Saturday, September 28, 2013

Pinoy Weekly - BANTAY BADYET | Habang sumisiba ang baboy: edukasyon, kalusugan pinababayaan

Posted: 26 Sep 2013 10:39 PM PDT
BANTAY BADYET icon

Ginagarantiya dapat ng Saligang Batas na prayoridad ng gobyerno ang mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon at serbisyong medikal. Pero ang polisiya ngayon ng administrasyong Aquino, patuloy na pagkaltas sa pondo ng naturang dalawang serbisyo – at itulak sila patungo sa pribadong sektor.

Kung titignan ang mga numero ng 2014 pambansang badyet, tumaas ang pondo ng dalawang nabanggit na serbisyo. Pero kung susuriin ang tunay na pinaglalaanan ng mga pondong ito, tila hindi ang edukasyon at kalusugan ang prayoridad ng administrasyong Aquino.

Ayon sa Kabataan Party-list, walang signipikanteng naidadagdag ang administrasyong Aquino para sa edukasyon. Sa 110 state colleges and universities (SUCs) sa bansa, nasa 79 SUCs ang nakaambang kaltasan ng badyet sa taong 2014 sa kabila ng sinasabing pagtaas sa badyet.

Nasa PhP34.7-Bilyon mula sa dating PhP32.8-B ang matatanggap ng SUCs sa bansa, base sa Department of Budget and Management (DBM). Malayo ito sa PhP54-B na pangangailangan ng SUCs na orihinal na isinumite.


Piket sa Batasan Pambansa ng mga manggagawang pangkalusugan sa ilalim ng HEAD. (Pher Pasion)
Piket sa Batasan Pambansa ng mga manggagawang pangkalusugan sa ilalim ng HEAD. (Pher Pasion)


Planadong pagkaltas

Ayon sa Kabataan, sistematiko ang pagkaltas sa badyet sa edukasyon dahil sa Roadmap for Higher Education Reform (Rpher) na programa ng administrasyong Aquino para sa edukasyon.

Sa ilalim ng Rpher, target na “i-rationalize” ang pagpopondo ng gobyerno sa SUCs para itulak ang mga ito na maging self-sufficient sa pamamagitan ng pagsasagawa ng income generating projects at mabawasan na umasa ng pondo mula sa gobyerno.

“Sa ilalim ng RPHER, tinutulak na maging self-sustaining (ang SUCs). Bahala silang mag-raiseng sarili nilang pondo. Mula sa pagtataas ng matrikula at iba pang bayarin. Kaya lip servicelamang yung pagtataas ng pondo.

Mahalaga ‘yung maintenance and operating expenses ng paaralan, mababa pa rin,” ayon kay Kabataan Rep. Terry Ridon.

Maliban pa dito, mayroon din umanong PhP5-B pork barrel ang Commission on Higher Education (CHED). Sa ilalim ng 2014 badyet para sa SUCs, ang PhP5-B ay binabanggit bilang “allocation for capital outlay and scholarships programs.”

May kuwestiyonableng alokasyon din sa CHED gaya ng “social protection package for former combatants” sa ilalim ng Pamana (isang anti-insurehensyang programa ng gobyerno) na nagkakahalaga ng PhP4-Milyon, dagdag ng Kabataan.

Samantala, “tumaas” ang pondo ng Department of Education na makakatanggap ng PhP337-B pondo para sa 2014. Pero para sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), malayo pa rin ito sa pangangailangan ng batayang edukasyon.
Ayon sa ACT, aabot lamang sa tinatayang PhP44.6-B para matugunan ang kakulangan sa mga klasrum, upuan, textbooks (6 libro/estudyante), tubig at sanitasyon para sa paaralan.

Nasa PhP55.2-B naman aabutin para matugunan ang dagdag na sahod, karagdagang teaching items, annual medical exam (P500/guro), implementation of grant of cash allowance, hardship pay, ERF conversion to MT, reclassification of position and payment of step increment, at Collective Negotiation Agreement (CNA) Incentives ng mga guro.

Matutugunan sana ito kung direktang ilalaan sa edukasyon ang pork barrel, ayon sa ACT.


PPP sa edukasyon

Isa sa kinukuwestiyon ng ACT ang paglaki ng pondo ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (Gastpe), programa ng gobyerno para umano i-decongestang mga publikong paaralan sa pagpopondo sa mga mag-aaral na lilipat patungong pribado.

“Parang sub-contracting (ito). Privatization ito sa esensiya,” ani France Castro, pangkalahatang kalihim ng ACT.
Maikukumpara ang Gastpe sa Conditional Cash Transfer (CCT) at Philhealth. Kung sa ang CCT ay pagbigay ng kakarampot na panggastos sa iilang mahihirap sa halip na bigyan ng sapat na trabaho sila, at Philhealth ang binabayarang insurance para “makamura” sa serbisyong medikal sa halip na magbigay na sapat na pondo sa pampublikong mga ospital, ang Gastpe ay pagpasa ng iilang maralitang estudyante sa pribadong mga eskuwelahan sa halip na maglaan ng sapat na pondo sa mga pampublikong eskuwelahan.

Sa kaso pa ng Philhealth at Gastpe, napupunta ang pondo ng gobyerno sa pribadong mga ospital at eskuwelahan.
Sa budget hearing sa Kamara ng DepEd, isiniwalat ni Education Undersec. Francis Varela na aabot sa PhP7.5-B ang hinihingi ng DepEd para sa Gatspe. Napasabi tuloy si ACT Teachers Rep. Antonio Tinio na tila “pribadong mga paaralan pa ang may pinakamalaking pinaglalaanan ng pondo” ng DepEd.

Sinabi ni Castro, na isang pampublikong guro sa elementarya, na di nakakatulong ang Gastpe sa pag-decongest umano ng public schools. “Ang nangyayari, masyado ring anomalous ito. Di ba kukuha dapat sila ng estudyante mula sa public schools, ang nangyayari, yung nasa private school na mismo ang binibigyan ng tulong.”
Bahagi ng programang Public-Private Partnership o PPP ang Gatspe.


Badyet sa kalusugan

Pagmamalaki ng DBM, “lumaki” ang badyet para kalusugan na aabot sa PhP87.1-B. Pero lumalabas na wala itong pinagkaiba sa 2013 badyet. Sa P35-B dagdag-badyet sa serbisyo-kalusugan noon, PhP12.6-B ang inilaan sa Philhealth.

“Imbes na sa mga ospital ibigay ang pondo, malaking bahagi nito ang sa Philhealth…(H)indi naman lahat ng mga mamamayan ang mayroong (Philhealth),” ani Gene Nisperos, doktor at vice-chairperson ng Health Alliance for Democracy (HEAD).

Sinabi pa ni Nisperos na di rin naman lahat ng serbisyong pangkalusugan ay sakop ng Philhealth.
“Imbes na serbisyo ang dapat na prayoridad at ilaan ang malaking pondo sa pampublikong mga ospital natin, sa Philhealth pa ito ibinibigay.  Ibig sabihin, binabayaran ang serbisyong pangkalusugan,” dagdag niya.

Habang umaapaw ang pondo para sa pork barrel, taun-taong tila pulubing namamalimos ang mga batayang serbisyo para sa paghingi ng pondo.


May ulat ni KR Guda







No comments:

Post a Comment