Posted: 23 Nov 2013 06:25 AM PST
Nagmartsa ang iba’t ibang grupo ng mga Waray sa ilalim ng Tindog Network para kondenahin ang gobyernong Aquino sa kapabayaan nito sa mga biktima ng bagyong Yolanda. (Macky Macaspac)
Nakaligtas sila, at nagdusa. Ngayon, nagmartsa na sila patungong Mendiola, para maningil.
Ilang nakaligtas sa bagyong Yolanda (Haiyan) ang nagtungo sa paanan ng Malakanyang para iparating ang hinaing sa mabagal na pagresponde umano ng gobyerno sa panahon ng kalamidad. Hiling din nila na mabigyan ng katarungan ang mga biktimang ayon sa kanila’y sanhi ng kapabayaan ng gobyerno.
Kasama sa mga nagmartsa ang magkapatid na Deirdre at Mark Tisado, taga-Sagkahan, Tacloban City. Lulan ng eroplanong C130, dumating ang magkapatid kasama ang limang miyembro ng pamilya noong November 15 at pansamantalang nakikituloy sa mga kamag-anak sa Caloocan. Sugatan ang ilan sa kanila, kasama na si Mark na siyam-na-taong gulang.
Ikinuwento ni Mark sa Pinoy Weekly kung paano sila nakaligtas sa hagupit ni Yolanda. Sabi niya, bago pa dumating ang bagyo’y lumikas na sila sa isang dalawang palapag na bahay ng kanilang tiyahin.
“Malakas ‘yung hangin, natuklap yung bubong ng bahay,” ani Mark.
Sa pag-aakalang malakas na hangin lang ang dala ng bagyo, bumababa sila pero biglang tumaas ang tubig, kaya napilitan uli silang umakyat at magkulong sa isang kuwarto sa ikalawang palapag ng bahay.
“Mabilis tumaas ‘yung tubig, inabutan din kami sa taas,” salaysay ni Mark. Nakaligtas si Mark ng magpasya sila ng isa niyang kuyang lumabas ng bahay at nangunyapit sa anumang bagay na makita at magpatianod sa baha hanggang humupa ito. Nanatili naman sa bubungan ang mga kamag-anak niya kasama ang tatlo pa niyang kapatid.
“Mahirap,” ang tanging salitang nabigkas ni Mark, nang tanungin kung ano ang nararamdaman niya sa sinapit ng kanyang pamilya. Tila na-trauma siya dahil sa naranasang delubyo.
Si Mark Tisado na may benda sa kanang binti dahil sa tinamong sugat sa kasagsagan ng bagyong Yolanda. (Macky Macaspac)
Sa loob ng anim na araw matapos ang bagyo, wala raw natanggap na relief goods o anumang tulong ang pamilya Tisado.
“Kung hindi kami pumunta dito sa Manila, hindi pa kami makakatanggap ng relief goods. Dito lang kami nakaramdam ng tulong talaga,” sabi naman ni Deirdre.
Dagdag pa niya, inabot pa sila ng dalawang araw sa pila sa airport para maisakay nang libre sa C130. Nagmakaawa pa umano sila para payagan lang na maisakay ang limang miyembro ng pamilya. Priority raw kasi ang mga pasyente na maisakay pero kahit sugatan ang dalawa niyang kapatid, hindi pa rin sila pinapayagan maisakay.
“Gusto nilang isakay ang mga pasyente at hindi ang mga kasama, pasyente lang daw. Paano ‘yung mga kapatid ko na sugatan, walang kasamang sasakay?” himutok niya.
Sabi pa ni Deirdre, himala na nakaligtas silang magkakapatid, pero maliban sa inaalala niyang kabuhayan na nawasak, problema rin nila kung paano nila makakapagpatuloy sa pag-aaral. “Wala kaming naisalba maliban sa buhay namin,” aniya.
“Apat po kaming nasa kolehiyo, 2nd year college student po ako sa Eastern Visayas State University sa Tacloban,” sabi niya. Walang nailigtas na anumang dokumento ang pamilya Tisado kasama na ang rekord ng kanilang mga pag-aaral.
Sinubukan daw niyang humingi ng tulong sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng Caloocan para makapagpatuloy ng pag-aaral. Pero sinabihan daw siya na maaari siyang makapag-aral ulit basta makapagpalabas siya ng patunay na siya ay nasa kolehiyo.
“Paano kami makakapagpakita ng sertipiko o anumang papeles na kami’y estudyante, eh wash-out nga yung erya namin,” aniya.
Pasalamat na lamang ang magkakapatid na nakaligtas sila, dahil ang kanilang ama na si Ralph Tisado ay kabilang sa mga nawawala.
“Umaasa na lamang kami na kahit patay na siya, makita pa rin siya. Palatandaan na lang namin ang tattoo ng isang babae sa kanyang kanang binti,” malungkot ngunit matatag na sinabi ni Deirdre.
Kriminal na kapabayaan
Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pagkakasulat ng artikulong ito, umabot na sa 5,209 katao ang patay, 23,404 naman ang sugatan at mahigit isanlibo pa ang nawawala.
Aabot naman sa mahigit 2 milyong pamilya ang naapektuhan o mahigit sampung milyong indibidwal sa 44 na probinsiya. Daan-libong kabahayan din ang nawasak at bilyun-bilyong halaga ng pribado at pampublikong ari-arian ang nasira.
Kasabay nito, pinaiimbestigahan ni Pangulong Aquino ang mataas na bilang ng casualty sa ilang bayan ng Leyte, partikular na ang siyudad ng Tacloban, bayan ng Palo, Dulag, Tanauan at Tolosa.
“Doon kasi sa pagre-review at paga-assess kung ano talaga ang nangyari, nag-standout iyong napakataas ng casualties doon sa area na iyon,” pahayag ni Communications Sec. Sonny Coloma sa midya.
Pero para sa Kilusang Mayo Uno (KMU), hindi gumawa ng kaukulang hakbang ang gobyerno para maiwasan ang malaking pinsala bago pa man humagupit ang bagyong Yolanda.
“Matapos magbigay babala si Aquino na malakas ang bagyong Yolanda, walang hakbang ang gobyerno na malawakang at maagang ebakwasyon, hindi rin ito gumawa ng matibay na evacuation center bago pa man pumasok ang bagyo at tumanggi pa sa agarang pagbigay ng relief goods matapos umalis ang bagyo,” paghayag ng KMU.
Sinabi pa ng grupo na nagkasya na lang si Pangulong Aquino sa pagpapahayag nito sa lakas ng bagyo at pagmamayabang daw nito na nakahanda ang gobyerno sa pagharap sa supertyphoon at iniwan sa lokal na pamahalaan ang pagharap sa delubyo. “Hindi lang siya (Aquino) Pork Barrel King, Disaster President din siya,” ani Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.
Sinabi pa ni Labog na dapat daw na kondenahin si Pangulong Aquino dahil sa kapabayaan nito na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong katao.
Matapos tawaging Pork Barrel King, tinawag naman ngayon ng KMU na Disaster President si Pangulong Aquino dahil daw sa kapabayaan nito sa pagharap sa kalamidad. (Macky Macaspac)
“Paano mo ilalarawan ang isang chief executive na nang-iwan sa relief and rescue operation sa gitna ng Signal No. 4 na bagyo? Para sa amin, kriminal na kapabayaan ito,” sabi pa ni Labog.
Kasama ng magkapatid na Deirdre at Mark sa Mendiola ang ilang komunidad at organisasyon ng mga Waray (tubong Leyte-Samar) na nakabase sa Metro Manila. Kanilang binuo ang Tindog (Bangon) Network, isang organisasyon ng mga kaanak, kaibigan at mga tagasuporta ng mga biktima ni Yolanda.
Sa pahayag ng grupo, layunin ng organisasyon na mangalap ng mga rekurso, tulad ng pagkain, pinansiyal para sa muling pagbangon ng kabuhayan ng mga nasalanta at legal na serbisyo, gayundin ipinaabot din nila ang hiling na katarungan para sa mga biktima.
“Hindi na dapat madagdagan ang bilang ng mga biktima. Ngunit sa bawat araw na napagkakaitan ng sapat na pagkain, damit at serbisyong medikal, pagsagip at disenteng paglilibing, paglabag na ito, at lumilikha pa ng mas maraming biktima. Ang kapabayaan sa buhay at kagalingan ng mamamayan ay isang gawaing kriminal, isang gawain ng gobyernong Aquino sa mga mamamayang Pilipino,” pahayag ng grupo.
Plano rin ng grupo na ilunsad ang pambansang network ng Tindog sa mga susunod na araw.
|
No comments:
Post a Comment