Nasa Maynila ako pero nasa iba ang utak ko. Tulad ng marami pang Pilipino, ginagampanan ko ang “normal” na gawain kahit na aaminin kong wala akong ganang magtrabaho. Paano ka ba naman magkakaroon ng lakas sa isang sitwasyong nakapanghihina? Suriin natin ang opisyal na datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) hinggil sa epekto ng Bagyong Yolanda. Lumalabas sa Situation Report (SitRep) No. 91(Nobyembre 15, 8:00 p.m.) na 3,631 ang bilang ng namatay, 12,487 ang sugatan at 1,179 ang nawawala. Sadyang maraming lugar sa Pilipinas ang nasalanta sa gitna ng anim na landfall noong Nobyembre 8 sa Guiuan, Eastern Samar; Tolosa, Leyte; Daanbantayan, Cebu; Bantayan Island, Cebu; Concepcion, Iloilo; at Busuanga, Palawan. Kung susuriin ang opisyal na estadistika, malinaw na malaking pera ang kinakailangan para tulungan ang mga apektadong kababayan: “A total of 1,962,898 families/9,073,804 persons were affected in 9,303 barangays in 44 provinces, 536 municipalities and 55 cities.” Ayon sa NDRRMC, ang halaga ng pinsala sa agrikultura ay P9.1 bilyon; at sa impraestruktura, P362.8 milyon. Posibleng mas mataas pa ang bilang ng mga namatay kung mas paniniwalaan ang datos ng United Nations Office of the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA). Batay sa isang ulat sa midya, umabot na raw sa 4,460 ang namatay; at ang mga apektado ng Bagyong Yolanda, 11.8 milyon. Matatandaang sinabi ni dating Philippine National Police-Eastern Visayas Chief Superintendent Elmer Soria noong Nobyembre 9 na posibleng umabot sa 10,000 ang namatay bunga ng storm surge. Makalipas ang limang araw, naiulat ang pagkakatanggal sa puwesto ni Soria. Bago siya pinalitan ni Chief Superintendent Henry Losanes, binanggit ni Pangulong Noynoy Aquino sa CNN na ang bilang ng mga namatay ay malamang na nasa 2,000 hanggang 2,500 lamang. Salamat sa matiyagang pag-uulat ng midya, nakita ng Pilipinas at ng buong mundo ang imahe ng trahedya, lalo na ang mukha sa likod ng mga estadistika. May mga balita ng kabayanihan sa gitna ng trahedya. May mga balitang naghahatid ng iba’t ibang emosyon – nakapanlulumo, nakakaiyak, nakakagalit. Hindi ko na iisa-isahin ang mga balitang direktang nakaapekto sa akin at sinubukan ang kakayahan kong maging mahinahon. Tulad ng marami pang tao, pinagdaraanan ko ang pagdadalamhati’t pag-aalala. Bagama’t magandang balita para sa akin ang malamang ligtas ang ilang mahal sa buhay sa Tacloban, hanggang ngayo’y hindi ko pa alam ang nangyari sa ibang kaibigan at kakilala. Sa bawat pagsubo ng pagkain nitong mga nakaraang araw, mabigat sa loob ang isiping maraming kababayan natin ang nagugutom. Kahit ang simpleng paghiga sa kama pagsapit ng gabi ay naghahatid ng iba’t ibang imahe ng mga kababayan nating pinipilit matulog sa kung saan-saan dahil kahit angevacuation centers ay kabilang sa mga nasalanta. Gusto kong isiping likas sa maraming tao ang tumulong sa panahon ng pangangailangan. Sa ganitong konteksto natin dapat suriin ang pagdagsa ng tulong hindi lang mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Para sa akin, hindi lang simpleng “guilt trip” ang nagtutulak sa maraming tao, Pilipino man o dayuhan, para magbigay ng donasyon at tumulong sa pagpapadala ng relief goods. Ang isinasagawang pagkilos ay repleksiyon ng ating paggampan ng responsibilidad bilang miyembro ng komunidad sa partikular at lipunan sa pangkalahatan. Sa madaling salita, walang iwanan! Sadyang handang tumulong ang marami dahil sariwa sa ating alaala ang nakaraan, lalo na kung pinagdaanan din natin ang nararanasan ngayon ng marami nating kababayan sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas. Mas lalong nakikita natin ang pangangailangang tumulong kung mayroon tayong mga kakilalang naapektuhan ng bagyo. Dito nagkakaroon ng personal na dimensiyon ang pakikipagkaisa sa iba pang nais tumulong. Damayan sa panahon ng trahedya, bayanihan sa gitna ng kalamidad. Tandaan lang sana nating may direktang responsibilidad ang mga ahensiya ng pamahalaan para tugunan ang pangangailangan ng lahat ng mga nasalanta. Bagama’t hindi maiiwasan ang bagyo, kailangang magkaroon ng ibayong paghahanda ang gobyerno. Puwede mong sabihing may paghahanda namang nagawa, pero malinaw na hindi ito naging sapat. Mas lalong hindi nakatulong ang mga ginawang mga pahayag ng Pangulo sa lokal at pandaigdigang midya na ibinunton pa ang sisi sa mga lokal na pamahalaan at ipinagpilitang walang pagkukulang ang kanyang administrasyon sa trahedyang naganap. Kung ako ang tatanungin, may malaking responsibilidad tayong lahat na singilin ang ating gobyerno sa trahedyang nangyari. Hindi sapat ang manahimik na lang sa isang tabi. Oo, kailangan nating tumulong sa mga nangangailangan pero kailangan din nating mag-ingay para ipakita ang ating kolektibong pagkondena. May dahilan para makaramdam ng awa at lungkot pero may mas malalim na dahilan para magalit. Pagkatapos pahirin ang luha sa ating mga mata, panahon na para lumabas sa ating bahay para makiisa sa mga magaganap na kilos-protesta.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
|
Sunday, November 17, 2013
Pinoy Weekly | Pagtulong, pag-alala at pagkondena
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment