Friday, November 8, 2013

Pinoy Weekly | Gatilyo

Posted: 08 Nov 2013 08:35 AM PST


“Hindi ito panahon ng pagdadalawang-loob, / hindi ito panahon ng pag-aatubili’t pagkatakot.”
Gabi, Sa Isang Kapihan, Romulo Sandoval

*           *           *

Ilang linggo bago iligpit si John F. Kennedy, nagtalumpati siya sa isang liberal arts college sa Amhurst, Massachusetts. Iyon ay panahong ang political parties sa U.S. ay pinaghaharian ng mga elitista (as if ngayon hinde).

Ani JFK, “When power leads men towards arrogance, poetry reminds him of his limitations. When power narrows the areas of man’s concern, poetry reminds him of the richness and diversity of his existence. When power corrupts, poetry cleanses. For art establishes the basic human truth which must serve as the touchstone of our judgment.”

*           *           *

Isang magandang balita ang paglabas ng koleksyon ng mga tula ni Gelacio Guillermo na may simpleng pamagat na Mga Tula (UP Press). Nasa koleksyon ni Chong Gelas ang mga tula mula sa Azucarera : mga tula sa Pilipino at Ingles. Si Chong mismo ay nagtrabaho sa Central Azucarera de Tarlac.
Magandang balita rin na malapit na ring ilabas ng UP Press ang koleksyon ng mga tula ng ex-political prisoner na si Ericson Acosta na pinamagatang MULA TARIMA HANGGANG At Iba Pang Mga Tula At Awit. Kinumpiska ng mga militar ang kanyang laptop kung saan naka-save ang kanyang manuskrito at hindi na ibinalik.

*           *           *

 “I believe the world is beautiful / and that poetry, like bread, is for everyone.”
Like You, Roque Dalton

*           *           *

Sa ikaapat na kongreso ng All-China Federation of Literary and Art Circles noong Nobyembre 1979, itinatag ang unyon ng mga sirkero. Oo! Kasama ang circus sa people’s art—kahilera ng fiction, poetry, drama, cinema, music, dance, fine arts, performing literature, folk literature, at children’s literature!
Sino ang makapagsasabi, ang circus ay nakapaglingkod sa Cultural Revolution sa Tsina? Sabagay, iyon ngang kusinero ng rebolusyon ay malaki rin ang bahagi sa rebolusyon. Maski nga ang belly dancing ngayon ay bahagi na rin ng people’s art sa Russia (sa mga grupong Komunista roon).

*           *           *

Kung gayon, hindi malayong ituring na people’s art ang battle rap. Kilala ito sa atin sa tawag na FlipTop (bilang pangalan ng kumpanyang nagpauso ng battle rap dito sa Pinas).
Noong isang taon ko lang ito nasubukan sa youtube. Naaliw ako sa pasaringan nina Shehyee at Smugglaz versus Loonie at Abra. Usapang lasing pero wasak ang mga banat. Tinatawag nila ang sariling mga “makata” dahil sa indayog at tugmaan sa kanilang mga linyang tinatawag na “bars”. Tinatawag na modernong Balagtasan ang FlipTop (tutol ako dito, pero ibang usapan na ‘yun).
Sino ang makapagsasabi, ang battle rap na karaniwang nakaangkla ang tema sa sex, drugs, and violence ay maaari ring maging progresibo? Dito ko nakilala si BLKD.

*           *           *

“’Lyrics’ full of Knowledge Truth and understanding / ‘Hobbies’ Rapping is my only recreation”
Only 4 the Righteous, Tupac Shakur

*           *           *

Sa kasalukuyan, may binubuong solo EP si BLKD na pinamagatang Gatilyo.
Naabala ko siya minsan. Heto ang takbo ng panayam:


Bakit nahiligan mong magsulat ng tula?
BLKD: Naaaliw ako sa mga salita — sa tunog nito, sa mga iba’t ibang kahulugan nito. Natutuwa akong bumuo ng mga tula dahil para sa ‘kin ay paglalaro ito sa mga tunog at kahulugan ng mga salita. Ang pagbuo ko ng tula ay parang pagbuo ng puzzle na labis ang puzzle pieces sa kailangan. Naaaliw akong i-challenge ang utak kong mapili ang mga pinakatumpak na gamiting piyesa (salita) para mabuo ang gusto kong mabuong larawan (maipahayag ang gusto kong mensahe). Sa madaling sabi, nakahiligan kong magsulat ng tula dahil enjoy itong gawain para sa ‘kin.

Sino-sino ang mga impluwensiya mo?
BLKD: Sina Ely Buendia, Axel Pinpin, Rene Villanueva, at ang laksa-laksang paborito kong rapper (sa musika at sa battle). Nahihiya akong aminin, pero hindi ako palabasa, ke libro, o article lang, o kahit tula. Mas mahilig akong makinig. Kaya mas sa pakikinig ng musika at panonood ng mga pagtatanghal ako nakakakuha ng impluwensya at inspirasyon sa pagsusulat.

Bakit nahiligan mong mag-battle rap?
BLKD: Matagal na akong fan ng mga banyagang liga ng battle rap. Madaling matuwa sa mga berso nito dahil masarap pakinggan — pa-rap ang bigkas at may mga (komplikadong) tugmaan. Madali ring maka-relate sa mga mensahe nito dahil asaran ang karaniwang tema (na pinagdaanan naman nating lahat noong mga bata pa tayo). Isa ito sa mga pinakamalakas na nagpabatid sa ‘kin sa sarap ng mga salita, sa tamis ng mga tugma, sa linamnam ng mga linya, at sa tapang ng mga tula. Kaya nang malaman kong may battle rap league na rin sa Pilipinas, naibigan ko agad na subukan ito.
*           *           *
Magandang balita rin na dumadalo sa mga progresibong pagtitipon sina Smugglaz, Abra, at Kjah. Naispatan ko nga minsan sa Liwasang Bonifacio si Abra, may hawak na placard! Yes! YS ang peg.



No comments:

Post a Comment