Sunday, November 24, 2013

Pinoy Weekly | Pangulong Aquino, retorika at propaganda


Posted: 23 Nov 2013 12:14 AM PST


Tuwing may protesta, asahan mo ang retorika. Madalas ko ngang biruin ang ilang kaibigang aktibista sa husay nilang bumuo ng mga salita para mapukaw ang interes ng madla.

Sadyang mahalaga ang retorika sa propaganda. Kailangan lang na akma ang mga salita para malinaw ang mensaheng nais iparating. Ito ang dahilan kung bakit may ibayong pag-iingat sa anumang katagang gagamitin, lalo na’t laban sa isang opisyal ng pamahalaan. Kung sablay nga naman ang retorika, paano na ang kampanya? Nakuha mo man ang atensiyon ng masa, maaasahan mo ba ang suporta nila?

Sa kaso ni Pangulong Noynoy Aquino, kailangang isaalang-alang ang kanyang matataas na trust at approval ratings kung susuriin ang mga datos ng Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS) mula nang manungkulan siya noong 2010 hanggang sa kasalukuyan. Bagama’t kapansin-pansin ang pagbaba ng kanyang ratings lalo na sa panahon ng ilang kontrobersiya sa kanyang administrasyon, hindi pa rin maikakaila ang pampublikong pagtingin na siya ay popular.

Pero ano ba ang konteksto ng kanyang popularidad? Depende siyempre ito sa paniniwala ng taong kausap mo. Halimbawa, puwedeng sabihin ng isang taga-suporta ng kasalukuyang administrasyon na nakikita ng publiko ang mabuting gawi ni Aquino. Para naman sa nananatiling kritikal sa Pangulo, maaasahan mo ang argumentong hindi naisisiwalat sa publiko ang lahat ng baho ng administrasyon, pati na ang bentaheng maraming organisasyong pangmidya na kampi sa kanya. Pabor ka man o hindi kay Aquino, hindi rin maiiwasang maikumpara siya kay Gloria Macapagal-Arroyo, ang pangulong sinundan niya. Dahil sa mga mababang rating ni Arroyo, malinaw na sinumang ikumpara sa kanya ay nagmumukhang santo, kabilang na si Aquino!

Susing usapin din sa kasalukuyang “kasikatan” ng Pangulo ang propaganda. Anuman ang iyong politikal na paniniwala, hindi maikakaila ang epektibong paggamit ng retorika ng mga taga-suporta niya. Para ipaliwanag ang pangkabuuang direksiyon ng administrasyong Aquino, ginagamit ang katagang “daang matuwid.” Para ipakitang kaisa siya sa hangaring hindi magkakaroon ng espesyal na pagtrato sa mga opisyal ng gobyerno, ibinibigay niya ang halimbawang “wala nang wang-wang” sa mga lansangan. Para idiin ang demokratikong pamamahala, sinasabi ni Aquino sa publiko na “kayo ang boss ko.” Para ipamukhang kakaiba si Aquino kay Arroyo, ang diskurso ay makikita sa limang salita lamang – “kung walang korap, walang mahirap.”

Epektibo ang retorika ng pamahalaan dahil ginagamit ang mga salitang mabilis na nagbibigay ng malinaw na imahe. Hindi ba’t spesipikong halimbawa ang paggamit ng wang-wang ng maraming opisyal ng gobyerno sa mga lansangan para ipamukhang angat siya sa iba? Kumpara sa ordinaryong mamamayang sumasakay sa pampublikong transportasyon, hindi nakararanas ng problema sa trapiko ang isang politikong nakasakay sa mamahaling sasakyan. Kailangan mong tumabi sa kanyang pagdaan. Sa panahon diumano ng daang matuwid, hindi na raw katanggap-tanggap ang sitwasyong ito.
At dahil sawang sawa na sa korupsiyon ang mga tao, pinipilit ng administrasyong Aquino na iugnay ito sa kahirapan. Sa pamamagitan ng retorikang “kung walang korap, walang mahirap,” napapaangat ni Aquino ang kanyang sarili kumpara kay Arroyo na kinakaharap ang maraming kaso ng katiwalian. At kahit na walang malinaw na pagbabago sa panlipunang katayuan ng mga batayang sektor ng lipunan, epektibong propaganda pa rin ng pamahalaan ang paggamit ng salitang “boss” para ipaalala sa mga naghihirap na pinapakinggan daw sila ng administrasyong Aquino.

Pero hindi lahat ng epektibo ay totoo. Nariyan pa rin ang hindi pagkakapantay-pantay sa pagitan ng mga opisyal ng gobyerno at ng mga Pilipinong dapat na pinagsisilbihan nila. Halimbawa, may wang-wang pa ring ginagamit ang ilang politiko sa kabila ng panawagan ni Aquino. Kung totoong matuwid ang daan, bakit hindi malinaw ang patutunguhan ng ordinaryong mamamayan? Bakit patuloy pa rin ang kahirapan at iba pang probleman ng bayan? Isang manipestasyon ng kawalan ng makabuluhang pagbabago ay ang pananatili ng korupsiyon sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Sa ganitong konteksto dapat suriin ang retorikang ginagamit ng mga aktibista. Madalas nating naririnig ang mga katagang “walang pagbabago sa ilalim ni Aquino” tuwing may kilos-protesta sa mga paaralan, pagawaan at lansangan. Simple lang ang dahilan nito: Malinaw kasi sa ebidensiyang nakuha sa malalimang pagbabasa at madalas na pakikisalamuha sa mahihirap na patuloy pa rin ang mga problemang panlipunan. Sa isyu na lang ng korupsiyon, nahaharap sa maraming iskandalo ang ilang kaalyado’t kamag-anak ni Aquino.

Pangingikil ng pera ng kamag-anak kapalit ng pagbibigay ng kontrata sa isang dayuhang kompanya, pagpapatayo ng mamahaling bahay sa isang sikat na subdibisyon ng isang opisyal, paglalaro sa casino ng isa pang opisyal kahit malinaw na ipinagbabawal ito sa batas – mahaba ang listahan para isa-isahin lahat ng mga kontrobersiya.

Aba, kahit si Aquino mismo ay mayroon ding mga isyu! Ilang beses nang binatikos ang mga polisiya’t programang pilit niyang ipinapatupad na nagpapahirap sa maraming mamamayan, lalo na ang mahihirap. Tulad ng mga nakaraang administrasyon, naniniwala siya sa isang globalistang tunguhin ng diumanong pang-ekonomiyang pag-unlad. Hinahayaan pa rin ang pribadong sektor, lalo na ang dayuhang mamumuhunan, na dominahin ang lokal na ekonomiya. Ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng kuryente, tubig, produktong petrolyo at bigas ay idinidikta na ng mga kapitalista. Ang anumang pagtaas sa presyo ng bilihin ay kasalanan diumano ng “market forces,” ang katagang ginagamit bilang propaganda ng gobyerno para ibunton ang sisi sa isang bagay na hindi nakikita.

Oo nga naman, mukhang matalinong diskurso ang paggamit ng retorika sa wikang Ingles kahit na hindi naiintindihan nang lubusan ang konsepto nito. Sa halip na magkaroon ng imahe ng isang kapitalistang nagpapayaman habang ang karamihan ay pinagkakaitan, mistulang blangkong pagsasalarawan ang hatid ng katagang “market forces.” Simple lang ang implikasyon nito: Sa gitna ng pagtaas ng presyo ng bilihin, hindi na dapat sisihin ang pamahalaan o kapitalista. Sa bandang huli, tatanggapin na lang ng ordinaryong mamamayan ang pang-ekonomiyang kalakaran bilang sitwasyong labas sa kontrol ninuman.

Sa ngayon, epektibo ang propaganda ng mga nasa kapangyarihan dahil patuloy pa rin ang suporta ng maraming mamamayan sa kanila. Pero unti-unti na ring naipapakita ang kasinungalingan sa likod ng opisyal na retorika. Mainam na halimbawa ang binitiwang pahayag ni Pangulong Aquino na hindi naman masyadong nakapaminsala ang Bagyong Yolanda na pumasok sa bansa noong Nobyembre 8 dahil 2,000 hanggang 2,500 lang daw ang tinatayang nasawi. Masyadong mababa ang estadistikang ito kung ikukumpara sa 10,000 unang binanggit ng isang dating lokal na opisyal na kinailangang tanggalin sa puwesto matapos ang kanyang pahayag sa midya.

Hindi rin kayang protektahan ng propaganda ang bangayan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa distribusyon ng relief goods at iba pang porma ng dapat ay taos-pusong pagtulong sa mga kababayan nating naapektuhan ng bagyo. Mas lalong hindi naitatago ng “mababangong salita” ang kawalan ng kakayahan ng gobyernong tumulong sa nangangailangan, lalo na’t halatang halata ang maagang pangangampanya ng ilang personalidad na nagpaplanong tumakbong Pangulo ng Pilipinas sa 2016. Lahat ng propaganda sa puntong ito ay nagmimistulang palusot ng mga nagpupumilit magpaliwanag ng kasalanan.

Sa gitna ng propaganda ng pamahalaan, may protestang nangyayari. Ang mga aktibista ay nagkakaroon ng sariling retorika para mapatingkad sa kakaunting salita ang alternatibong pagsusuri sa nangyayari sa lipunan at sa gobyernong dapat ay naglilingkod sa mga mamamayan. Mula nang manungkulan si Pangulong Aquino, marami nang terminong ginamit laban sa kanya – Noynoying, Pork Barrel King, Impunity King. Ang mga ito ay maingat na pinili para batikusin ang kanyang estilo ng pamumuno at mga patakara’t polisiyang isinusulong. Kailangang maging malinaw na ang anumang terminong ginagamit sa kanya ay hindi naglalayong magbato ng personal na atake.
Tuwing may protesta, asahan mo ang retorika. Mas lalo mong asahan ang pagdami ng propaganda ng mga aktibista lalo na’t dumarami ang pagkukulang ng pamahalaan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.




No comments:

Post a Comment