Posted: 19 Nov 2013 07:17 PM PST
ni Joi Barrios-Leblanc
Matibay ang kawayan. Iyan ang sumpa. Hayaang ipaghampas-hampasan ng unos, lumangoy at magpaanod sa baha. Pigilin ang hininga at baka malanghap ang bangkay na naaagnas. Tiisin ang gutom ng sikmura na kahit sa papuri, ay hungkag na hungkag. Kalimutan natin ang kasakiman na sa kabundukan ay nagpapatag, at nagbabago sa daloy ng hangin at dagat. Kalimutan ang pangulo na mainit ang ulo at sa sariling pulong walang pakundangang lumalabas. Kalimutan ang ayuda na higit na bumabagal, sa ating paghihintay. Yumuyuko at umiindayog sa hangin ang kawayan. Ngunit kami ay tao, tao lamang, Balat at dugo, luha at buto. Ipagpaumanhin ang galit at pusong nagpupuyos. Naghahanap kami ng katarungan sa gitna ng dalamhati’t pagluluksa, sa aming di matapos-tapos na dalamhati’t pagluluksa. Si Joi Barrios – Leblanc ay kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Women’s Desk. *Author’s Note: Nakabatay ang tulang ito sa tekstong “Resilience is a Dirty Word” na sinulat ni Soleil David. |
Wednesday, November 20, 2013
Pinoy Weekly | Sumpa ng Kawayan*
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment