Posted: 01 Nov 2013 08:30 AM PDT
LUNGSOD INCHEON, Timog Korea (Nobyembre 1, 2013) – Para sa katulad kong nagmula sa naghihirap na bansa, magkahalong saya at lungkot ang nararamdaman tuwing bumibisita sa maunlad na bansa tulad ng Timog Korea.
Siyempre’y may ligayang hatid ang pagbiyahe sa ibang bansa, lalo na’t nangangahulugan ito ng karanasang kakaiba sa nakagisnan. Nabubuksan ang mata mo sa iba pang kultura at nasusubukan mong gawin ang mga bagay na wala sa sariling bansa. Sa konteksto ng Timog Korea, nalalaman mo, halimbawa, ang “tunay” na lasa ng kim chi, bulgogi at iba pang pagkain mula sa bansang ito. At kung mahilig ka sa teknolohiya, makikita mo ang napakalaking bentahe ng paggamit ng Internet sa bansang may pinakamabilis na koneksiyon sa buong mundo. Kung may sapat kang pera, makakaya mong maglibot-libot sa ilang lugar para malaman hindi lang ang kultura ng Timog Korea kundi ang mayamang kasaysayan nito. Ang pagbisita sa Ganghwa History Museum (Ganghwa Island) ay magpapakita ng dedikasyon ng mga Koreano para ipaalala sa lahat ng tao ang pinagdaanan ng lugar bago pa man ito tinawag na Korea. Aba, kahit ang ilang tipak ng batong nagsilbing palatandaan ng mga inilibing nilang ninuno noong Neolithic Period (4000 hanggang 3000 BC) ay pinipilit nilang i-preserba para hindi malimutan ng mga susunod na henerasyon. Ang ilan sa mga tinatawag na “dolmen” o “portal tomb” ay makikita sa labas ng museo. Kapansin-pansin ang masinop na trabahong ginawa ng mga Koreano para panatilihin ang orihinal na mga dolmen kahit ilang libong taon na ang edad ng mga ito. May malaking papel din ang mga bato sa pagtataguyod ng turismo at pagpapakilala ng Buddhismo. Doon kasi sa Samnangseong Castle (Ganghwa Island), kapansin-pansin ang maraming tumpok ng mga batong pinagpatong-patong na nakakalat sa isang malaking bato. Dahil maganda ang pagkakagawa, akala ko’y nakadikit na ang mga ito. Pero nang hinawakan ko ang isang tumpok, hindi pala. Araw-araw, pinagtitiyagaan ng mga trabahador at ng ilang bumibisita sa lugar para magkaroon ng mga pinagpatong-patong na mga bato. Kuwento ng aming tour guide, dinadasalan daw ang mga batong ito kaya mahalagang manatiling magkapatong-patong sila bago humiling ng kung anuman sa kinikilalang diyos. Sa kabilang banda, nakakaaliw ding may malaking bentahe ang pagpapanatili ng kultura sa pagpapalawak ng kaisipan ng mga pumupunta sa lugar na iyon. Biro ko nga sa sarili ko, hindi pala “nakakabato” ang pagpatung-patungin ang mga bato. Dahil naengganyo ako sa hitsura ng mga ito, gumawa ako ng sariling tumpok. Habang sinusulat ko ito, pumapasok sa isip ko kung nakatayo pa ba ang “aking” tumpok, at kung dinarasalan ito ngayon. Sana naman. Kapansin-pansin din ang diskurso ng pag-asa at pakikibaka sa pagbisita sa 38th parallel. Dahil malabong makapunta sa mismong Panmunjom, pinili na lang ng tour guide na dalhin kami sa Ganghwa Peace Observation Deck (Ganghwa Island) kung saan kitang-kita ang Hilagang Korea. Sa lugar na iyon, ang tanging naghihiwalay sa Hilaga at Timog Korea ay ang karagatan. Mula sa observation deck, puwedeng gumamit ng binoculars para tingnan ang kabundukan at kapatagan ng sosyalistang bansang pinamumunuan ni Kim Jong-un. Halatang may pagkiling sa Timog Korea ang aming tour guide dahil binanggit niyang nawala ang mga puno sa kabundukan ng Hilagang Korea (na kitang-kita naman mula sa observation deck) dahil walang pagpapahalaga sa kapaligiran ang mga taga-Hilaga. Ilang beses din niyang idiniin ang malawak na kagutuman, pati na ang walang pakundangang paglabag sa karapatang pantao ng rehimen ni Kim Jong-un. Pero sa kabila ng kanyang hindi itinatagong galit sa Hilaga, ipinapanalangin daw niya ang muling pagsasama ng dalawang Korea. Sa loob-loob ko, sana nga. Pero hindi ko pa rin maiwasang itanong ang maraming bagay na nagsisimula sa “ano kaya”? Ano kaya kung hindi natuloy ang paghihiwalay ng Korea sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1945? Ano kaya kung ang Korean War ay nagpatuloy at hindi nagkaroon ng tigil-putukan noong 1953? Ano kaya kung ang Hilaga o Timog ay tuluyang nagtagumpay at napatunayan sa pamamagitan ng digmaang bayan ang soberanya sa buong Korea? Salamat sa globalisasyon at konsumerismo, hindi kita masisisi kung mas kakampihan mo ang Timog Korea kumpara sa Hilagang Korea dahil limitado lang ang alam natin sa huli. Sa isang banda, modelo ng pinaunlad ng kapitalismo ang Timog Korea. Ang pagiging “hermit kingdom” naman ng Hilagang Korea ay hindi nakakatulong sa pagpapalaganap ng kaalaman sa anumang bentaheng mayroon sa isang sosyalistang lipunan. Habang nakaupo sa observation deck sa Ganghwa Island, naalala ko ang itinuro ng propesor ko sa peryodismo tungkol sa pangangailangan ng konteksto. Paano ka nga naman magkakaroon ng malinaw na kongklusyon kung hindi mo alam ang lahat ng detalye? Paano mo masasabing mas magandang mabuhay sa Timog Korea kung hindi mo alam ang katotohanan tungkol sa nangyayari sa Hilaga? Pero hindi ko rin naman masisisi kung nasa panig ng Timog Korea ang pampublikong opinyon. Hindi matatawaran ang aktibo nitong pagtataguyod ng mga nangyayari sa bansang ito. Ang pagho-host ng 17thAsian Games sa Incheon sa susunod na taon, halimbawa, ay may puspusang paghahanda para masiguradong hindi mapapahiya ang bansa hindi lang sa Asya kundi sa buong mundo. Biro nga ng isang Pilipinong nakatira sa Incheon, ang dating tinaguriang “ghost town” ay unti-unti nang nagiging maunlad na lungsod. Sadyang hind maiiwasan ang saya at lungkot (pati na ang inggit) kung ang biyahero ay mula sa isang naghihirap na bansa tulad ng Pilipinas. Pero kailangang isiping walang lugar ang inggit sa sitwasyong hindi natin alam ang buong konteksto. Kung mayroong aral tayong dapat malaman sa kasaysayan ng Korea, ito ay ang kahalagahang tapusin ang matagalang panlipunang pakikibaka. Paglilinaw: Ako ay inimbitahan ng Incheon International Relations Foundation (IIRF) para magsalita sa Asia Media Forum na inorganisa nito. Binayaran ng IIRF ang aking pamasahe at akomodasyon habang nasa Timog Korea.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
|
Friday, November 1, 2013
Pinoy Weekly Timog Korea at ang retorika ng `ano kaya’?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment