Posted: 21 Nov 2013 07:54 PM PST
Nalantad at lalo pang nalalantad ang kriminal na kapabayaan ng rehimen ni Noynoy Aquino kaugnay ng pagragasa ng superbagyong Yolanda sa bansa. Sa ganitong kalagayan, may isang taktikang ginagamit ito sa social media, na larangang tiyak na sinusubaybayan-kinakapraningan at sinasangkutan-nilulunod nito: ang pagmukhaing masama ang magkomentaryo, lalo na nang negatibo, lalo na’t laban sa gobyerno. Tila para rito, ayos lang ang maglahad ng mga datos at impormasyon tungkol sa disaster, pero hindi ang maglabas ng mga opinyon tungkol dito. Isang porma nito ang meme na “Shhh… Tumulong ka na lang” na nagtangkang magpatahimik sa mga pagkokomentaryo pabor sa mas kagyat na pagtulong sa mga nasalanta, sa makitid na pakahulugan nito.
Kung para sa nakakaraming netizens ang naturang meme, para naman sa mga edukado at argumentatibo sa kanila ang “Ethics for Parachuters.. er.. Journalists,” isang notesa Facebook ni Sylvia Estrada-Claudio – propesor sa Unibersidad ng Pilipinas, kilalang feminista, isa sa mga lider ng Akbayan, at nagpapakilala ritong sikolohista – na may petsang Nob. 13. Dito, ang pagsisikap na patahimikin ang pagkokomentaryo, partikular sa huling-huling relief operations, ay pabor sa “masinsing pagtatasa” sa naging pagtugon ng rehimen sa disaster. Apela ni Claudio, wala munang husga hangga’t wala ang naturang pagtatasa – na, pahiwatig niya, ay mangangailangan ng pagkadalubhasa (expertise) sa pangangasiwa at pagpaplanong pang-disaster, ng oras at sinsin, at iba pa.
Pero dahil pagtatanggol sa rehimeng Aquino, na kasalukuyang patron ng Akbayan, ang tunguhin ng sanaysay niya, hindi rin nagawa ni Claudio na pigilan ang magpauna ng husga kung bakit huling-huli ang relief operations ng gobyerno: “[M]ay napakaraming ebidensyang iniulat kahit ang CNN na ang pagkahuli ay dahil sa napakatinding pinsala. Sa mga tunay na problemang lohistikal. Sa pangkalahatang kawalan ng rekurso ng ating hukbong pandagat at hukbong katihan at burukrasya. Sa mga kahinaang pinatindi ng kahirapan ng ating mga komunidad.” Lumalabas tuloy na ang satsat tungkol sa “masinsing pagtatasa” at pagkadalubhasa ay pampatahimik lang sa mga tumutuligsa sa rehimeng Aquino; ang mga nagtatanggol, pwede namang magsabi ng kung anu-ano.
Pero ano ang eksaktong ipinagpuputok ng butse ni Claudio? Ang pagsasabi ng mga reporter ng CNN na dapat ay may planong pansalo (back-up plan) ang pambansang pamahalaan kung sakaling pumalpak ang lokal na pamahalaan ng Tacloban sa relief operations. Bago nito, inakusahan niya ang CNN ng panghahati at pang-uupat ng away sa pagitan ng pambansa at lokal na pamahalaan noong hiningi nito ang opinyon ng isang mambabatas ng Leyte tungkol sa sinabi ni Aquino na ang lokal na pamahalaan ang responsable sa makupad na relief operations. Hindi ba’t si Aquino ang nagsimula ng ganitong panghahati at pang-uudyok ng away nang sabihin niya ang sinabi niya, at nang paulit-ulit sa iba’t ibang pagkakataon? Pwede palang manisi basta hindi si Aquino?
At ano’ng masama sa sinabi ng mga reporter ng CNN? Hindi ba’t madaling makita na malaking kapalpakan kung hindi man kapabayaan ang ipaubaya ng pambansang pamahalaan ang walang katulad na bagyo sa kasaysayan sa lokal na pamahalaan, lalo na sa isa sa pinakamahirap na rehiyon sa bansa? Hindi ba’t madaling makita na dapat ay ginamit ang buong rekurso ng isang mahirap na bansang tulad ng Pilipinas para maghatid agad ng relief goods sa mga mamamayang matapos iligtas ang sarili sa bagyo ay ilang araw na walang pagkain, tubig, gamot, gatas at kuryente? Hindi ba’t binatikos nang husto kahit ang pambansang gobyerno ni W. Bush sa US nang nang ipaubaya nito sa isang estado na mas may kakayahan sa Tacloban ang mas mahinang bagyong Katrina?
May isa pang dahilan si Claudio kung bakit hindi raw ito dapat sinabi ng mga reporter ng CNN, bukod sa wala pa ang “masinsing pagtatasa”: Hindi raw ito ang kailangan nating mga Pilipino sa panahong iyun. Ang kailangan daw natin ay ang tanggaping “ang buhay ay pwedeng maging arbitraryo sa pangwawasak” at ang magtipon ng “lakas ng espiritu bilang bayan (strength of spirit as a nation)” – kung saan, aniya, taliwas ang paninisi (blaming). Tulad daw ng mga biktima ng sekswal na pandarahas, mahalagang matasa natin bilang isang bansa ang ating mga kahinaan, pero sa kabila nito’y kailangang tanggapin natin ang nabanggit na katotohanan. Kakatwa na ang halimbawa niya ng pagtipon ng naturang “lakas ng espiritu bilang bayan” ay ang rebolusyong 1896.
Sa bahaging ito, humahango si Claudio sa kanyang larangan ng pagkadalubhasa, sa sikolohiya, partikular ng mga kababaihang biktima ng sekswal na pandarahas. Sa bahaging ito rin pinakareaksyunaryo ang kanyang punto. Maaaring tama na tanggapin ng mga biktima ng sekswal na pandarahas na “arbitraryo sa pangwawasak” ang buhay, pero reaksyunaryong ipatanggap ito sa sambayanang inaapi ng mga dayuhang kapangyarihan at mga lokal na naghaharing uri. Magkaiba ang lebel ng antagonismo ng tunggaliang hinaharap ng biktima ng sekswal na pandarahas at ng sambayanang Pilipino. Pinapahupa nito ang galit ng sambayanan sa mga tuluy-tuloy na nang-aabuso rito, na siya ring responsable sa napakaraming problemang kinakaharap nito ngayon.
Anu’t anuman, pinatunayan ng mga pangyayari na mali si Claudio. Pinatunayan ng mga pangyayari na ang kailangan noon, noong Nob. 13, ng mga nasalanta ay ang inisyal na pagtatasa – at sasabihin ko, ang pagsisi sa gobyerno – na ginawa ng CNN. Tampok na noon na hindi umaabot ang relief goods sa napakaraming nasalanta. Marami ang nagagalit at naghahanap ng responsable sa sitwasyon. Sa araw na iyun, “Relief Now!” ang tampok na panawagan ng International Day of Solidarity and Action for the Victims of Yolanda na inilunsad ng mga progresibong grupo. Napwersa lang ang rehimen na mag-anunsyo ng plano sa relief operations matapos ng mahapding tuligsa ng midyang internasyunal – dahil ba kasabwat ng rehimen ang lokal na midya? – at ng mga protesta.
Naghahamon ng pagtatasa si Claudio pero ipinauna na niya, syempre pa, ang pag-abswelto sa rehimen. Kahit daw matapos ang pagtatasa, matutuklasan natin at ng mga mamamahayag “na kahit ginagawa natin ang pinakamahusay, pwede pa rin tayong magkaroon ng resulta na matinding trahedya.” Lantad na lantad ang kahunghangan ni Claudio: Pinakamahusay ba na ipaubaya ng pambansang pamahalaan sa lokal na pamahalaan ang relief operations para sa isang bagyong walang kaparis sa kasaysayan? Pinakamahusay ba na maghintay pa ito ng ilang araw bago maglunsad ng relief operations para sa mga mamamayang nag-aagaw buhay? Iyun mismo ang punto: Hindi pinakamahusay ang ipinakita ng rehimeng Aquino kaya matinding trahedya ang resulta.
Ang nakakasuklam pa, ang pagtatanggol ni Claudio sa rehimeng Aquino ay ipinaloob niya sa balangkas ng “Pilipino bersus dayuhan.” Heto kami, hawak ang “malalaking espiritwal na katotohanan na kailangan namin ngayon,” habang kayo, hawak ang inyong mga pagtatasa at paghusga. Dapat ay gawin ninyong “sentrong pang-etika” ang aming mga “espiritwal na katotohanan.” Kung hahalaw sa diskurso ng Palestinong intelektwal na si Edward W. Said, binaligtad na Oryentalismo ang ginagawa ni Claudio: Pilipino-espiritwal bersus dayuhan-intelektwal. Sa perspektiba ng dayuhang Oryentalista: negatibo ang una at positibo ang ikalawa. Sa perspektiba ni Claudio: positibo ang una at negatibo ang ikalawa. Alinman sa dalawa, may bakod na artipisyal naman sa aktwal.
Kaugnay ng Yolanda, kailangan natin ng lakas ng espiritu bilang bayan hindi para sumuko lang sa posibilidad, na sa aktwal ay katiyakan, na paparating sa bansa ang mas masasahol na bagyo. Kailangan natin ito para baguhin ang umiiral na sistemang panlipunan para mas epektibo nating maharap ang paparating na mas matitinding hamon ng kalikasan. Kailangan din naman ng pagtatasa, gaya ng sinabi ni Claudio, at ang magandang panimula rito ay ang pagsisi sa gobyernong Aquino ng mga reporter ng CNN. Imposible ang maging tabula rasa sa simula ng pagtatasa, at hindi naman bawal magkaroon ng hinala (hypothesis) – lalo na kung ito naman ay lantad sa lahat, maliban sa may mga interes na inaalagaan, mga pondo at posisyon sa nakaupong pamahalaan.
22 Nobyembre 2013
No comments:
Post a Comment