Posted: 17 Nov 2013 05:54 AM PST
Sa katapusan, ipagdiriwang natin ang ika-150 kaarawan ng dakilang rebolusyunaryong si Andres Bonifacio. Isinunod ang kanyang pangalan kay San Andres, isa sa mga disipulo ni Hesukristo, na pumapatak ang kapistahan tuwing ika-30 ng Nobyembre.
“Walang takot” ang kahulugan ng Andres sa wikang Griyego. Isang mandirigma. Isang tunay na mandirigma si Boni. Siya ang Supremo ng Katipunan; ang unang pangulo ng Haring Bayang Katagalugan, isang rebolusyunaryong gobyerno na itinatag laban sa kolonyalismong Kastila. Noong 1896, pinamunuan niya ang kauna-unahang kontra-kolonyal at kontra-pyudal na rebolusyon sa Asya. Naging aktor sa moro-moro si Boni. Noong 1887, itinatag niya ang El Teatro Porvenir (“Teatro ng Hinaharap”) sa Tondo kasama ng kanyang kababatang si Guillermo Masangkay. Naging miyembro ng tropa sina Emilio Jacinto, Macario Sakay, Aurelio Tolentino, at ang mga kapatid ni Boni na sina Ciriaco at Procopio. Binihisan nila ng baro ng rebolusyon ang mga komedya at senakulo. Binigyan ni Boni ng katutubong kulay ang maalamat na pakikipagsapalaran ni Bernardo del Carpio na taga-Asturias. Siya ay naging si Bernardo Carpio na naipit sa nag-uumpugang mga bato/bundok sa Montalban, Rizal at naging larawan na ng pakikibaka at paglaya ng sambayanan.
* * *
Nasa koleksyong Isang Dipang Langit ni Ka Amado ang kanyang tulang “Bonifacio”. Samantala, ang tulang “Hinagad ni Bonifacio” ni Huseng Batute ay unang nalathala sa Taliba noong ika-28 ng Nobyembre, 1924. Basahin natin ang dalawang tula. Go! BONIFACIO ni Amado V. Hernandez Kalupitan ay palasong bumabalik, kaapiha’y tila gatong, nagliliyab; Katipuna’y naging tabak ng himagsik, at ang baya’y sumiklab na Balintawak! Isang tala ang sumipot sa karimlan, maralita’t karaniwang Pilipino; ang imperyo’y ginimbal ng kanyang sigaw, buong lahi’y nagbayaning Bonifacio! Balintawak, Biak-na-Bato, Baraswain, naghimala sa giting ng bayang api; kaalipnan ay nilagot ng alipin, at nakitang may bathalang kayumanggi. Republika’y bagong templong itinayo ng bayan din, di ng dayo o ng ilan; Pilipinas na malaya, bansang buo, na patungo sa dakilang kaganapan.
~
HINAGAD NI BONIFACIOni Jose Corazon de Jesus Isang gabing hatinggabi na malamig at malungkot sa nayon ng Balintawak ang bantayog ay kumilos; bumaba sa kinalagyan, lumibot sa mga pook, na hawak di’t nasa kamay ang Watawat at ang Gulok. Dinalaw ang mga pook na sumaksi nang nagdaan sa madugong pangyayari, sa madugong paglalaban. “Nahan kayo? Nahan kayo kabataan nitong bayan? Nahan kayo mga lilong pulitikong salanggapang?” “Ako kaya naging sawi’y sa pagtuklas ng paglaya, naputol ang hininga ko sa parang ng dugo’t luha; kayong aking nangaiwan sa mithiing ating nasa, nahan kayo’t di magbangon sa hihigang mapayapa.” Lumawig ang hatinggabi at dumating ang umaga, ang araw ay ngumiti ring tila bagong kakilala; at sa dakong Intramuros nitong s’yudad de Manila ay nakita ang maraming pulitikong naghuhunta. “Ano, ating tanggapin na ang Bill Fairfeld na may taning?” Mayr’ong sumagot ng “hindi,” may sumagot na “tanggapin.” Anupa’t ang bawat isa’y di malaman ang layunin, kung tanggapin o kung hindi iyang lintik na bagong bill. At ang mga nagtatalong pulitiko ay nagitla nang si Andres Bonifacio ay lumipat sa kanila: “Alinlangan pa ba kayo sa Paglayang kinukuha? Ano’t kayo ay papayag, nasaan ang inmediata?” “Kaming mga nakilaban sa ngalan ng kalayaan ay namatay at nabaon sa paglayang madalian. Hindi namin hinihingi ang taningan at takdaan, ito’y ating Kalayaa’t katuwiran ang ibigay.” “Mangahiya kayo niyang naturingang mga lider, ang damdamin nitong baya’y di pa pala nalilining. Ano’t inyong itatanong ay sinabi na nga namin, ang paglayang nais namin ay ngayon din at ngayon din?” “Kung di ninyo makukuha at kayo ay natatakot, sa duwag na mga tao’y walang layang maaabot. Mabuti pa’y ako na nga ang sa inyo ay umumog upang kayong diwang taksil sa bayan ko ay maubos.” At ang mga pulitikong medyo hindi medyo oo sa pagtanggap ng Bill Fairfeld, hinagad ni Bonifacio. Nang mahuli’t malapat na ang taksil na pulitiko, ang estatwa’y nanauling batong nasa monumento. |
Sunday, November 17, 2013
Pinoy Weekly | Kay Boni: Mga Tula
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment