Monday, November 4, 2013

Pinoy Weekly | OFWs sa Saudi, nanganganib na dahasin sa tent city






Jeddah tent city. (Contributed Photo)


Libong manggagawang Pilipino na nasa tinatawag na Tent City sa Saudi Arabia sa ang nanganganib na dahasin at arestuhin sa pagpapatuloy ng crackdown sa undocumented workers sa Saudi Arabia nitong Nobyembre 3 (Nobyembre 4 sa Pilipinas.)

“We fear the worst,” ani Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International. Inaasahan ng kanyang grupo ang posibleng marahas na mga aksiyon ng gobyerno ng Saudi sa pagpapatupad ng crackdown.

“Kung anuman ang mangyari sa ating mga kababayan, ang gobyerno ni (Pang. Benigno) Aquino lang ang sisishin natin. Napakatumal ng mga hakbangin ng gobyerno sa pagpapatupad ng libre, agaran at maramihang pagpapauwi ng ating mga kababayan mula noong ipinatupad ang apat na buwan na palugit ngcrackdown,” sabi ni Martinez.

May 1,700 overseas Filipino workers (OFWs) pa ang naiwan sa Jeddah habang libo pa ang nakakalat sa Riyadh, Al Khobar at Dammam, mula nang iekstend ng gobyerno ng Saudi ang palugit sa pagpapauwi ng mga undocumented migrants noong Hulyo 3.

Mula pa noong Abril, naging tirahan ng undocumented na OFWs ang Tent City sa Jeddah. Karamiha’y nilisan ang kanilang abusadong mga amo o mga ipinuslit sa naturang bansa kaya hindi maiproseso ang kanilang mga working permit.

Idineklara ng internasyunal na komunidad na humanitarian crisis ang naturang pagkakampo ng mga manggagawang Pilipino na dapat bigyang pansin ng gobyerno ng Pilipinas. Ngunit marahas nang nabuwag ng mga awtoridad ng Saudi ang ilang bahagi ng Tent City noong Oktubre 22.

Nananawagan na ang Migrante ng pagbibitiw ng anila’y “pabayang mga opisyal” ng embahada sa Saudi. “Hindi rin kami mangingiwi na manawagan ng pagbibitiw ni Aquino. Dapat siyang managot sa kriminal na kapabayaan sa kapakanan ng ating mga OFW,” sabi pa ni Martinez.

Samantala, binalikan ng Migrante ang ginawa diumanong pagtulog ni Pangulong Aquino sa isang tent sa Bohol, bilang umano’y pakikiisa niya sa mga nasalanta ng lindol.

Sabi ni Martinez, “pakitang-tao” lamang ito ni Aquino upang pataasin ang dumadausdos niyang public image.

Sinasabing dahil sa pagtanggi niyang ibasura ang sistema ng pork barrel at ng mabagal na responde sa mga nasalanta ng paglindol sa Bohol ang dahilan ng . “Kung gusto niya ng tunay na camp out experience, subukan niyang mamuhay ng ilang buwan na walang sapat na pagkain, tubig at gamot tulad ng naranasan ng ating mga kababayan sa Tent City.”

Dagdag pa niya ang galit ng mga OFW sa usapin ng pangungurakot ng kaban ng bayan. Mula nang naitayo ang tent city, anim na OFW at may dalawang bata na ang namatay. Dahilan ng gobyerno ang kawalan ng pondo para makapaghatid ng mga kinakailangang serbisyo para sa mga OFW. “Tapos malalaman nating bilyun-bilyong pondo ng mamamayan ang walang-habas na kinurakot at trilyun-trilyon pala ang pondong nasa kontrol mismo ng pangulo.”

Isa pang binanggit ni Martinez ang hindi pagkakaroon ng gobyerno ng hotline o maging ang pagbibigay ng mga alituntunin kung sakaling magkaroon ng pag-aresto at anupamang mga mangyayari sa mga OFW.

“Sa panahon na kailangan maging aktibo ang gobyerno, naging pasibo na naman sila at humingi lamang ng ekstensyon ng dedlayn. Ang kailangan ng ating mga kababayan ay on-call legal assistance at proteksiyon. Ang kailangang gawi ng ating konsulado ay buksan ang kanilang pinto sa mga stranded nating kababayan at bigyan sila ng santuwaryo.”

Maaaring makontak ang Migrante International sa kanilang hotline na 911-4910 (telefax) at 0921-2709079 (mobile). Maaaring makipagugnayan sa kanila ang mga pamilya na may kaanak na nagtatrabaho atstranded sa Saudi.







No comments:

Post a Comment