nakaraan, lalo na noong panahon ng Batas Militar.


Kailangan ding idagdag ang pangangailangang huwag ilagay ang “rider provision” tungkol sa “right of reply” na naging mainit na isyu rin noon. Sa mga hindi pa pamilyar, ang “right of reply” ay tinututulan ng maraming peryodista dahil kinokompromiso nito ang editorial independence ng isang organisasyong pang-midya. Hindi kailangang isabatas ang kalakaran sa midya, lalo na ang obhetibong pamantayan ng pagbabalita. Ang anumang pagkukulang sa pag-uulat ng midya ay puwede namang idulog sa iba’t ibang organisasyong labas ng gobyerno tulad ng Philippine Press Institute at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas.


Ang tanong sa puntong ito: Bakit hindi pinapansin ang panawagang maglagay ng “sunshine clause” at probisyon para sa mabilisang pagbibigay ng impormasyon sa mga peryodista’t mananaliksik?


Una, hindi naman totoong “transparent” at “accountable” ang administrasyong Aquino. Bagama’t may impormasyong inilalahad sa publiko, hindi pa rin ibinibigay ang buong konteksto sa maraming isyu. Sablay ang paliwanag, halimbawa, ng tagapagsalita ng Pangulo sa isyu ng “special treatment” na ibinibigay kay Janet Lim-Napoles na nagnakaw diumano sa kaban ng bayan. At kung mas susuriin nang malaliman pa, kapansin-pansin din ang malinaw na pagtatakip sa epekto ng globalisasyon sa malawakang paghihirap ng mamamayan – mababang pasahod, mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo, kawalan ng lupa para sa mga magsasaka’t katutubo at marami pang iba.



Ikalawa, may pagtingin ang ilang kaibigan sa midya na magiging para sa mga peryodista lang ang batas sa FOI kung isasama ang probisyon tungkol sa mabilisang pagbibigay ng impormasyon sa kanila. Wala namang debate sa puntong ang FOI ay para sa lahat ng mamamayan at hindi lang ito para sa mga peryodista. Pero tandaan nating ang pangunahing makikinabang sa mabilisang pagbibigay ng impormasyon ay ang mga mamamayang gutom sa impormasyon. Bilang pangkalahatang sanggunian ng impormasyon, kailangang magkaroon ng mabilisang access sa impormasyon ang midya dahil hindi akma sa araw-araw na gawain ng mga peryodista ang patagalin pa ang anumang kahilingan para makakuha ng impormasyon mula sa mga ahensiya ng gobyerno.


Ikatlo, may mangilan-ngilang indibidwal at grupo na nadala sa ganda ng retorika ng “freedom of information” lalo na’t malinaw na nakasulat sa panukalang batas na “All Government Information is Owned by the People and that public access to all government information, as a general rule, serves the public interest and exceptional instances restricting access thereto, as provided herein, shall only be allowed also by reason of public interest. (Sec. 2, Declaration of Policy, SBN 64)” Opo, sinadyang isulat sa malalaking titik ang ilang salita para lumabas na “pogi” ang pamahalaan. Ito po kasi ang titulo ng panukalang batas: People’s Ownership of Government Information (POGI) Act of 2013.


Sa aking pagbabasa ng SBN 64 at iba pang mga nakahaing panukalang batas na may kinalaman sa FOI, naaalala ko ang isa pang batas na ipinasa 22 taon na ang nakaraan – ang Republic Act No. 7079 o Campus Journalism Act (CJA) of 1991. Kung mayroon mang malaking pagkakamali ang maraming kabataang grupo noon, ito ay ang pagsuporta sa isang batas na bagama’t maganda ang nilalaman sa unang tingin ay puwede palang gamitin para supilin ang kalayaan sa pamamahayag sa kampus.


Narinig ko noong maagang bahagi ng dekada 90 ang argumentong “puwede na” kaugnay ng CJA kahit na ginagamit na ito ng ilang administrador para isara ang publikasyong pang-kampus ng kanilang paaralan. May ilang lider-estudyante pa ngang nagsabing ang anumang pagkukulang ng mismong batas ay matutugunan naman ng implementing rules and regulations (IRR). Pero sa paglipas ng panahon, naging kapansin-pansin na ang mismong batas ang problema.


Una, hindi malinaw na nakasulat ang mandatory collection ng publication fees kaya nakayang patayin ang publikasyong pang-kampus sa simpleng polisiyang hindi pagkolekta ng administrasyon tuwing bayaran ng matrikula. Ikalawa, hindi malinaw ang ibig sabihin ng “technical guidance” na dapat ibigay ng publication adviser kaya naging posible ang pagiging tulay niya para pakialaman ng administrasyon ang nilalaman ng publikasyon.


Kung may aral na kailangang matutuhan 22 taon na ang nakaraan, ito ay ang pagtatanggal ng mentalidad na “puwede na” ang isang batas. Puwede kasi itong maging legal na batayan para supilin ang mga karapatang dapat na itinataguyod nito. Mahaba ang listahan ng mga kasalukuyang batas na tinututulan ng maraming mamamayan dahil sa mapanupil na katangian kahit na, sa unang tingin, maganda ang intensiyon ng mga ito – Human Security Act, Data Privacy Act, Cybercrime Prevention Act.


Sa kontekstong ito dapat intindihin ang pangangailangang baguhin ang panukalang batas na may kinalaman sa FOI para maging makatotohanan ang pagtataguyod ng kalayaan sa impormasyon. Sa aking propesyonal na opinyon, ang maaaring gawing batayan ay angHouse Bill No. (HBN) 347. Bukod sa nilalaman nito ang “sunshine clause” at mabilisang pagbibigay ng impormasyon sa mga peryodista, hindi mahaba ang listahan ng exceptions kumpara sa mga bersyon ng administrasyon at Senado.


Sadyang kailangang ulit-ulitin ang argumentong hindi katanggap-tanggap ang kasalukuyang bersyon ng FOI lalo na’t kung pagbabatayan ang nangyari sa CJA. Nabubuhay kasi tayo sa isang sitwasyong may mga batas na ginagamit hindi para palakasin ang kalayaan kundi lalo pang pahinain ito.


Puwede na iyan? Ang dapat na maging kolektibong sagot: Hindi puwede iyan!



Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.




*******************

No comments:

Post a Comment