Friday, November 1, 2013

Pinoy Weekly | Vo Nguyen Giap


Posted: 01 Nov 2013 08:20 AM PDT

Gen. Vo Nguyen Giap

Mula sa kawalan, lumabas ang balitang si Vo Nguyen Giap – heneral at bayani ng deka-dekadang armadong paglaban ng sambayanang Vietnamese sa kolonyalismong Pranses at sa imperyalismong Hapon at US, pangalawa sa katungkulan at prestihiyo kay Ho Chi Minh, at binansagang “Pulang Napoleon” bilang pagkilala sa kahusayan sa estratehiya at taktika ng gera – ay namatay na sa edad na 102. Para sa marami, dahil namatay siya nang napakatanda at nawala sa tanaw ng publikong pandaigdig sa maraming taon, isang balita rin na buhay pa pala ang maalamat na si Vo Nguyen Giap hanggang nitong huli.

Isang araw iyun bago ang World Teachers’ Day. Akma dahil isang guro bago naging heneral si Vo Nguyen Giap, na ang buhay ay inialay sa pag-aarmas kapwa ng diwa at bisig ng sambayanang Vietnamese. Hindi ba’t sinabi rin ni Ho Chi Minh, sa isang sipi na pinatanyag sa bansa ng makatang New People’s Army na si Emmanuel Lacaba, na “ang makata’y kailangan ding matuto kung paano mamuno ng paglusob”? Maraming makata at iba pang klase ng tao ang tinuruan, tinuturuan at tuturuan pa ni Vo Nguyen Giap ng paglusob, siyang matama at mahusay na estudyante ng sambayanang Vietnamese.

Noong nasusukol na raw ang hukbong Pranses ng sambayanang Vietnamese na nasa mga burol ng Dien Bien Phu, inialok daw ni John Foster Dulles, Secretary of State ng US noon, ang paggamit ng armas-nukleyar laban sa mga pulang anay. Tumanggi ang mga Pranses, pero humalili ang gobyernong Amerikano sa pagtatangkang payukurin ang mga Vietnamese gamit ang brutal at barbarikong pandarahas: tone-toneladang bomba, Agent Orange, napalm… Pero ipinahiya ang imperyalismong US ng isang maliit na bansang pesante sa Asya: ang mga mamamayan, hindi mga bagay, ang mapagpasya!

Dahil sa paglaban ng sambayanang Vietnamese at kampanya ng mga progresibo sa US, nalantad sa US ang Gera sa Vietnam. Para sa mga saksi sa diktadurang ipinataw sa mga Aprikano-Amerikano at Kilusang Civil Rights, hindi kapani-paniwala ang palusot na ang gera ay maghahatid ng demokrasya sa Vietnam. Para sa maraming Amerikano, hakbang-hakbang ang pagbabagong-loob, kasabay ni Daniel Ellsberg,military analyst na nagsiwalat ng kabuktutan: mula problemang kailangang resolbahin, naging pantay-lakas na kailangang bitawan, naging krimen na kailangang ilantad, labanan, ipatigil.

Sabi ng ekonomistang si Meghnad Desai, ang Gera sa Vietnam ang nagturo sa pinakamarami sa Kanluran ng Marxismo. Sabi naman ng teoristang pangkulturang si Fredric Jameson, nagtapos ang rebeldeng dekada ’60 sa Kanluran sa pagbawi ng mga tropang Kano sa Vietnam noong 1973, na naging hudyat ng ibayong paghina ng New Left [“Periodizing the 60s,” 1984] . May nagsabi namang tinapos ng sambayanang Vietnamese ang panahon ng kolonyalismo sa daigdig noong 1954 nang talunin nila ang kolonyalismong Pranses. At sila ang unang bayan na gumapi sa imperyalismong US.

Sa harap ng matinding kahirapang dinanas ng sambayanang Vietnamese, higit sa lahat, mababalanse ang bantog na pangangaral ng konserbatibong pilosopong si Hannah Arendt: “Ang mga rebolusyonaryo, hindi sila gumagawa ng rebolusyon! Ang mga rebolusyunaryo ay iyung alam kung kailan ang kapangyarihan ay nakalatag sa kalye (lying in the street) at kung kailan nila ito pwedeng pulutin [Crises of the Republic, 1972].” May mga oportunidad na sinasamantala ang mga rebolusyon, pero hindi lang kapangyarihan ang nasa kalsada, kundi dugo rin, sa salita ng makatang si Pablo Neruda.

Kahit sa isang artikulo na naglalaman ng paninira, makabuluhan ang mga sipi kay Vo Nguyen Giap: “Kung determinadong tumindig ang isang bayan, napakalakas nito. Kinailangan naming gamitin ang maliit laban sa malaki; atrasadong mga armas para gapiin ang modernong mga armas. Sa dulo, tao ang nagtakda ng tagumpay. Hindi sapat ang lakas namin para itaboy ang kalahating milyong tropang Kano, pero hindi iyun ang layunin namin. Ang layunin namin ay ang durugin ang kapasyahan ng gobyernong Kan na ituloy ang gera. Sa tagumpay ng Abril 30, [1975] ang mga alipin ay naging malaya.”

Sa librong The Military Art of People’s War [1970], koleksyon ng piling akda niya, maraming inulit-ulit si Vo Nguyen Giap. Magtatagumpay ang sambayanang Vietnamese dahil ang isinusulong nila ay digmang bayan. Digmaan ng mga mamamayan. Digmaang makatarungan. Dahil laban sa dayuhang mananakop. Dahil para sa pambansang paglaya. Dahil laban sa mga kolonyalista at imperyalista. Mabibigo ang imperyalismong US. Tiyak ang tagumpay. Payak ang mga pormulasyon, walang halong pagpapaganda. Tiyak, ang pinagsikapan nila ay ang gawing totoo, totoong-totoo, ang mga salita.

Tumanggap ng materyal na suporta mula Tsina ang mga rebolusyonaryo ng Vietnam, at malinaw sa kanila ang diwa ng internasyunal na pagkakapatiran ng mga sosyalista. Kwento ng aktibistang si Tariq Ali, na nagpunta sa Hanoi noong 1967, sa pulong daw ni Ho Chi Minh sa isang delegasyon ng politburo ng Partido Komunista ng Italya, tinanong ito kung anong klaseng tulong ang pinakamagagamit ng sambayanang Vietnamese. Sa gitna ng pangwawasak ng imperyalismong US, ang sagot ni Ho: “Ang pinakamagandang paraan na matutulungan ninyo kami ay ang isulong ang rebolusyon sa Italya.”

Para sa 99% ng daigdig na dumadanas ng pandarahas at pagpapahirap, hindi malilimutan si Vo Nguyen Giap. Sa pag-igting ng imperyalistang pandarambong at panggegera sa mundo, lalong mabubuhay ang diwa niya ngayon at sa hinaharap.


01 Nobyembre 2013





No comments:

Post a Comment