Tuesday, November 26, 2013

Pinoy Weekly | Tulong sa mga biktima ni Yolanda dapat walang kapalit – Bayan Muna


Posted: 25 Nov 2013 05:48 PM PST



Mabuti ang pag-aalok ng tulong ng mga lider ng iba’t ibang bansa at mga institusyon, subalit wala ito dapat na interes o anumang kapalit.

Ito ang pahayag ng mga kinatawan ng Bayan Muna na sina Rep. Neri Colmenares at Carlos Zarate kaugnay ng tulong na iniaalok ng mga institusyong tulad ng Asian Development Bank (ADB) at World Bank (WB) sa pamahalaan para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

“Ang tulong para sa mga biktima ng kalamidad ay dapat na tunay na kawanggawa at hindi bilang paraan para itali ang bansa sa pagkakautang. Hindi rin ito dapat gamitin para itulak ang mga interes ng isang bansa o mga institusyon. Kung ganito, hindi tulong ang kanilang iniaalok,” sabi ni Colmenares.

Idinagdag ni Colmenares na sa halip na tanggapin ang $1.5 bilyong pautang ng ADB at WB, dapat  na hilingin ng administrasyong Aquino na kanselahin ang pagbabayad sa utang-panlabas ngayong taon para mabigyan ng sapat na panahon at pondo ang bansa para makabangon.

Dalawang trilyong piso ang kabuuang dayuhang utang ng bansa para sa taong 2013 at ang badyet para sa pambayad rito ay P333.9 bilyon.

“Mas makabubuti ito sa halip na tanggapin ang pautang dahil hindi na madaragdagan ang ating utang at mababawasan pa, lalo na kung kakanselahin ng mga institusyong ito ang bayad sa interes. Ang P333.9-B interes para sa 2013 ay higit na malaki kaysa sa alok nilang $1.5-B at hindi na magiging pabigat pa sa sambayanang Pilipino,” paliwanag ni Colmenares.

Sinabi pa ng mambabatas na maraming pondo sa kasalukuyang badyet na sapat para sa rehabilitasyon tulad ng P80 bilyon pambayad sa utang, P30 bilyon risk management funds at P132 bilyong pondo mula sa Malampaya.

“Lalo lamang lalala ang sitwasyon at magdadagdag ng paghihirap sa ating mamamayan kung itutuloy ng gobyerno ang planong pagtanggap sa pautang,” ani Colmenares.

Para naman kay Zarate dapat aniyang rebyuhin ang pambansang badyet at tingnan kung maaaring malibre ang pondo para sa pambayad sa utang-panlabas at ituon sa rehabilitasyon ng sinalantang mga lugar.

“Dapat maunawaan ng internasyunal na komunidad na kailangan natin ang lahat ng pondo para matulungan ang ating mga kababayan sa lalong madaling panahon,” sabi pa ni Zarate.

Samantala, kinondena naman ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang sinabi ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na ipinakikita lamang ng tulong na ibinigay ng US matapos ang bagyong Yolanda na kailangan ng bansa ang mas malaking presensiyang militar ng US.

Sinabi ng KMU na sinasangkalan pa ng administrasyong Aquino ang kahinaan nito sa pagharap sa naganap na trahedya para bigyang-katwiran ang pagdagsa ng tropang Amerikano sa pamamagitan ng kasunduan na niluluto nito sa mga nakaraang buwan.

“Hindi malaking pwersang militar ng US ang kailangan natin sa bansa kundi ang pananagutan mula sa administrasyong Aquino. Nananawagan kami ng katarungan sa kriminal na kapabayaan ng gobyerno sa pagharap sa kalamidad na ito, hindi dagdag na tropang Amerikano,” ayon kay Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Sinabi pa ni Labog na ang pagtanggi ng administrasyong Aquino na magsagawa ng malawakang paglikas bago ang bagyong Yolanda ang naging sanhi ng maraming bilang ng pagkamatay at ang kainutilan sa pagbibigay ng agarang tulong sa mga biktima ang nagdulot ng kagutuman sa mga naturang lugar.

“Ang kailangan natin ay isang gobyerno na may tunay na malasakit sa mga Pilipino at hindi iyong mas nais pang isulong ang interes ng US sa rehiyong Asya-Pasipiko. Kung anong ibinagal ng gobyernong Aquino sa pagtulong sa mga Pilipino sa pananalasa ni Yolanda ay siya namang bilis nito sa pagsusulong kung ano ang makabubuti sa US,” ani Labog.

Idinagdag ni Labog na lagi na lamang pinangangalandakan ng US ang sarili nito bilang kaibigan ng mga Pilipino mabigyan lamang katwiran ang pananatili ng presensiyang militar nito sa bansa.

“Ang paggamit sa pagkawasak  na dulot ng bagyong Yolanda para mapalawak ang presensiyang militar sa Pilipinas ay hindi pakikipagkaibigan kundi walang pusong panloloko,” sabi pa ni Labog.



No comments:

Post a Comment