Posted: 21 Nov 2013 02:01 AM PST
Rali ng militanteng mga grupo kontra sa lahat ng klase ng pork barrel, noong Oktubre. (Macky Macaspac / PW File Photo)
“Dulo ng iceberg” (tip of the iceberg) ng sistemang pork barrel sa gobyerno ang ibinasura ng Korte Suprema noong Nob. 19.Ito ang sinabi ni Kabataan Rep. Terry Ridon, matapos ianunsiyo ng Kataas-Taasang Hukuman ang unconstitutionality ng Priority Development Assistance Program (PDAF) at ang bahagi ng Presidential Social Fund na nagmumula sa Malampaya Gas Project.
Malaking tagumpay na ang nakamit sa desisyong ito ng Korte Suprema, pero “paunang hakbang” lamang umano ito sa paglaban sa korupsiyon at political patronage sa ilalim ng administrasyong Aquino.
“Tulad ng dati naming sinabi, ‘pork barrel king’ ang pangulo, at may kontrol siya sa mahigit PhP 1-Trilyon sa pampublikong pondo. Mayroon pang ‘Special Purpose Funds’,” sabi ni Ridon.
Sinabi naman ni France Castro, pangkalahatang kalihim ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), na kailangan pa ring manindigan at maging mapagmatyag dahil may pork barrel pa rin ang pangulo, sa pamamagitan ng
Disbursement Acceleration Program (DAP).
“Kailangang kumilos pa rin tayo tungo sa pagbasura ng ganitong klaseng mga pondo. Di hamak na mas malaki ang pondong sangkot sa Presidential Social Fund at DAP kumpara sa (pork barrel) ng mga mambabatas. Magandang regalo rin sa mga guro at mga mamamayang Pilipino ang pagdedeklarang di-sang-ayon sa batas ang nasabing mga pondo,” sabi pa ni Castro.
Sinabi naman ni Ridon na magandang epekto ng naturang desisyon ng Korte Suprema ang pagiging precedent ito sa anumang legal na paghamon sa discretionary public funds sa hinaharap.
Ipinag-utos din ng Korte Suprema sa lahat ng tagausig ng estado na imbestigahan at usigin ang mga opisyal ng gobyerno at indibidwal na sangkot sa pork barrel scam. Kaugnay nito, hiniling din ng Kabataan sa gobyerno na amyendahan ang anti-money laundering law para isama ang mga real estate property at casino sa maaaring imbestigahan para matunton ang “dirty money“.
No comments:
Post a Comment