Halos 10,000 ang pinangangambahang namatay sa paghagupit ng isa sa mga pinakamalakas na bagyong dumaan sa Pilipinas at sa buong mundo ayon sa mga opisyal sa lokal na pamahalaan at maging ang iba’t ibang organisasyon na nagsasagawa ng mga operasyon para tulungan ang mga nakaligtas na marami ay walang makain, mainom, matulugan, masuot o kahit mapuntahan man lang. Higit 10 milyong Pilipino naman ang apektado at naging biktima ni Yolanda sa iba’t ibang panig ng bansa, ayon sa datos ng Malacañang, na halos ikasampu ng kabuuang populasyon ng Pilipinas.
Puno ng kalungkutan at pighati ang bawat Pilipinong nakita ang dinulot na trahedya ng sakunang ito sa ating mga kababayan lalo na sa Gitnang Kabisayaan — namatay, nawalan ng mga ari-arian, at natabunan maging ang kinabukasan. Pero sa kabila ng dalamhati, nagsilbing isang malaking brigada ang social media sa nakaraang mga araw — relief at rescue operations — at binuhay ang likas na pagkamatulungin at kultura ng bayanihan ng mga mamamayan.
Gaya ng marami, kung hindi man lahat ng mga Pilipino, kinalakihan ko ang pagdaan ng iba’t ibang natural na mga kalamidad sa ating bansa at ang dala nitong trahedya sa maraming pamilya lalo na sa mga mahihirap nating kababayan sa mga malalayong lugar. Suki tayo sa mga bagyo, lindol, baha, pagguho ng lupa, iba pang mga natural na sakuna, at maging mga lokal na gulo’t digmaan.
Sabi nga sa isang pag-aaral ng Asian Development Bank, humigit-kumulang 1.6 bilyong dolyar ang nawawala sa ekonomiya ng Pilipinas taun-taon dahil sa mga sakuna at dala nitong trahedya — pinakamalaki sa buong Timog Silangang Asya at pumapangalawa sa buong Asya.
Kaya naman maraming nagsabing sanay na tayo, madali lang tayong babangon muli dito, at hindi namn bago sa atin ang pagharap sa mga ganito kabigat na problema. Ilang oras nga lang pagkatapos lumabas ng bansa ang bagyong Yolanda, mas mabilis pa sa tulong na kailangan ng mga nasalanta nating kababayan na sumikat ang isang komentaryo sa isang artikulo ng CNN: “Time to get to know the hardy Filipino people… unbelievably resilient, long suffering, good natured, uber friendly, loyal, ingenious, and a bunch of survivors. At the end of the day the Filipinos will just shake off the dirt from their clothes and thongs and go about their business… and SMILE. They do not complain much, they will bear as long as they can. Maybe this is why they were given the “privilege” bearing the burden of the strongest typhoon ever recorded. The indomitable human spirit at its finest.”
Maganda naman siguro ang intensyon ng nagsulat ng komentaryo na buuin ang lakas ng mga Pilipino at pagkaisahin para bumangon mula sa trahedya. Pero kung nangangahulugan ang unbelievably resilient at long suffering na masasanay na lang tayo sa taun-taon na pagkamatay ng mga kababayan natin at pagkasira ng mga ari-arian, hindi ko ikinararangal na makatanggap ng ganitong “papuri.”
Kung pagkatapos ng lahat ng ito ay business as usual lang naman at muli tayong mag-ngingitian na parang walang nangyari, ikakahiya ko ang pagiging Pilipino. At para tawagin pang “privilege” ang paghagupit ng napakalakas na bagyong ito? Katarantaduhan.
Totoong hindi natin kontrolado ang mga kalamidad. Pero kung papaano hindi ito magiging isang malaking trahedya ay ibang usapan na. Kaya sa mga ganitong pagkakataon kailangan paalalahanan ang ating mga kababayan — nangyari ang sakuna sa konteksto ng isang bansang marami sa mga mamamayan ay sadlak sa kahirapan, isang pamahalaang pabaya, isang mundong pinamamayanihan ng mga makapangyarihang bansa tulad ng Estados Unidos, at isang sistemang mas pinahahalagahan ang tubo’t kita kaysa buhay ng tao.
Hindi ba’t ayon na mismo sa datos ng pamahalaan mula 2006 hanggang 2012 na hindi bababa sa 40-50% ng mga nakatira sa Masbate, Leyte, Samar, at Bohol ay mga mahihirap na nabubuhay lamang sa mas mababa sa $2 kada araw? Itong mga bayan na ito mismo ang pinaka-nasalanta ng bagyo. At malinaw na malinaw na ang epekto ng bawat sakuna ay pinapalala ng kahirapan at pagsasamantala sa uri.
Kahit pa nakapaglabas ng babala ang pamahalaan sa paparating na bagyo, ano bang kayang paghandaan ng mga mahihirap nating kababayan? Kung mismong pangaraw-araw nga na ihahain sa mesa ay hindi alam kung saan hahagilapin, yun pa kayang mag-imbak para sa panahon ng sakuna?
Sa maraming pagkakataon, ang kakayahan mo gumastos o dami ng pera ang magtatakda ng kakayahan mo maging handa sa mga sitwasyong tulad nito. Inasahan ba talaga ng pamahalaan na sa liit ng minimum wage, dami ng walang trabaho, at kawalan ng akses sa edukasyon ay makakapaghanda ang mga mamamayan para protektahan ang kanilang mga sarili?
Lalo namang hindi makakatulong kung makikipagsisihan lang ang pangulo at may gana pang magwalk-out sa pulong ukol sa sitwasyon at mga plano ng pagtulong. Alam ng pamahalaang ito na bulnerable ang dadaanan ng bagyo, o na taon-taon ay palakas ng palakas ang bagyong humahagupit sa ating bansa, kaya’t hindi katanggap-tanggap na walang malinaw na plano’t programa para sanggain ang epekto ng mga kalamidad.
Sa ganitong mga panahon na gagamitin pa ng Malacañang ang trahedya para panatilihin ang kontrol nito sa napakalaking pork barrel, dapat ipaalala kay Aquino na noong 2010 ay sapilitan nilang ipinatigil ang mga proyekto para sa paghahanda sa sakuna ng mga barangay na nagkakahalaga ng PhP 486 Milyon. Ang mas nakakagalit pa, naging bahagi ito ng “savings” ng pamahalaan at nailipat sa DAP (Disbursement Acceleration Program) na tinutuligsang pork barrel ni Aquino.
Kung gaano kalaki ang inilaki ng tyan ng mga tao sa pamahalaan dahil sa pagnanakaw sa pondo ng bayan, ganoon din kalaki ang nawalang pagkakataon para mapa-unlad ang kakayahang pigilan na ang mga sakuna ay maging trahedya.
Hindi lang pabaya ang pamahalaang ito — ganid din. Papaano nila ngayon ipapaliwanag na ang isang scientist na si Kim Ajeas Gargar na bahagi ng proyekto para sa reforestation sa Mindanao ay hinuli at sinampahan ng gawa-gawang kaso. Ginawa mo na nga ang responsibilidad ng pamahalaan, ikaw pa ang minasama’t pinahihirapan.
Wala din katarungan na habang papalaki ang inaambag ng mga mayayamang bansa gaya ng Estados Unidos at Britanya sa global warming na nagdudulot ng mas malala at mas maraming mga bagyo, pagbaha, at tagtuyot, patuloy na sinasalo ng mga mahihirap na bansa gaya ng Pilipinas ang epekto nitong trahedya.
Hindi na sumasapat sa pandaigdigang sistema ng kapitalismo na pagsamantalahan ang mga mamamayan ng mahihirap na bansa sa pagkamal ng supertubo habang binabarat ang sahod ng mga manggagawa. Dahil sa sistematiko nitong pagkaganid sa tubo, inuubos nito ang mga likas yaman at sinisira ang kalikasan na nagdudulot ng mas higit na pasakit sa mga mahihirap na mamamayan ng daigdig.
Kaya hindi dapat ipagpasalamat ang mga ayuda at tulong na natatanggap mula sa mayayamang bansa. Kulang pa nga ito at hindi sapat mula sa ninanakaw nilang lakas na yaman, buhay, at kinabukasan. Ipagpapasalamat ba natin ang kanilang paghuhugas kamay gayon sila ang numero unong kriminal kaya umaabot sa trahedya ang mga sakuna?
Alinman sa tao o teknolohiya ay hindi kayang pigilan ang pagdating ng mga kalamidad gaya ng bagyo at lindol. Pero hindi ito magiging trahedya at aabot sa pagkamatay ng libo-libo kung tapat na reresolbahin ang pandaigidigang krisis ng patuloy na kahirapan ng mga mamamayan.
Walang humanitarian aid ang makakapagresolba sa epekto ng mga sakuna’t kalamidad sa isang daigdig na namamayani ang imperyalismo- puno ng inhustisya’t pamamayani ng halaga ng pagtubo kaysa sa buhay ng tao.
Makibaka para sa isang maka-taong daigdig! Galit ng mamamayan at kagustuhan sa mas magandang bukas- ito ang hagupit na higit pa sa Yolanda at mga darating na sakuna.
No comments:
Post a Comment