Saturday, September 7, 2013

Pinoy Weekly - Mas Opyo kaysa Opinyon


Posted: 05 Sep 2013 10:31 PM PDT



Syempre pa, kabilang ang mga manggagawa sa mga uring pinagsasamantalahan ng imperyalismong US sa Pilipinas. Mahaba na rin ang kasaysayan ng mga manggagawang Pilipino sa paglaban sa imperyalismo, simula pa noong bago ang unang kilos-protesta sa Araw ng Paggawa sa bansa, noong 1903, na may sentral na panawagang “Kamatayan sa Imperyalismo!” Sa pagitan ng dalawang puntong ito, ng pagsasamantala at paglaban, mailulugar ang mga obserbasyon niyang inudyukan ng titulo-probokasyon ng isang pang-akademikong kumperensyang nakita niya sa Facebook – “Wika at Imperyalismo.”


Pero saan siya kukuha ng kalipunan ng wika ng mga manggagawa? Wala siyang kopya ng mga mensaheng textmula sa kanilang mga cellular phones. O ng mga liham na ipinapadala ng marami kanila sa pamilya sa probinsya. Bihira sa kanila ang aktibo sa mga social networking sites. Lalong mahirap makahanap ng sanaysay ng nakakarami sa kanila. Sa ganitong pagtatanong niya natumbok na kailangan niyang humango sa limitadong karanasan niya sa kilusang paggawa. Kailangan niyang tandaan ang mga napakinggan niya sa anumang inabot ng pakikisalamuha sa mga manggagawa.


Dahil hindi pa rin masigla ang wikang nakasulat sa hanay ng mga manggagawa habang masigla ang wikang pabigkas. Sa huli nila mas naisasatinig ang iba’t ibang hinaing at saloobin. Pero mula pagrereklamo sa mabigat na trabaho at maliit na sahod hanggang sa usap-usapan ng pagtatayo ng unyon, mula pagpaplano ng pag-uunyon hanggang mga talakayan at pag-aaral – lahat ng iyan, sa wika dumadaan. Sa sama-samang pagkilos naipaglalaban ng mga manggagawa ang kanilang mga karapatan at kahilingan, at inihahanda ang pagkilos na iyan ng pagsasalita, na nananalaytay rin sa mga pagkilos.


Armas ng mga manggagawa ang wika, na mahalagang uliting wikang pabigkas, sa paglaban para sa kanilang mga karapatan at kahilingan. (Pansining ang “salita” na “word” sa Filipino, na pwedeng nakasulat o binibigkas, ay malapit na agad sa “pagsasalita” o “to speak.”) Kapansin-pansing makulay ang mga salita nila sa pagbansag sa mga itinuturing na kalaban, tao man o patakaran. Sa bagay na ito, lumalabas ang kanilang kakayahan at hilig sa pagpapatawa, na nagiging pangungutya. Pedagohikal din: mabilis kumapit sa alaala ang iba’t ibang pangalan sa ganitong mga pagbabansag.


Ang tawag nila sa mga porma ng patakarang neoliberal: LAPIDA, para sa Liberalisasyon, Pribatisasyon at Deregulasyon.


Sa kontraktwal na empleyo na pumuputol sa kontrata ng manggagawa matapos ang limang buwan para hindi umabot sa anim at maging regular, sa paraang nagpapaalala ng sardinas na laging kinakain sa sahod sa ganitong trabaho: 5-5-5.



Sa napakababang sahod, malayo sa antas na nakakabuhay o living wage: Libing wage.
Kay Noynoy Aquino na maihahalintulad sa nabugok na itlog: Penoy.


Sa sekretaryo ng paggawa na nag-assume ng jurisdiction sa Hacienda Luisita at nagligalisa sa masaker doon: Patricia Santatanas (Sto. Tomas).


Sa kasalukuyang sekretaryo ng paggawa na nagpatupad ng malawakang tanggalan at kontraktwalisasyon sa Philippine Airlines: Rosalinda Baldozer (Baldoz).


Sa PTGWO o Philippine Trade and General Workers’ Organization, pederasyon ng dilawang Trade Union Congress of the Philippines na pahirap sa mga manggagawang miyembro nito: Pitong Taong Gutom at Walang Omento.
Ilan na nga ba ang kaso ni Lucio Tan? Walang nakakaalam? Hindi bale, lagi naman niyang nalu-Lucio Tan.
Kahit ang wikang nakasulat para sa mga manggagawa, nakabatay sa wikang pasalita. Ang polyeto para sa kanila, bukod sa dapat maka-manggagawa ang nilalaman, dapat epektibo ang porma: gumagamit ng pang-araw-araw na salita at maiikling pangungusap. Kahit parang prase o hirit ang ilang pangungusap, walang problema; hindi kailangang buo tulad sa mga sulatin sa mga paaralan o opisina. Mas madulas din ang ganitong porma para sa paghahayag ng galit. Ang isang sukatan: Hindi hihingalin ang nagbabasa. Pinakamainam kung ang mga pangungusap, nasasabi ng karaniwang manggagawa.


Sa kabilang banda, ano ang sinasabi ng mga kapitalista, sa pamamagitan ng mga manedyer at superbisor, sa mga manggagawa? Bukod sa dapat gawin sa trabaho, samu’t saring pagbabawal: mula pagpapahaba ng break hanggang pagkukumparahan ng pay slip, mula pagkuha ng larawan ng empresa hanggang pagpapahayag sa mga social networking sites. Wala masyadong paliwanag, maliban sa pangangalaga sa pangalan ng kumpanya. Pero may dalang takot, dahil sinusuportahan ng mga parusa – ultimo ang matanggal sa trabaho. Laging may nasasampolan, ginagawang panakot sa mga naiiwan.


Anu’t anuman, hindi buu-buong doktrina ang ipinapatanggap sa mga manggagawa para magtrabaho nang payapa alinsunod sa “industrial peace” na sinisikap ng gobyerno. Walang sistematikong paliwanag kung bakit maganda ang kapitalismo at malayang pamilihan o tungkol sa “Katapusan ng Kasaysayan.” Mas madalas, sa antas ng empresa, pilit pinapasunod ang mga manggagawa gamit ang banta ng pagtanggal sa trabaho. Ang mga kapitalista, matipid sa paliwanag sa mga manggagawa, pero sandamakmak naman ang mga mapanupil na patakarang ipinapatupad ng gobyerno pabor sa kanila.


Kung paggamit ng wika ng mga kapitalista sa antas-empresa sa layuning pasunurin ang mga manggagawa ang pag-uusapan, mas ang pinakamalapit ay ang paggamit sa piling aspekto ng relihiyong Katoliko, tulad ng pagiging mapagpasalamat sa lahat ng nangyayari, mabuti man o masama. O ang pagpapahalaga sa pamilya at trabaho – na batayan para manawagang huwag alintanain ang masamang kalagayan sa paggawa at magbuhos pa ng sipag sa pagtatrabaho. Ang paggamit ng mga kapitalista sa wika, mas pagpapagaan sa kalagayan kaysa pagbibigay-katwiran, mas opyo kaysa opinyon.


Sa dulo, madaling mapansin ang pagbabawal at pananakot sa paggamit ng wikang Filipino ng imperyalismo at mga alyado nitong naghaharing uri kapag kausap ang mga manggagawa – sa loob ng empresa, mahalagang idiin. Madali ring mapansin ang pagbabansag at katatawanan na tampok sa paggamit ng wika ng mga manggagawang lumalaban. Kontra sa pira-pirasong paniniwala na inilalahad ng mga naghahari sa mga manggagawa, makikita sa wika ng mga lumalabang manggagawa ang pagsisikap kamtin ang lampas-empresa, mas malawak, kung hindi man buo, na pag-unawa sa kalagayan.



06 Setyembre 2013





*************




No comments:

Post a Comment