Saturday, September 28, 2013

Pinoy Weekly - BANTAY BADYET | Sino ang ‘Pork Barrel King’?


Posted: 26 Sep 2013 11:04 PM PDT

BANTAY BADYET icon
“Kapanalig natin sa paglaban sa korupsiyon.”


Ganito inilarawan ni Pangulong Aquino ang mga mamamayang nagrali kontra sa pork barrelnoong Agosto 26. Pero sa kabila ng mga pahayag niya at ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na tatanggalin na nito ang Priority Development Assistance Program o PDAF sa 2014 badyet, nanatili pa rin ang lump sum appropriations para sa mga mambabatas.

Ang malala, malaking bahagi – mahigit kalahati pa nga ng badyet, kung tatanungin ang Kabataan Party-list – ng pambansang badyet ay nakalaan sa lump sum appropriations ng Office of the President.


Hari ng baboy?

Sa pagdinig sa Kamara kaugnay ng panukalang badyet ng Office of the President noong Setyembre 9, iginiit ni Executive Secretary Paquito Ochoa na walang “pork barrel” ang Pangulo. “Hindi namin nakikita ito (Special Purpose Fund o SPF) bilang pork barrel. Ang SPF ay dumadaan sa parehong proseso tulad ng regular na badyet. At napapailalim din ito sa pangingilatis ng Kongreso, na siyang aapruba rito,” sabi ni Ochoa.

Pero kung pagbabatayan ang mismong katangian ng SPF at iba pang pondo na nasa ilalim ni Aquino, malinaw na lump sum appropriation, o pondong walang tinukoy na paglalaanan at nasa direktang kontrol ng Presidente, ang mga ito.

Sa pag-aaral ng Kabataan na pinamagatang Prime Cuts: Dissecting the Presidential Pork Barrel, inilinaw nito kung ano ang maituturing na pork barrel: (1) Alokasyong lump-sum na bulnerable sa korupsiyon at pagmamaniobra sa pulitika; (2) Pondo na tanging Pangulo lang ang may kapangyarihang maglaan at maglabas; (3) Pampublikong pondo na di makikita sa pambansang badyet pero kinokolekta at ginagamit ng mga ahensiya ng gobyerno, lalo na ng Ehekutibo (sa pamumuno ni Aquino), na walang financial oversight (karapatang suriin at i-audit ng Kongreso o ninuman).

Batay sa depinisyong ito, pasok na pasok ang SPF ni Aquino na nagkakahalaga ng halos PhP 450-Bilyon. Nasa ilalim nito ang badyet-suporta sa mga korporasyon ng gobyerno na nalulugi, alokasyon para sa local government units, calamity funds, DepED School-Building Fund, Priority Development AssistanceFund (PDAF!), E-Government Fund, Feasibility Studies Fund, Pension and Gratuity Fund, International Commitments Fund, Miscellaneous Personal Benefits Fund at Contingency Fund. Ang mga ito ay bahagi ng pambansang badyet na nagkakahalaga ng PhP310-B.


Magkakilala? P-Noy at Janet Napoles, sa isang sosyalan noong Nob. 2012. Magkakilala? P-Noy at Janet Napoles, sa isang sosyalan noong Nob. 2012.

Pero bukod dito, mayroon ding unprogrammed funds ang Office of the President. Ito ang mga pondo na wala sa pambansang badyet, pero mula sa pondong mula sa kita ng gobyerno, halimbawa sa Pagcor at Malampaya Project. Aabot sa PhP140-B ang unprogrammed funds. Suma total, PhP450-B ang SPF ng Pangulo.

Mismong si Aquino, dinepensahan ang pananatili ng pork barrel sa kanyang badyet. “Sa katangian nito, may mga pondong hindi puwedeng ma-itemize,” sabi ni Aquino.

Sa kanyang kolum sa diyaryong Philippine Star, mistulang sumang-ayon si dating senador Ernesto Maceda sa suri ng Kabataan kaugnay ng PSF. “Ano ngayon ang pagkakaiba (sa PDAF)? Ang PSF ay lump-sum na pinagmumulan ng ipinapautos ng Pangulo na ilabas ang espikipikong halaga para sa soft (i.e. mga pagsasanay) at hard projects (imprastraktura) sa mga ahensiyang inaprubahan ng Pangulo. Walang pinag-iba ito sa PDAF,” sinulat ni Maceda, sa wikang Ingles.


Bayad-utang, pondo sa paniniktik

Bukod dito, bahagi ng pambansang badyet ang pondong direktang inilalaan bilang pambayad-utang lamang.
Sa ilalim ng Automatic Appropriations Act na isinabatas ng ina ng kasalukuyang pangulo, si dating pangulong Corazon Aquino, maaaring awtomatikong maglaan ng pondo ang gobyerno para bayaran ang mga utang nito sa iba’t ibang dayuhang korporasyon (i.e. iyung gumawa ng MRT, LRT, Bataan Nuclear Power Plant, atbp.), pati ang internasyunal na mga institusyong pampinansiya tulad ng World Bank, International Monetary Fund at Asian Development Bank.

Kabilang sa taun-taong binabayaran ng gobyerno ang interes sa mga utang na nagkakahalagang PhP352-B, mga ipinangakong kita ng mga dayuhang kompanyang kinasosyo ng gobyerno,  at marami pang iba.

Kung isasama ang pambayad-utang, na aabot sa PhP700-B, at pati ang intelligence funds na nakalaan para sa Pangulo, aabot sa pagitan ng PhP1-Trilyon at PhP1.5-T ang pork barrel ni Aquino.

Sang-ayon dito sai Leonor Briones, propesor sa Unibersidad ng Pilipinas at dating national treasurer. Aniya, bahagi ng pork barrel ng Pangulo hindi lamang ang lump sum appropriationsna direktang nakaalan at nasa diskresyon ng Pangulo, kund iyung nakalaan sa mga ahensiya ng Ehekutibo

Aabot nga sa mahigit PhP1-T ang pork barrel ni Aquino kung isusuma ang lahat, ani Briones.


Ginisang baboy

Protesta kontra pork barrel sa tarangkahan ng Malakanyang sa Mendiola noong Setyembre 21. (KR Guda)Protesta kontra pork barrel sa tarangkahan ng Malakanyang sa Mendiola noong Setyembre 21. (KR Guda)

Noong budget hearing, sunud-sunod na pinagtatanong si Ochoa ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, ACT Teachers Rep. Antonio Tino, at iba pang kongresista, hinggil sa mga pondong hinihingi ng Office of the President.

Ikinagalit ni Colmenares ang pagtanggi ni Ochoa na sagutin ang mga tanong kaugnay ng paglalanan ng mga pondo na nasa diskresyon ng Pangulo sa ilalim ng 2014 pambansang badyet.

Kasabay nito, noong Setyembre 10, naglabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema sa paglabas ng PDAF. Isinama pa nito ang mga pondo mula sa proyektong Malampaya.

“Kami sa Bayan Muna ay natutuwa sa bagong debelopment na ito kontra sa sistemang pork barrel. Ipinapakita ng pagsama sa TRO ng pondo ng Malampaya, na nagkakahalagang PhP132-B, na walang pinag-iba ito sa PDAF, na nagkakahalagang PhP25-B lang, dahil sa katangian nitong lump-sum na nasa diskresyon lang ng Pangulo,” paliwanag ni Colmenares.

Hiniling ni Colmenares at ng progresibong mga organisasyon na agad na ilaan ang naturang pondo direkta sa mga serbisyong panlipunan tulad ng pampublikong mga paaralan at ospital.

Samantala, iginiit naman ni Maceda, sa kanyang kolum, ang pangangailangang imbestigahan pa rin ang nakaraang kuwestiyonableng mga paggamit ng Pangulo sa pork barrel nito.

“Dapat maipaliwanag at ma-audit ang P23.6-B na inilabas mula sa Malampaya Fund bago ang eleksiyong 2010,” sabi pa ni Maceda.






No comments:

Post a Comment