Monday, September 23, 2013

EILER - Praymer hinggil sa Pork Barrel


Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER)
Setyembre 2013




Unang bahagi



1) Ano ang pork barrel? Anu-ano ang mga porma nito?

Ang pork barrel ay tumutukoy sa anumang pampublikong pondo sa gobyerno na inilaan sa partikular na pulitiko o opisyal nang walang depinidong paggagastusan. Ibig sabihin, depende sa personal na kagustuhan ng pulitiko/ upisyal kung saan niya gagastusin ang alokasyon (“discretionary”). May pork barrel para sa mga mambabatas (senador at congressman), mga departamento at government-owned and controlled corporations (GOCC), at maging sa bise-presidente at presidente ng Pilipinas. Ang Priority Development Assistance Fund o PDAF ang pinaka-kilalang porma ng pork. Ito ang alokasyon sa mga kongresista at senador na bahagi ng taunang badyet na inaaprubahan ng Pangulo.

May mga pork barrel din na hindi kasama sa isinasalang sa Kongreso at Senado bilang bahagi ng taunang badyet o iyong tinatawag na “off-budget funds” tulad ng President’s Social Fund (PSF). Bagama’t ina-audit ang tipo ng pork barrel na ito, hindi pinapalaganap ang resulta ng audit at kalimita’y inaabot ng apat o limang taon bago ilabas ang audit report. May mga pork barrel din na sadyang hindi dumadaan sa pag-audit ng gobyerno, tulad ng intelligence funds para sa paniniktik sa mga hinihinalang komunista na inilalaan sa halos lahat ng upisyal ng gobyerno, mula Pangulo hanggang sa alkalde ng munisipalidad.

Malaking bahagi ng pork barrel ay galing sa buwis na ibinabayad ng mga manggagawa at mamamayan – mula sa kaltas sa sahod hanggang sa buwis na ipinapataw sa mga bilihin sa porma ng E-VAT. Bukod sa buwis, maaring manggaling din ito sa kita ng mga government – owned and –controlled corporations (GOCC) ng gobyerno tulad ng PAGCOR – na mga pondo ng gobyerno at sa gayon ng mga manggagawa at mamamayan.

Sa kasalukuyan, may P200 milyon na PDAF ang bawat senador kada taon, samantalang P70 milyon naman ang PDAF ng mga miyembro ng Kongreso kasama ang mga party-list. Tinatayang nasa mahigit P25 bilyon kada taon ang inilalaang pork barrel sa lehislatura na inaaprubahan ng Pangulo.

Para makakuha ng pork barrel ang mga mambabatas, nagsusumite sila ng listahan ng mga proyekto sa Department of Budget Management (DBM) na nasa ilalim ng mandato ng Pangulo. Matapos na aprubahan ang mga panukalang proyekto, mag-iisyu ang DBM ng Special Allotment Release Order (SARO). Para sa mga proyektong pang-imprastraktura, ang SARO ang magiging batayan para simulan ang bidding. Matapos nito ay maglalabas ang DBM ng Notice of Cash Allocation bilang pruweba ng bayad sa konstruksyon. Para naman sa mga “soft projects” tulad ng tulong medikal, may binubuong kasunduan ang mambabatas at pampublikong ospital para garantiyahan ang pagbibigay ng atensyong medikal sa mga tinukoy na pasyente. Anu’t anupaman, may basbas ng DBM at ng Pangulo ang mga proyektong pinopondohan gamit ang PDAF.

Sa implementasyon ng proyekto, may kalayang pumili ang mga mambabatas ng mga NGO na makakatuwang nito, bagama’t walang nakasaad sa batas na nagpapahintulot ng paglalaan ng pork barrel para sa mga NGO. Dito na pumapasok ang maniobra para iimbudo ang PDAF sa illang pekeng NGO na may “ghost projects” o kaya iyong mga NGO na mga mambabatas mismo ang nagtatag.

Iba pang porma ng pork

Subalit hindi lang PDAF ang porma ng pork barrel. Sa katunayan, higit na malaki ang pork barrel ng Pangulo. Kabilang sa pork barrel ng Pangulo ang Special Purpose Funds (SPF), President’s Social Fund (PSF), at Malampaya Gas Funds. Sa ilang pagtataya, aabot sa mahigit P1.3 trilyon ang “presidential pork barrel” ni Noynoy Aquino sa 2014 na mahigit kalahati ng pambansang badyet para sa taong 2014 na aabot sa P2.26 trilyon.

• Special Purpose Fund (SPF) – pondo mula sa buwis ng mga mamamayan na bahagi ito ng taunang badyet na sinusuri ng Kongreso. Subalit lump sum ito o hindi naka-partikularisa sa kung anu-ano ang paggagastusan. Karaniwang bahagi ng SPF ang calamity/ emergency funds at life insurance premium para sa mga upisyal ng gobyerno. Sa inihaing 2014 national budget, tumataginting na P449 bilyon ang nakalaan para sa SPF na ilang ulit na mas malaki kaysa sa PDAF

• President’s Social Fund (PSF) – pondo mula sa kita ng ilang GOCC tulad ng PAGCOR na ginagamit bilang tulong pinansyal sa mga pamilya ng sundalo at kapulisan. Hindi ito bahagi ng taunang badyet na isinasalang sa Kongreso, at wala itong depinidong halaga. Kung kita pa lang ng PAGCOR ang pag-uusapan, umabot ito sa P5.256 bilyon noong 2012.

• Malampaya Gas Funds – pondo mula sa kita at buwis ng Malampaya Natural Gas field sa West Philippine Sea. Kasosyo ang gobyerno ng mga pribadong kumpanya ng langis sa operasyon nito. Mula 2002 hanggang 2013, umabot sa mahigit P165 bilyon ang remitans sa gobyerno mula Malampaya, o nasa P13.75 bilyon na kita taun-taon. Walang malinaw na audit ng pondo na ito.

Iginigiit ni Noynoy Aquino na hindi pork barrel ang PSF at iba pang discretionary funds ng Pangulo dahil umano hindi ito galing sa buwis ng mamamayan. Subalit malinaw na anumang pampublikong pondo ay dapat na tiyaking nasusuri at nailalaan pabalik sa mamamayan. Malinaw sa depensa ni Aquino na gusto niyang panatilihin ang pagpapasya sa kung papaano gagamitin ang bilyun-bilyon, at posibleng trilyun-trilyong, pondo ng mamamayan.

2) Kailan nagsimulang ipatupad ang sistemang pork barrel?

Nagsimulang ipatupad ang sistemang pork barrel sa ilalim ng kolonyal na paghahari ng Amerika sa bansa. Sa panahong ito, binigyan ng alokasyong pork barrel ang mga mambabatas na nagtataguyod ng interes ng mga dayuhang kumpanya at malalaking pribadong negosyo, bukod sa pagtitiyak ng kanilang pusisyon sa burukrasya. Dahil dito, naging kasangkapan ang pork barrel para tiyakin ang katapatan sa imperyalismong US ng mga Pilipinong may pwesto sa gobyerno – na pawang mula sa mga naghaharing uri sa bansa, sa malalaking panginoong maylupa at burges-komprador. Bunga nito, pinatakbong parang negosyo ang gobyerno na may malinaw na diin sa pagprotekta sa pribadong akumulasyon ng kapital – ito ang burukrata-kapitalismo. Pinasahol ng sistemang pork barrel sa pahanon ng kolonyalismong US ang patronage politics o pagtangkilik sa isang patron kapalit ng pabor na itinanim ng kolonyalistang Espanyol, kung saan binibigyan ng pusisyon sa gobyerno ang mga kontra-rebolusyonaryong Pilipino bilang pabuya sa kanilang katapatan sa Espanya.

Ipinagpatuloy ang iskemang ito ng mga sumunod na Pilipinong presidente at mambabatas, na pawang nakinabang sa bilyun-bilyong pera ng sambayanan. Ginamit ang pork barrel ng Pangulo para tiyakin ang pagpapatupad ng mga maka-imperyalista at maka-naghaharing uring patakaran sa pakikipagsabwatan ng Kongreso at Senado. Samantala, nilulustay naman ng mga upisyal ng gobyerno ang pork barrel para tustusan ang maluhong pamumuhay at ang panunuhol sa mga sangay ng gobyerno kabilang ang korte. Ang natitirang pondo ay ginagamit para tiyakin ang pagkapanalo sa susunod na halalan gamit ang mga proyektong pang-akit sa mga botante. Sa madaling salita, ang pork barrel ay ang pondo na mula sa manggagawa at mamamayan na nilulustay para sa swabeng pamumuno ng mga reaksyonaryong upisyal ng gobyerno.





No comments:

Post a Comment