Buhat sa koleksyon ng mga tula ni Amado Hernandez
Kalupitan ay palasong bumabalik,
kaapiha’y tila gatong, nagliliyab;
Katipuna’y naging tabak ng himagsik,
at ang baya’y sumiklab na Balintawak!
Isang tala ang sumipot sa karimlan,
maralita’t karaniwang Pilipino;
ang imperyo’y ginimbal ng kanyang sigaw,
buong lahi’y nagbayaning Bonifacio!
Balintawak, Biak-na-Bato, Baraswain,
naghimala sa giting ng bayang api;
kaalipnan ay nilagot ng alipin,
at nakitang may bathalang kayumanggi.
Republika’y bagong templong itinayo
ng bayan din, di ng dayo o ng ilan;
Pilipinas na malaya, bansang buo,
na patungo sa dakilang kaganapan.
~
No comments:
Post a Comment