Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER)
Setyembre 2013
Ika-dalawang bahagi
Naging matingkad ang pag-abuso sa pork barrel sa ilalim ng diktadurang Marcos kung saan walang sistema ng audit at kara-karakang inaaprubahan ng Kongreso ang taunang badyet. Sa kabila ng kabulukan ng sistema, ipinagpatuloy ang pork barrel sa ilalim ng rehimeng Cory Aquino at pinangalanan itong Countrywide Development Fund (CDF). Dahil sa naisiwalat na malawakang pangungurakot ng CDF sa ilalim ng rehimeng Ramos, pinalitan ang tawag sa pork barrel ng Kongreso at ginawang PDAF. Nagpatuloy ang pangungurakot sa pork barrel sa ilalim nina Estrada at Arroyo. Malinaw na nagpalit lang ang pangalan at mukha ng mga Pangulo subalit nanatili ang sistematikong pandarambong ng pera ng mamamayan sa ilalim ng sistemang pork barrel. Sa loob ng mahabang kasaysayan ng pag-abuso sa pork barrel, wala kahit isang korap na opisyal ang nahatulan at napanagot sa pagnanakaw sa kaban ng yaman ng bansa.
3) Ano ang klase ng mga proyektong pinopondohan sa ilalim ng pork barrel system?
Sa pangunahin, ang mga proyektong pinopondohan sa ilalim ng pork barrel system ay mga palusot at pantabing lamang para sa korupsyon ng mga pulitiko, pangunahin ang pangulo ng Pilipinas. Pinakamalaking bahagi ng pork barrel ang napupunta sa korupsyon ng mga pulitiko, at maliit na bahagi lamang ang napupunta sa aktwal na pagpapatupad ng mga proyektong umano’y pinopondohan. Marami sa mga proyektong ito ay ”ghost projects” lamang.
At kahit ipatupad ang mga proyektong ito, pabor sa pagpapanatili ng kronikong krisis ng mamamayang Pilipino – kahit pa ibinibida ito ng gobyernong Aquino bilang mga programang pangkaunlaran. Sa pinakamainam, ang “pork barrel menu” ng mga proyekto ay karaniwang tumutugon sa mga kagyat lang na pangangailangan ng mamamayan habang binibigyang-batayan sa pangmatagalan ang pribatisasyon ng serbisyong panlipunan at pagtatayo ng samu’t saring imprastrakturang pabor lang sa mga pribadong kontraktor.
Halos pare-pareho ang mga klase ng proyekto na pinopondohan sa ilalim ng pork barrel system. Karaniwang may “pork barrel menu” ang DBM taun-taon kung saan pipili ang mga mambabatas. Kabilang sa menu ang mga sumusunod:
• Scholarships
• Tulong medikal sa mga natukoy na indigents o mahihirap na pasyente
• Livelihood programs
• Konstruksyon ng patubig sa komunidad at irigasyon
• Konstruksyon ng tulay, kalsada, eskwelahan, ospital
• Konstruksyon ng “farm-to-market roads”
• Konstruksyon ng multi-purpose buildings at covered courts
• Pagbili ng firetruck
Bagama’t may kagyat na pakinabang ang ilan sa mga proyekto, karaniwang ginagamit na sangkalan ang samu’t saring proyektong ito para ipatupad ang mga anti-mamamayang patakaran. Halimbawa, karaniwang ginagamit na palusot ang mga scholarship programs para ipatupad ang kaltas sa badyet ng mga state universities and colleges (SUCs) at ang pagtataas ng matrikula. Ginagamit na palusot ang mga medical assistance programs para itulak ang pribatisasyon ng mga pampublikong ospital. Sa huli’t huli, ang mga manggawa at mamamayan ang magdurusa sa ilalim ng ganitong sistema.
4) Sinu-sino ang nakikinabang sa pork barrel?
Ang mga pulitiko at mga ka-sosyo nilang non-government organizations (NGOs) at pribadong
kontraktor ang pangunahing nakikinabang sa sistemang pork barrel. Sila ang may pinakamalaking kurakot sa mga proyektong pinopondohan ng pork barrel na karaniwan pa nga’y walang implementasyon o “ghost projects” lang. Kung sakali mang may aktwal na proyekto, mumo lang ang nakaabot na pondo sa mga manggagawa at mamamayan bukod sa wala sa balangkas ng komprehensibong pag-unlad ang mga proyektong ito.
Sa ganitong kaayusan, nakikinabang din ang imperyalismong US at mga naghaharing uring burges-komprador at panginoong maylupa, dahil natitiyak nilang mga patakaran at hakbanging pabor sa kanila ang ipapatupad ng gobyerno. Ang sistema ng burukrata-kapitalismo ay paraan para bigyang-premyo ang mga burukrata-kapitalista sa gobyerno sa pagtataguyod sa pagsasamantala at pandarahas ng mga naghaharing ito sa ating lipunan. Sa pamamagitan ng pork barrel, natitiyak ng imperyalismong US ang swabeng pamamahala ng mala-kolonyal na estado.
Bukod pa diyan, pinapanatili ng mga pork barrel projects ang ilusyon ng kaunlaran sa kabila ng kaliwa’t kanang atake sa sahod, trabaho at karapatan ng mga manggagawa at mamamayan. Binibigyang batayan ng mga pekeng programang pangkaunlaran ang neoliberal na opensiba para isapribado ang edukasyon, mga pampublikong ospital at iba pang serbisyong panlipunan na pawang pabor sa mga kapital. Umaayon ang disensyo ng pork barrel sa pagpapanatiling napakaliit ng alokasyon sa pambansang programang pangkaunlaran at sentralisadong serbisyong panlipunan. Sa ilalim ng sistemang pork barrel, kalat-kalat ang limos ng gobyerno sa mamamayan para mapagtakpan ang pag-abandona ng estado sa responsibilidad nito sa mamamayan. Susi ang papel ng mga repormistang lokal at internasyunal na NGO para maisakatuparan ang ganitong panlilinlang sa mamamayan sa pamamagitan ng mga ibinibidang “success stories” o case studies.
Sa ganitong pambababoy sa mamamayan, hindi nakapagtataka na magsusulputan ang samu’t saring NGO sa bansa gaya ng mga pekeng NGO na kinokontrol ni Janet Lim-Napoles, ang negosyanteng sangkot sa pangungurakot ng P10-bilyon pork barrel ng mga mambabatas noong nakaraang dekada. Sa aktwal, matagal nang may mga tulad ni Napoles na kakutsaba ng mga mambabatas para kurakutin ang pera ng mamamayan.
5) Bakit ayaw ibasura ni Noynoy ang sistemang pork barrel?
Ayaw ibasura ni Noynoy Aquino ang sistemang pork barrel sa kabila ng malakas na panawagang pagpapabasura dito dahil siya mismo ang pangunahing nakikinabang sa pork barrel at naglilingkod ito sa interes ng imperyalismong US na kanyang amo at sa mga lokal na naghaharing uri sa bansa na kanyang kinakatawan.
Nasa mahigit isang trilyon ang kanyang pork barrel taun-taon na tanging siya lang ang may kapasyahan kung paano gagastusin. Ginagamit niya itong pampadulas sa mga alyadong mambabatas at lokal na upisyal para isulong ang mga anti-mamamayang patakaran, gayundin para tiyakin ang katapatan ng sandatahang lakas at pulisya sa kanya sa pamamagitan ng multi-milyong programang pabahay at suporta sa kanilang mga pamilya. Maari ring ginamit ni Noynoy ang kanyang pork barrel sa pangangampanya para ipanalo ang mga alyadong senador, kongresista at lokal na upisyal nitong 2013 midterm eleksyon. Tiyak, nag-iipon na siya at kanyang kapartido para sa eleksyong 2016.
Hindi totoo ang pahayag ni Noynoy noong Agosto 23 na ibinabasura na ang PDAF o pork barrel ng mga mambabatas. Ang totoo ay mananatili ang bilyun-bilyong alokasyon na pork para sa mga mambabatas batay sa panukalang badyet sa susunod na taon, bagama’t hindi na ito tatawaging PDAF at hindi na lump sum o bultuhan na pondo. May ilan lang ding ipinagbawal na “soft projects” at “temporary infrastructure” tulad ng pondo para sa abono, pagpapa-aspalto at konstruksyon ng waiting shed pero nanatili ang karamihan sa “pork barrel menu” gaya ng nakalista sa itaas. Kaalinsabay ng pagsasabing buwagin ang PDAF, ipinagtanggol ni Aquino ang sistemang pork barrel sa palusot na pamamaraan ito para maghatid ng serbisyo sa mga mamamayan.
Unti-unting nalalantad ang pagkasangkot ni Noynoy Aquino sa pangungurakot sa pondo ng mamamayan. Kamakailan lang, naiulat na tinanggal ni Aquino sa pwesto si Brian Yamsuan, ang taga-payo ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. dahil umano sa ugnayan nito kay Napoles. Subalit matapos nito ay walang naging imbestigasyon kay Yamsuan. May ilang balita rin na humingi umano ang Liberal Party kay Napoles ng kontribusyon para sa kandidatura ng Team PNOY nitong nakaraang midterm election.
Gustong palabasin ng Palasyo at mga kasapakat nito na si Napoles ang prime suspect at mastermind sa pork barrel scam. Layunin nilang ibaling ang atensyon at galit ng publiko kay Napoles sa kabila ng lumalakas na panawagan ng mamamayan para sa pagbasura ng pork barrel. Subalit malinaw na isang maliit na bahagi lang siya sa pork barrel “mafia”.
Malinaw na maraming koneksyon si Napoles sa mga nakaupong kongresista at senador, subalit ni isa sa kanila ay hindi pa kinakasuhan o iniimbestigahan. Gustong matabunan ni Aquino ang sentral na isyu ng pork barrel at masentro lang ang usapin sa pagpapanagot kay Napoles.
Higit na desperado ang rehimeng Noynoy Aquino na pagtakpan ang bangkarote niyang islogang ”Daang Matuwid” sa harap ng kumukulong galit ng manggagawa at mamamayan laban sa pork barrel. Ipinipilit ni Noynoy ang propagandang kasama siya ng mamamayan sa paghahanap ng katotohan kahit pa tahasan niyang tinitira sa kabilang banda ang mga organisador ng mga nakaraang pagkilos kontra pork barrel. Asahan pa ang mga mas desperadong hakbangin ng Palasyo para pahupain ang galit ng mga manggagawa at mamamayan
6) Bakit kailangang igiit ng mga obrero at mamamayan ang panawagang pagbasura sa sistemang pork barrel?
Kailangang igiit ng obrero ang panawagang pagbasura sa lahat ng tipo ng pork barrel sa gobyerno dahil nagsisilbi ang pork barrel sa interes ng imperyalismong US at mga lokal na papet nito. Lantarang pandarambong ang sistemang pork barrel ng pondong iniluwal ng paghihirap ng mga manggagawa at mamamayan – na ginagamit lang ng iilan para magpakasasa at ituloy ang marangyang pamumuhay. Sa halip na gamitin ang buwis sa ating kita at lahat ng produktong pangkonsumo para sa tunay na kaunlaran ng bayan, ginagamit ito para panatilihing atrasado ang ating kabuhayan habang ang iilan ang lalong nagpapayaman. Nararapat na tuldukan ang kawalang-katarungan at pambababoy na ito.
Walang paraan para pabutihin ang sistemang pork barrel gaya ng ipinapalaganap ng mga repormista dahil likas sa sistema ang anti-mamamayan at anti-kaunlarang katangian nito. Hangga’t may pork barrel, patuloy sa paglikha ng ilusyon ang gobyerno na natutugunan ang mga pangangailangan ng mamamayan habang inilalarga ang pribatisasyon ng mga serbisyong panlipunan. Kahit anupaman ang itawag sa pork barrel, tuloy ang ligaya ng mga burukrata-kapitalista. At hangga’t nanatili ang pagkubabaw ng imperyalistang US sa ekonomiya at pulitika ng bansa, mananatili ang sistemang pork barrel sa burukrasya. Pinatunayan ng kasaysayan na nagsisilbing panlangis ang pork barrel para swabeng ipinatupad ng mga korap na pulitiko ang mga patakarang nagsisilbi sa dayuhan.
Kailangang igiit ang panawagang ito dahil makakapag-ambag ito sa ibayong pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masang manggagawa at mamamayan para sa sahod, trabaho at karapatan at tunay na pagbabagong panlipunan. Sa pamamagitan ng isyung ito, nalalantad ang buong naghaharing sistema at ang rehimeng Aquino na siyang nagtataguyod sa nauna bilang naglilingkod sa imperyalismo at mga lokal na naghaharing uri.
Kung gayon, isang matinding pampulitikang laban ang pagbabasura ng pork barrel. May pangangailangan na pangunahan ng mga manggagawa ang paglalantad sa burukrata kapitalismo at ang papel ng imperyalismo sa pagtataguyod nito. May pangangailangang makipagkaisa sa pinakamalawak na hanay ng mamamayan para ipanawagan ang pagbasura sa pork barrel sa pamamagitan ng at masaklaw na gawaing edukasyon at mas malalaking pampulitikang aksyon. Kailangang kumilos at ituloy ang momentum na hatid ng “Million People March” noong Agosto 26 laban sa pork barrel hangga’t hindi ganap na ibinabasura ang sistemang pork barrel.
7) Ano ang alternatibo sa sistemang pork barrel?
Nararapat na ilaan sa mga programang pambansang kaunlaran ang trilyun-trilyong pondo ng manggagawa at mamamayan sa halip na ilaan sa pork barrel ng iilan. Kailangang isentro ang pondo para sa komprehensibong pagpapaunlad ng serbisyong panlipunan tulad ng kalusugan, edukasyon, at pampublikong transportasyon, sa halip na idaan sa kamay ng mga burukrata kapitalista. Higit pa diyan, marapat gamitin ang pondo ng sambayanan sa pagpapaunlad sa agrikultura at industriya, pangunahin sa pagtulong sa mga magsasaka sa balangkas ng tunay na reporma sa lupa. Isang bahagi diyan ang mekanisasyon ng pagsasaka at paglalatag ng ng batayan para sa pambansang industriya.
Ang dambuhalang pondong nilulustay sa sistemang pork barrel taun-taon ay maaring nagbunga na ng maraming pampublikong ospital na may sapat na kagamitan, abot-kayang matrikula sa mga dekalidad na pampublikong paaralan, mas episyenteng sistema ng transportasyon sa mga syudad, panimulang batayan ng pagtatayo ng pambansang industriya, at pagkamit ng tunay na repormang agraryo. Ito ang tipo ng kaunlarang hindi kailanman makakamit sa ilalim ng programang pork barrel. Makakamit lamang ito sa sama-samang pagpapabusara ng pork barrel at pagtatayo ng isang bagong lipunang nagtataguyod ng interes at kagalingan ng mga manggagawa at mamamayan – isang lipunang hangad ang pambansang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo.
Ibasura ang pork barrel ni Aquino! Ibasura ang lahat ng pork barrel! Labanan ang korupsyon sa gobyernong Aquino!
Ibagsak ang burukrata-kapitalismo! Makibaka para sa tunay na kaunlaran! Makibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya!
No comments:
Post a Comment