Pinoy Weekly |
Posted: 28 Sep 2013 07:12 AM PDT
Photo grabber, photo thief, plagiarist. Makikita ang mga salitang ito kung gagawa ka ng Google search sa pangalang “Mark Joseph Solis.”
Matatandaang inamin ni Solis noong gabi ng Setyembre 22 ang paggamit ng larawan ni Gregory John Smith mula sa Flickr account ng huli para isumite sa patimpalak na 2nd Calidad Humana National Essay Photography Competition ng embahada ng Chile. Sa pamamagitan ng larawan ni Smith, nanalo si Solis ng unang gantimpala. Nakakuha siya ng premyong $1,000, bukod pa sa “high-end mobile phone” at roundtrip ticket papuntang Brazil at Chile. Kaakibat ng pag-amin ni Solis ay ang pagsauli sa mga premyo. Batay sa kanyang mga panayam sa midya, inamin niya ang pagkakamali at humingi siya ng paumanhin hindi lang kay Smith kundi maging sa embahada ng Chile at sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) na nadawit sa kontrobersiya. At bakit nga naman hindi madaramay ang UP sa isyung ito? Nagtapos si Solis ng Bachelor of Arts (BA) in Political Science at kasalukuyang kumukuha ng Master of Public Administration (MPA) sa UP Diliman. Siyempre’y pagpipiyestahan ng midya at ng publiko ang kontradiksiyong ang pambansang unibersidad na nagtataguyod ng pinakamataas na pamantayan ng karangalan at kahusayan (“honor and excellence”) ay magkakaroon ng isang estudyanteng katulad ni Solis. Sa ngayon, ang opinyong pampubliko ay hindi pabor kay Solis. Malaking kahihiyan kasi ang ginawa niya hindi lang para sa UP kundi para sa buong bansa. Naunsyami, halimbawa, ang plano ng Department of Tourism (DOT) at Department of Foreign Affairs (DFA) na gamitin ang entry ni Solis sa marketing campaign ng Pilipinas sa ibang bansa. Pero higit pa sa naunsyaming plano, malaking kahihiyan din ang idinulot nito sa embahada ng Chile na nag-organisa ng patimpalak na may temang “Smiles for the World.” Paano ka nga ba naman mapapangiti sa sitwasyong ito? Bagama’t inamin ni Solis ang kanyang pagkakamali, ginamit naman niya bilang depensa ang kanyang pagiging bata. Sabi ni Solis sa kanyang sulat kay Smith na ibinahagi rin niya sa Rappler, “I was driven by my youth, lack of experience, and the inability to see the repercussions of my actions. The sheer amount of the prize, the stiff competition, and the unique opportunity to be abroad blinded me from undertaking what is supposed to be an honest and a rightful conduct. It was a regrettable lapse on my judgment, and no words can express how sorry I am for taking (Smith’s) photo as mine.” Sa mga sumunod niyang panayam sa midya, binanggit din ni Solis ang kahirapan bilang dahilan ng kanyang pagsali sa mga photo contest gamit ang mga larawang hindi kanya. Sa aking pagbabasa ng kanyang sulat para humingi ng paumanhin, naalala ko ang mga kaso ng plahiyo (o plagiarism) na isinampa sa ilang estudyante sa UP Diliman sa mga nagdaang taon. Bagama’t hindi ko puwedeng banggitin ang detalye, maraming beses ko nang narinig ang argumentong ang mga akusado ay masyado raw “pressured” sa napakaraming pang-akademikong gawain kaya napilitan na lang silang mag-“copy and paste” ng mga materyal na madaling makuha mula sa Internet. Gayundin ang nangyari sa kaso ng isang estudyanteng napatunayang ipinasa sa propesor ang litratong hindi pala kanya. Umiiyak na binanggit ng estudyante sa akin na naging desperado siya sa pagkakataong iyon at akala niya’y hindi siya mabibisto. Dahil sa katangian ng plahiyo, nangyayari lang ang pag-amin o pagtanggi pagkatapos malaman ito bunga ng isang reklamo. Naging kakaiba lang ang kaso ni Solis dahil hindi lang pala isang beses niyang ginawa ang pag-aangkin ng mga larawang hindi naman kanya. Kung paniniwalaan nga ang ebidensiyang kumakalat sa social media, lumalabas na mula pa noong freshman siya sa UP ay ginagawa na raw niya ito. May mga nagsasabi pa ngang hindi naman talaga mahirap si Solis kaya nagsinungaling daw siya sa kanyang panayam sa midya. Totoo kaya ang mga argumentong ito? Sa ganitong konteksto nagkakaroon ng iba pang termino para ilarawan si Solis – scumbag, sociopath, serial plagiarist at iba pang salitang pinili kong huwag banggitin sa sanaysay na ito. Patuloy ang pagkondena sa kanyang ginawa habang may ilang nag-aalipusta sa kanyang pagkatao, pati na rin sa kanyang pamilya. Sa katunayan, ang mga dati nang galit sa UP sa kung anumang dahilan ay mas lalo pang nakahanap ng dahilan para lalo pang manlait sa pamantasang hirang. May dahilan ba para magalit? Oo, dahil hindi katanggap-tanggap ang ginawa ni Solis. Sa kabila ng kanyang mabilis na pag-amin sa kasalanang ginawa, kailangan pa rin siyang maimbestigahan at maparusahan. Kung ito ay nangangahulugan ng suspensyon sa loob ng isang taon o expulsion sa UP Diliman (ito kasi ang parusa sa intellectual dishonesty kabilang ang plahiyo), dapat lang na ipataw ito sa kanya. Kung ang ibang estudyante ng UP Diliman na umaming nag-plagiarize ay na-suspend o na-expel, hindi ba’t dapat lang na mangyari din ito kay Solis? (Bagama’t maaaring maging depensa ni Solis ang sitwasyong ang photo contest ng embahada ng Chile ay labas sa kanyang pang-akademikong gawain, puwede rin namang maging argumento ng administrasyon ng UP Diliman ang misrepresentasyong ginawa niya bilang estudyante ng UP.) Pero anuman ang kahihinatnan ng imbestigasyong inaasahang gagawin ng administrasyon ng UP Diliman, may tanong lang ako sa puntong ito: May batayan ba ang panlalait sa kanyang pagkatao at pagdamay sa mga miyembro ng kanyang pamilya? Kung ako ang tatanungin, ang aking mabilis na sagot ay hindi. Isipin nating mabuti: Labas na sa isyu ng plahiyo ang anumang personal na atake. Hindi nagbibigay ng dagdag na ebidensiya ang mabulaklak na pananalita. Hindi napapataas ang antas ng diskurso sa pamamagitan ng pagmumura. May dahilan para magalit. Walang dahilan para manlait. Kahit negatibo laban kay Solis ang kritisismo, puwede pa rin naman itong maging makabuluhan kung pag-iisipan hindi lang ang mga salita kundi ang mga argumento. At kung walang maidaragdag para mapataas ang antas ng diskurso, mas mainam na huwag magkomento at pag-isipan muna ang paninindigan. Sa panahon ng social media tulad ng Facebook at Twitter, ang mga online user ay nakakatulong sa paghubog ng opinyong pampubliko sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kanilang saloobin. Ang anumang ibinabahagi sa komunidad na online ay nagiging bahagi na ng tinatawag na public sphere. At dahil ang online user ay naiimpluwensiyahan ang opinyon ng iba, parati nating tandaang walang sinuman ang nararapat na ma-cyberbully. Malinaw mang may kasalanan si Solis, hindi siya dapat murahin. Sa pamamagitan ng makabuluhang diskurso, may paraan para iugnay ang personal na pagkatao sa panlipunang konteksto. Nagiging posible rin ang pagpapahayag ng galit sa paraang hindi nanlalait. Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com. |
No comments:
Post a Comment