Saturday, September 14, 2013

Pinoy Weekly - #ForwardMarch: Pasulong na martsa ng kilusang kontra-pork barrel


Posted: 14 Sep 2013 12:20 PM PDT

Mas maliit man kaysa sa naunang pagtitipon noong Agosto 26, malakas pa ring inirehistro ng humigit-kumulang 15,000 katao sa Luneta ang paglaban sa pork barrel. 

Hindi ipinagbawal, bagkus ay hinimok pa, ng mga organisador ng #ForwardMarch ang pagdadala ng mga plakard,bannersstreamers, watawat, effigy at kung anu-ano pang porma ng biswal na protesta.

May mataimtim na pananalangin, pero mayroon ding maingay na pagtugtog ng mga banda at musikero, ang narinig mula sa entablado. Dahil dito, isang makulay, malikhain at matunog na protesta ang inirehistro ng mga mamamayan noong Setyembre 13.
Nilahukan, siyempre, ang protesta ng organisadong hanay ng mga mamamayan. Bahagi ang militanteng mga grupo, mga alyado nila, at progresibong mga indibidwal at netizens sa Abolish the Pork Barrel Movement (#AbolishPork) na nag-organisa sa protestang iyon.

Pero bukod dito, lumahok din ang iba’t ibang eskuwelahan, mula sa pampublikong mga pamantasan hanggang sa eksklusibo at Katolikong eskuwelahan.

Samantalang nagtipon sa Liwasang Bonifacio ang mga organisasyon sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), naglunsad naman ng banal na misa ang mga pari at relihiyoso sa simbahan ng San Agustin sa Intramuros, bago nagmartsa patungong Luneta.

Patungo sa parke, tinagpo nila ang mga kapwa-relihiyoso mula sa mga Kristiyanong Protestante, kasama ang whistleblowers sa pangunguna ni Jun Lozada. Nakasama pa ng mga relihiyosong Protestante si dating Chief Justice Reynato Puno.


IKILIK ANG LARAWAN PARA MAKITA NANG MALAKI. #ForwardMarch sa Luneta Park, 13 Setyembre 2013. (Mga larawang pinagdikit, ni Pher Pasion)#ForwardMarch sa Luneta Park, 13 Setyembre 2013. (Mga larawang pinagdikit, ni Pher Pasion)

Sa Luneta, muling naglunsad ng ecumenical service ang mga relihiyosong Katoliko, Protestante, at Muslim. Tinapos ito ng talumpati ni Archbishop Emeritus Oscar Cruz, na matapang na nananawagan ng pananalangin at pagkilos.

“Magdasal tayo,” sabi ni Cruz. “Pero kumilos din tayo. Maganda ang dasal pero hindi sapat ang dasal.”

Sinabi niya na makapangyarihan ang dalawang ito — panalangin at pagkilos — para tutulan ang “kababuyang” nagaganap sa bansa ngayon.

Inunahan na rin niya ang inaasahang pagmamaliit ng Malakanyang at midya sa pagkilos ng mga mamamayan noong araw na iyon.
“Kung may magsasabi na ang taong wala rito (sa Luneta) ay sang-ayon sa pork barrel system mo (Pangulong Aquino), nagkakamali ka,” ani Cruz.

Maaari umanong “wala lang pamasahe, o walang laman ang tiyan” ng mga mamamayang hindi nakalahok sa protesta.
“Pero imposible na payag sila sa mga nangyayari sa bayan natin ngayon,” pagtatapos ng Arsobispo.

Dumulo ang programa sa mga talumpati at pagtatanghal, at konsiyerto — tinaguriang “Rock and Rage” — ng mga musikerong malakas na nagpahayag ng pagtutol sa sistema ng pork barrel, sa korupsiyon sa pamahalaan, at sa pagsasamantala ng iilan sa nakararaming mamamayan.

Nangako silang magpapatuloy ang mga protesta. May nakatakda na, sa Setyembre 21, pero bago at matapos ang petsang ito, inaasahang magpapatuloy ang pagpapahayag ng pagtutol sa lahat ng porma ng pork barrel — hanggang mabasura ito, o mabasura ang mga nagtataguyod nito.



***********

No comments:

Post a Comment