Friday, November 1, 2013

Pinoy Weekly | US citizen na administrador ng NFA pinagbibitiw, presyo ng bigas pinakokontrol


Posted: 30 Oct 2013 09:28 PM PDT

Protesta ng mga kababaihan sa NFA. (Kontribusyon)Protesta ng mga kababaihan sa NFA. (Kontribusyon)


Pinabibitiw sa puwesto ng Anakpawis Party-list si Orlan Calayag, administrador ng National Food Authority (NFA), dahil sa diumano’y pagiging US citizen niya at nanawagan sa Bureau of Immigration na pabilisin ang proseso ng deportasyon nito sa Estados Unidos.

Kinondena rin ng grupo si Sec. Prospero Alcala ng Department of Agriculture (DA) sa paglalagay niya kay Calayag sa NFA, batayan daw ito para patalsikin si Alcala sa DA.

Sinabi ng Anakpawis na hindi nakapagtatakang pumalpak ang performance ng NFA dahil sa kawalang karanasan ni Calayag para mamuno sa ahensiya.

Sinabi pa ng grupo na hindi makontrol o mairolbak ng NFA ang mataas na presyo ng bigas, gayundin ang kabiguan ng ahensiya na pigilan ang ismagling at wala din suporta sa mga magsasaka para paunlarin ang kanilang produksiyon.

“Tumatanggap siya ng mataas na sahod mula sa pondo ng mga mamamayan, US citizen pala siya. Dapat tanggalin na siya sa puwesto at paalisin na sa bansa,” sabi ni Rafael Mariano, pambansang pangulo ng Anakpawis.

Dinepensahan naman ng administrasyong Aquino si Calayag at sinabing kuwalipikado ito para sa nasabing puwesto. “Based on an assessment of the documents provided by Mr. Orlan Calayag, he has met all the qualifications necessary to hold his current position,” sabi ni Executive Sec. Paquito Ochoa Jr. sa midya.

Pero iginiit ng Anakpawis na dapat masibak si Calayag kung hindi siya magbibitiw. Sa ilalim daw kasi ng pamumuno niya, tumaas ng halos PhP 40.00 hanggang PhP 45.00 ang presyo ng bigas na hindi na kaya ng ordinaryong mga mamimili.

Inakusahan din grupo na bahagi ng “Quezon Mafia” si Calayag at kasama daw ito sa mga malalapit na alyado ni Alcala na kumokontrol sa DA at iba pang ahensiya nito.

Itinalaga si Calayag noong Enero 2013 para tapusin ang termino ng dating administrador na si Angelito Banayo at muling itinalaga nito lamang Hulyo 2013.

Samantala, muling nagprotesta ang grupo ng kababaihan na Gabriela sa harapan ng NFA. Nanawagan nila sa ahensiya na lakihan ang alokasyon ng bigas na binibili mula sa lokal na mga magsasaka at hindi na taasan ang importasyon.

Dapat daw na itaas ang binibili sa mga magssaka ng kahit 30 porsiyento, mula sa 10 porsiyento.
Ayon pa sa grupo, kailangan din daw na itaas ang buffer stock mula 15-30 araw patungo sa 45-60 araw, laluna’t palagian ang kalamidad na nararanasan ng bansa.

“Labis kaming nadidismaya na sa kabila ng matinding gutom at hirap ng mga mamamayan dahil sa mataas na presyo ng bigas. Bilyun-bilyong piso naman pala ang inaaksaya ng gobyerno sa labis na importasyon ng bigas na hindi naman pinapakinabangan ng mga mamamayan at hinahayaan lang mabulok sa mga warehouse ng NFA,” sabi ni Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.
Kasalukuyang iniimbesigahan sa Senado at Kamara ang mga opisyal ng NFA at DA dahil umano saoverpricing ng bigas na imported noong Abril.

Pinasaringan pa ni Salvador si Calayag na, “Pilipino, Amerikano, o kung anong citizenship pa man, basic evil ang maging manhid sa inhustisya sa kalagayan ng mga mamamayang nagugutom at ninanakawan ng pondong bayan,” ani Slavador sa isyu ng citizenship ni Calayag.




No comments:

Post a Comment