Friday, November 8, 2013

Migrante Europe | BUWAGIN ANG DISBURSEMENT ACCELERATION PROGRAM AT ANG PORK BARREL SYSTEM


Posted on 04 November 2013 by admin
BAYAN (Bagong Alyansang Makabayan)


Ano ang DAP?
 
Batay sa paliwanag ng Malacanang, ang DAP ay isang paraan upang mapabilis diumano angpaggastos ng mga ahensya at maitulak ang pag-unlad ng bansa sa gitna ng pagdating ng maraming kalamidad at mabagal na paglago ng pandaigdigang ekonomiya.  Noong 2011, naglahad si Aquino, sa pamamagitan ni Budget Secretary Butch Abad, ng intensyong pondohanang mga dagdag na proyekto gamit ang P72.11 bilyon mula sa “unused appropriations” noong 2010 at 2011.
 
Pagdating ng 2012, pinalawig ni Abad ang kapangyarihang ito ng administrasyon na likumin ang mga pondong di nagamit ng mga ahensya at gastusin para sa “priority projects” nito.  Binigyan ni Abad ang sarili ng awtoridad na kunin ang unobligated allotments (o mga pondong nalipat na mula sa DBM tungo sa mga ahensya pero di nagamit ng huli) sa kalagitnaan ng taon at gamitin ang mga ito “to augment existing programs and projects of any agency and to fund priority programs and projects not considered in the 2012 budget but expected to be started or implemented during the current year.”
 
Ang “stimulus fund” na ito ay ang tinuturong pinanggalingan ng karagdagang pondong binigay noong 2012 sa mga kongresista’t senador sa gitna ng impeachment proceedings laban kay Corona (mahigit P530 milyon) at ilang buwan matapos ito ma-convict (mahigit P1.27 bilyon). Ayon sa gobyerno, 9% ng pondong mula sa DAP, o mahigit P12 bilyon sa loob ng dalawang taon, ang napunta para iba’t ibang proyekto ng mga pulitiko. May ilang  mga pagtaya na nagpapakitang napunta din sa mga kwestyunableng proyekto ang DAP, halimbawa na lang sa mga Napoles NGO’s.
 
Bakit ito iligal at masama?  Bakit dapat tutulan?
 
Nakasaad sa Konstitusyon na walang pondong mula sa pampublikong kaban o National Treasury ang maaaring gastusin kung walang pahintulot ng batas gaya ng taunang General Appropriations Act o isang special appropriations law.[1] Ang Kongreso lamang ang may kapangyarihang magtalaga ng appropriations o pondong inilaan para sa natatanging pakay o proyekto (purpose).  Dahil dito, sinasabi rin ng Konstitusyon na hindi maaaring ilipat ng isang opisyal ang isang appropriation liban na lamang sa realignment—kung pinahihintulutan ng batasang mga pinuno ng mga piling ahensya—ng savings o mga pondong di nagamit ng ahensya sa dulo ng taon.[2]
 
Ang mga probisyong ito ang basihan ng sinasabing power of the purse ng Kongreso, laluna ng Mababang Kapulungan na kinabibilangan ng mga direktang kinatawan ng mamamayan.
 
Hindi si Aquino bilang Presidente, hindi rin ang kanyang mga alter ego gaya ni Abad, ang maaaring magdesisyon kung saan mapupunta ang pondo ng bayan.  Ang proposed appropriations na hinahapag niya kada taon ay mga mungkahi lamang na maaaring oo-han o hindi-an ng Kongreso.  Mula sa oras na naging batas o Appropriations Act na ito, walang kapangyarihan itong paglaruan ng Presidente gaya ng ginawa ni Aquino simula nang siya ay maluklok sa poder.
 
Iligal ang DAP dahil ang “stimulus fund” na ito at ang diumanong “savings” ng gobyerno ay hindi pinahintulutan ng anumang batas.  Ang “Disbursement Acceleration Program” ay sa panahon lang ni Aquino sumulpot; walang ganitong item sa anumang general o special appropriations law o kahit anong pahintulot mula sa Kongreso.  Ang kapangyarihan ng Presidente na mag-realign ng savings ay limitado sa yaong nasa sariling opisina niya at hindi sa buong gubyerno, at nagkakaroon lamang ng savings sa dulo—hindi gitna—ng taon.  Ang mga programa at proyektong pinondohan nito, kung totoong mayroon man, ay hindi dumaan sa pagsusuri ng mga mambabatas at naging bahagi ng isang appropriations act.
 
Masama ito dahil napatunayang ginamit sa malawakang korupsyon at pamamatron sa mga alyadong pulitiko na kumilos ng ayon sa nais ni Aquino.  Higit sa lahat, binigay niya sa kanyang sarili ang kapangyarihang hawakan, ng walang ligal na basihan, ang bilyun-bilyong pondo ng bayan bilang discretionary lump sum funds upang may maipamudmod sa kongresista’t senador, hindi raw suhol kundi “insentibo” at para palaguin diumano ang ekonomiya.  Dagdag pa, simula nang inimbento ang DAP ay hindi naisip ng administrasyon na i-account sa publiko kung saan napuntaang mga pondong napasailalim sa programang ito—ang unobligated allotments ay umabot sa P159.23 bilyon noong 2011 at P178.06 bilyon noong 2012.
 
Karapatdapat ang taguri kay Aquino na “Pork Barrel King” dahil nag-imbento pa siya ng sariling sistemang pork upang makapagkamal ng pondo mula sa pampublikong kaban para kontrolin ang Kongreso, palawigin ang patronage politics, at higit na payamanin ang mga kurap na opisyal. Matapos ang kanyang talumpati noong Oktubre 30 para depensahan ang DAP, malinaw na  si Aquino ang pangunahing tagapagtanggol ng isang bulok at kurap na sistemang pork barrel.
[1] Seksyon 29 (1) ng Artikulo VI (Sangay Lehislatibo)
 
[2] Seksyon 25 (5) ng Artikulo VI
 




No comments:

Post a Comment