UP Tacloban pagkatapos ng Bagyong Yolanda (Pher Pasion)
Nabahala si Kabataan Rep. Terry Ridon na kalakhan sa mga kampus ng
state universities and colleges (SUCs) na lubhang nasira ng bagyong Yolanday ay makakatanggap ng kaltas sa badyet para sa susunod na taon.
Kasama rito ang iba pang SUCs na walang matatanggap ni isang sentimo ng
capital outlay o badyet para sa pagpapatayo ng mga bagong inprastraktura.
“Sa pagdinig noon ng Kongreso para sa 2014
national budget, amin nangipinunto na 79 sa 110 na SUCs ang makakaltasan ng badyet. Nang aralin naming maigi ang mga datos, karamihan sa SUCs na makakaltasan ay yaong mga eskuwelahan na nasira ng bagyong Yolanda,” ayon kay Ridon.
Ayon pa sa kabataang mambabatas, maiiwasan sana ang ganitong sitwasyon kung nakinig ang mga mambabatas sa panawagan ng mga kabataan noong nakaraang buwan na taasan ang badyet para sa SUCs at hindi ituloy ang pagkaltas sa badyet.
Pero ipinasa pa rin ito ng Kamara at Senado ang pagkaltas sa badyet noong nakaraang linggo.
Ipinunto rin ni Ridon na 11 sa SUCs na lubhang nasira ni Yolanda ang walang matatanggap ni isang sentimo ng
capital outlay (CO) kabilang ang UP System, na may Tacloban Campus na lubhang nasira rin ng bagyo.
“Papaano muling maitatayo ang mga nasirang eskuwelahan kung ang pambansang gobyerno ay hindi maglalaan man lang ng kahit isang sentimo para sa
capital outlay?” tanong ni Ridon.
Bukod pa rito, kailangan din umanong ikonsidera na sa naunang mga taon, hindi napaglaanan ng gobyerno ng sapat na badyet para sa pagpapaunlad ng inprastraktura ng maraming eskuwelahan sa Visayas.
Parehong Department of Budget and Management at ang Commission on Higher Education (CHED) ang nagpunto noong pagdinig sa badyet na ang mga pagkaltas ay maaaring bahagi ng Normative Funding Formula ng CHED at ang implementasyon ng Roadmap for Public Higher Education, ang balangkas ng administrasyong Aquino para sa edukasyon sa kolehiyo.
“Dapat tugunan ng parehong Kapulungan sa Kongreso ang isyung ito sa lalong madaling panahon. Hindi dapat natin ipasa ang badyet na may kaltas sa pondo ang SUCs na lubhang nasira ng bagyong Yolanda,” ayon kay Ridon.
Nananawagan din si Ridon sa liderato ng parehong Kapulungan na bawiin ang naipasang 2014 badyet at gawin ang mga kinakailangan pagsasaayos – di lamang para sa SUCs na nasira ni Yolanda kundi maging sa lahat ng SUCs na may nakabinbing pagkaltas sa badyet.
Ayon sa kongresista, ang pagbibigay ng karagdagang pondo sa pamamagitan ng
supplemental budget ay hindi makakasapat sa pangangailangan ng nasirang SUCs. Maaaring makatulong ito nang panandalian lamang sa pagpopondo para sa
relief at rehabilitasyon, pero kailangang repasuhin ng Kongreso ang pambansang badyet mismo. Malamang na di sumapat ang
supplemental budget kumpara sa aktuwal na pangangailangan ng SUCs.
“Hindi magiging ganito na tila walang pambansang gobyerno natin kung sa umpisa pa lamang nalaan na ito ng sapat na badyet para sa SUCs. Pero taun-taon, ang SUCs at iba pang batayang mga serbisyo ay patuloy na nagkakaltasan ng malaki sa kabila ng patuloy na panawagan ng mga tao. Malaking pagpapakita ito kung paano binabalewala ng administrasyong Aquino ang kapakanan ng mga mag-aaral at mga mamamayan – isang mapanganib na pag-uugali na madaling mapalala ng mga sakuna,” pagtatapos ni Ridon.
Infographic by Darius Galang
No comments:
Post a Comment