Saturday, September 21, 2013

Pinoy Weekly - Pagkamulat sa panahon ng Batas Militar


Posted: 20 Sep 2013 10:53 AM PDT


Ipinanganak ako sa gitna ng nagkukunwaring katahimikan. Lumaki naman ako sa panahon ng aktwal na kaguluhan.

Setyembre 21, 1968. Dahil mula sa ordinaryo’t hikahos na pamilya, walang espesyal sa aking araw ng kapanganakan. May ilang kamag-anak na natuwa sa aking pag-uha. Ang aking pag-iyak kasi ay nagsilbing pagpapakilala sa lipunang gagalawan. (Ano kaya ang gustong sabihin ng isang sanggol sa kanyang paglabas sa sinapupunan ng ina? Sa pagitan ng mga iyak, siguro’y gusto na niyang itanong: “Anong klaseng mundo ba ang naghihintay sa akin? Tama bang ipanganak sa panahong tulad nito?”)

Pinalaki akong masunurin sa nakatatanda, lalo na sa mga kamag-anak. Tuwing uutusan akong bumili sa malapit na tindahan, hindi ko pinapatagal ang paglabas ng bahay. Kahit yayain akong maglaro ng kaibigan, tumatanggi ako dahil kailangang mabilis na makapunta sa tindahan. At kung magpapaalam para makipaglaro sa kaibigan, hindi masyadong sumasama ang loob ko kung hindi nila papayagan. Para sa akin, hindi sila dapat hingan ng paliwanag. Dahil nakatatanda, sila ang tama, hindi ba?

Ganito pa rin ang aking pangkalahatang kaisipan sa panahong handa na akong magsuot ng uniporme at magbuhat ng bag na puno ng mga libro’t notebook. Sa kabila ng kahirapan, pinag-aral ako hindi sa pampubliko kundi sa pribadong paaralan. At dahil pinatatakbo ito ng mga pari, may Katolikong tunguhin ang paghuhubog ng murang isipan.

Naikintal sa aking utak na dapat maging masunurin hindi lang sa nakatatanda kundi sa isang diyos na alam ang lahat ng aking ginagawa. Tandang-tanda ko pa ang madalas sabihin ng mga pari: “Kung ikaw ay may kasalanan, humingi sa diyos ng kapatawaran. Kung may pagkukulang sa iyo ang kapwa, bahala na ang diyos sa kanya.”

Matakot sa nakatatanda, matakot sa diyos. Naging bulag na tagasunod ako, pati na ang mga kalaro’t kaklase ko. Lahat ng iuutos, kailangang gawin. Kung may paring mag-uutos na linisin ang kanyang opisina, kailangang mabilis na gawin ito. Dapat na makintab ang sahig at natanggal lahat ng alikabok sa silya’t mesa. Kung hindi masinop sa gawain, magkakaroon ng malaking kasalanan hindi lang sa pari kundi sa “Kanya.”

Muli, matakot ka! Ang anumang pagsaway ay may katapat na parusa. Puwedeng paluin gamit ang sinturon o paluhurin sa asin. Kung medyo masuwerte, patatayuin na lang sa sulok para pag-isipan nang mabuti ang naging kasalanan.

Kung paniniwalaan si Nanay, tahimik lang daw akong bata – may pagka-introvert pa nga dahil gusto ko raw parating mag-isa. Bagama’t may ilang kaibigan at kalaro, iba pa rin ang kasiyahan ko tuwing solo kong pinaglalaruan ang aking paboritong bola o trumpo. Umiiyak pa nga raw ako kapag may mga hindi-kilalang bisita sa bahay at tumatahan lang kung nakaalis na sila. At para ipamukhang ayaw ko sa kanila, umaakyat ako ng bahay para hindi ko sila makita’t hindi nila ako maistorbo.

Sadyang malaki ang pagpapahalaga ko sa personal na espasyo. Dala-dala ko ang pagiging “loner” sa aking pag-aaral sa elementarya at hayskul. Ayaw ko noon ng mga group work dahil nangangahulugan ito ng pakikisalamuha sa mga kaklase, kahit marami naman sa kanila’y mababait naman. Pero dahil masunurin sa titser, kailangan kong sundin ang mga alituntunin.

Taong 1982. Dahil pinagbuti ko ang aking pag-aaral, nakakuha ako ng maraming pang-akademikong karangalan sa aking pagtatapos sa elementarya. Para sa akin noon, ang mahalaga lang ay ang apat na sulok ng paaralan. Dala-dala ko ang pagiging masunurin at mapag-isa sa aking pagtuntong sa hayskul. Bagama’t pinag-aaralan din sa Agham Panlipunan (Social Studies) ang mga nangyayari sa lipunan, masasabing wala akong pakialam sa politika at ekonomiya ng bansa. Positibo para sa akin ang bulag na pagsunod. Ang aking takot sa nakatatanda at sa kinikilalang diyos ay pangunahing katangian ng aking katauhan.

Batas Militar? Alam ko naman iyon, batay sa “opisyal” na impormasyong ibinalita ng midya at itinuro ng mga guro kong suportado ang diktadura. Naniwala ako noon sa kabutihan ng disiplinang ipinapalaganap ng pamahalaan, lalo na ng mga pulis at sundalo. Galit ako noon sa mga komunista. Sila raw kasi ang dahilan kung bakit napilitan diumano si Pangulong Ferdinand Marcos na ideklara ang Batas Militar sa mismong ikaapat kong kaarawan – Setyembre 21, 1972.

At dahil tumapat sa kaarawan ko ang Batas Militar, marami sa mga guro’t kaklase ko ang nagsabing dapat na sumunod ako sa mga yapak ni Marcos. Matalino raw kasi siya. Ang anumang batikos laban sa kanya ay gawa-gawa lang ng mga inggitero’t walang alam. Dapat lang na suportahan ang kanyang administrasyon, lalo na’t ilang beses niyang ipinangakong “This nation shall be great again.”

Nasira ang aking pagiging masunurin at mapag-isa sa aking pagtuntong sa ikalawang taon sa hayskul. Naaalala kong nasa bahay ako nang pumutok ang balita tungkol sa pinatay sa tarmac ng airport. Petsa: Agosto 21, 1983. Biktima: Ninoy Aquino, dating senador.

Hindi naging sapat ang “opisyal” na impormasyong mula sa midya para komprehensibong masagot ang maraming tanong. Bakit siya pinatay kasama ni Rolando Galman? Totoo bang si Galman ang pumatay sa kanya o biktima rin siya? Kung hindi si Galman, sino ang pumatay kay Aquino? Muli, bakit kailangan siyang patayin ng mga kaaway niya?

Mula sa pagtatanong, natuto akong humanap ng sagot. Ang dating mahiyain at mapag-isa’y natutong makihalubilo, lalo na sa mga okasyong kinailangan ng organisadong pagkilos laban sa diktadura. Ang pagbabasa ay ginawang regular na gawain hindi para mapataas ang pang-akademikong katayuan kundi para mapataas ang politikal na kamalayan. Kung sa murang edad ay simpleng kulay lang ang pagtingin ko sa dilaw at pula, unti-unti kong nakita ang politikal na simbolismo ng mga ito. Bagama’t may una akong pagkiling sa “dilaw” na siyang kulay ng oposisyong pinamunuan noon ni Aquino, nakita ko rin ang lohika ng ipinaglalaban ng “pula” sa kabila ng napakaraming black propaganda laban sa mga diumanong komunista.


Sa personal na antas, nawala ang aking mataas na pagtingin kay Marcos. Pinili ko nang huwag sumunod sa mga yapak niya. Para sa mga guro kong sumuporta noon sa diktadura, nanghinayang sila sa akin at ipinakita nila ito sa pamamagitan ng malamig na pakikitungo sa akin. Pero dahil naigpawan ko na ng pagiging bulag na tagasunod sa awtoridad, ginawa ko ang sa tingin ko’y nararapat at lalo kong pinayaman ang aking politikal na perspektiba.

Oo, lumaki ako sa panahong maraming mamamayan ang naging bulag sa katotohanan. Pero tulad ng iba pa, namulat din ako sa tunay na kalakaran ng lipunan. Nagkukunwaring katahimikan, aktwal na kaguluhan. Sadyang malaking ilusyon ang ating paligid kaya kinakailangang patuloy na suriin ang lahat ng mga pangyayari.

At sa pagsusuri ng nakaraan at ng kasalukuyan, mas lalong nagiging mahalaga ang kontekstong panlipunan.


Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com





4 comments:

  1. Nice blog, I will keep visiting this blog very often. Militar

    ReplyDelete
  2. a person every so often thinking about visits your weblog regularly and advocated it in my experience to go browsing as ably. The addiction of writing is great and in addition to the content is extremity-notch. thank you for that acuteness you find the component for the readers! poder naval brasileiro

    ReplyDelete
  3. Many thanks for the nice comments friend Jahangir.

    ReplyDelete
  4. Bom dia seus mitos! Se você tem um codiguin do Free Fire liberado pelo O Novato, você precisa acessar o Rewards Redemption Site o site de resgate de recompensas do Free Fire no site da Garena. Lá você insere o seu codiguin.

    ReplyDelete