Posted: 19 Sep 2013 08:20 PM PDT
Popondohan daw ng administrasyong Aquino ang “socialized housing”. Pero kung susuriing mabuti ang panukalang badyet sa 2014, makikitang nakapokus ito sa pagsisiguro na mademolis ang kasalukuyang tinitirhan ng mga maralitang lungsod, kaysa sa pagsisiguro na mayroon silang disenteng trabaho at tirahan.
Ang pagpapalaki din sa pondo para sa CCT (Conditional Cash Transfer) ay indikasyon na hindi interesado ang gobyerno na solusyunan ang ugat ng kahirapan, kundi nais lamang pagtakpan ito.
Malayong relokasyon pa rin
Pinakamalaki ang badyet para sa resettlement ng National Housing Authority (NHA), na nasa PhP5.49-Bilyon. Para sa maralitang lungsod ng Kamaynilaan, ang ibig sabihin lang nito ay pagpapatapon sa kanila sa relocation sites na walang kabuhayan at serbisyong panlipunan.
Inihayag na ng gobyerno na uunahing paaalisin ang mga maralitang nakatira sa walong waterways o daluyan ng tubig sa Kamaynilaan, na umano’y “danger zones.” Siyempre, kung mga maralita ang tatanungin, mas masaklap ang paninirahan sa “death zones” na relokasyong inaalok ng gobyerno sa Bulacan, Rizal o Laguna.
Panawagan ng Alyansa Kontra Demolisyon (AKD) na sa halip na sila’y palayasin, dapat pondohan ng gobyerno ang rehabilitasyon ng kanilang komunidad, at pagpapatayo ng abot-kayang pabahay na malapit sa kabuhayan. Pero di makikita ang ganitong tunguhin sa badyet ng gobyerno.
Halimbawa, ang PhP360-Milyon na badyet ng DILG ay nakalaan sa rental assistance, o PhP18,000 na dole-out sa bawat pamilyang nakatira sa waterways. Ito’y upang pansamantalang makapangupahan umano sa ibang lugar ang mga pamilyang palalayasin. Pero wala namang maipangakong tirahan ang gobyerno kundi sa malalayong relokasyon, o sa mga Medium-Rise Building (MRB) na hindi naman abot-kaya ng mga maralita dahil sa taas ng amortisasyon.
Sa badyet ng DILG, may PhP700-M na nakalaan para sa pagtatayo ng MRB—ngunit kapansin-pansin na kakaunti lamang ang inaasahang makikinabang dito, tinatayang nasa 472 informal settler families, ayon sa datos ng gobyerno.
Ayon pa sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), matagal nang ipinapangako ng gobyerno ang pagtatayo ng mga MRB, ngunit ni isa’y walang naitayo ngayong taon. Wala rin umanong local government unit ang nag-donate ng kanilang lupa para sa tirahan ng maralitang lungsod, kaya’t off-city o malayong relokasyon pa rin ang tanging ibinibigay na opsiyon ng gobyerno.
Inaasahan din ng mga maralita na hindi nila mapapakinabangan ang PhP3.67-B na inilaan ng gobyerno para sa Community Mortgage Program (CMP), o pagpapautang para magkabahay. Ayon sa Kadamay, ang CMP ay hindi para sa pinakamahihirap. Sekondaryo lamang sa kanila ang seguridad sa pabahay; mas pangunahin ang pangangailangan sa pang-araw-araw na pagkain, trabaho, edukasyon at kalusugan.
Para sa debeloper, kurakot na opisyal?
“Malinaw na tanging pribadong mga debeloper at kurakot na mga pulitiko sa mga ahensiya ng gobyerno ang makikinabang sa pondong inilalaan mula sa buwis ng mga mamamayan para sa diumano’y pabahay,” ani Estrelita Bagasbas, tagapagsalita ng AKD.
Halimbawa, isa sa pinakamalaking debeloper sa relocation site sa Montalban, Rizal ang New San Jose Builders Inc. (NSJBI), na pag-aari ng negosyanteng si Jerry Acuzar, bayaw ni Executive Secretary Paquito Ochoa. Sangkot din sina Ochoa at Acuzar sa maanomalyang kontrata sa pagitan ng PhilForest at NSJBI para sa pagdebelop ng 2,000 ektaryang lupa sa Palawan, na ibinulgar ng whistleblower na si Jun Lozada.
Nangangamba rin ang maralitang lungsod na posibleng gamitin ni DILG Sec. Mar Roxas ang pondo ng ahensiya sa kampanya para sa 2016 presidential elections. Nadawit si Roxas sa pork barrel scam nang matuklasan ng Commission on Audit na kuwestiyonable ang PhP5-M na idinaan ni Roxas sa Kaloocan Assistance Council, Inc.
Sa halip na CCT…
Tinitignan ding balon ng korupsiyon ang CCT o Pantawid Pamilyang Pilipino Program, na pinalaki pa ang badyet sa 2014. Nasa PhP76.8-B, o halos 70 porsiyento ng badyet ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang nakalaan sa CCT, na tinatayang aabot sa 4.3 milyong pamilya.
Isang imposisyon ng dayuhang institusyon na World Bank, binabatikos ang CCT hindi lamang dahil sa malawakang iregularidad sa paggamit nito, kundi dahil isa itong dispalinghadong “solusyon” sa kahirapan.
“Kahit gaano pa man kalaki ang ilagay nilang badyet sa CCT ay mababalewala rin dahil patuloy na pinapalayas ang mga maralita sa kanilang mga komunidad at kabuhayan,” ayon kay Nere Guerrero, tagapangulo ng Samahan ng Maralitang Kababaihang Nagkakaisa o Samakana.
Naniniwala ang grupo na “malaking aksaya sa pera ang CCT” kung patuloy ding ipinapatupad ng administrasyong Aquino ang kontra-mahihirap na mga polisiya gaya ng demolisyon.
Umano’y mas maigi pang ilagay ang badyet sa CCT sa mga kongkretong serbisyo gaya ng mas maraming charity wards sa mga pampublikong ospital at mas maraming paaralan at libreng mga aklat para sa bata.
Para naman sa Kadamay, maiging dalhin ang buwis ng taumbayan sa mga programang lilikha ng trabaho para sa mga maralita. Pangunahin dito ang pagtatayo ng pambansang mga industriya, at pagpapaunlad ng agrikulturang nakatuntong sa reporma sa lupa.
Badyet para sa ‘Socialized Housing’
Gov’t agency | Program | Amount | No. ofBeneficiaries |
National Housing Authority | Resettlement |
P 5.49 B
|
20,000 ISF
(Informal Settler Families)
|
Socialized Housing and Financing Corp. | Community Mortgage Program |
P 3.67 B
|
5,895 ISF
|
Dept. of Interior and Local Government- Office of the Secretary | 1. Rental Assistance2. Micro-Medium Rise Building |
P 360 M
P 700 M
|
20,000 ISF
472 ISF
|
Presidential Commission on the Urban Poor | Capacity-Building for the ISF (consultation mechanisms) |
P 8 M
|
24,000 ISF
|
TOTAL |
No comments:
Post a Comment