Posted: 08 Nov 2013 04:18 PM PST
Ito ang sinabi ni Antonio Flores, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), sa parangal ng mga taong-simbahan, manggagawa, magsasaka at iba pang sektor ng lipunan para kay Fr. Jose “Joe” Dizon, aktibista at makabayang pari.
Buhay na inalay sa uring api
Para sa National Council of Churches in the Philippines (NCCP), ang buhay ni Dizon ay buhay na inalay sa mga pinagsasamantalahan sa isang panig at pagiging mapagbantay at walang sawang paglaban sa mga nagdudulot ng paghihirap sa sangkatauhan sa kabilang banda.
“Ang kanyang puso ay nasa nagdurusa at walang hangganan ang kanyang pakikiisa sa kanila. Siya’y pari na naglalaan ng komunyon para sa mga nakikibaka para sa isang bansang malaya sa pagsasamantala at pagkahaman sa kapangyarihan,” ayon pa sa NCCP.
Ayon sa kanila, ang kanyang pagmamahal sa mga nagdurusa at inaapi ay nagmula sa kanyang pag-unawa kay Hesus. Biniyayaan naman umano siya ng matalas na isip at bibig na nagsasalita ng soberanya, katarungan at kapayapaan ng Diyos.
“Sa maraming taon, pinagpala ang NCCP sa pagkakaroon ng isang Fr. Joe. Nagpapasalamat kami sa Diyos dahil sa kanyang pakikisama sa amin at nagdiriwang sa lahat ng panahon na kasama namin siyang sumaksi sa iba’t ibang isyu na mahalaga sa taumbayan — mula sa pagsiwalat at pagkondena sa mga dayaan sa halalan hanggang sa pagpapalaganap ng tinig ng kapayapaan at karapatang pantao, hanggang sa pagsisikap para sa tunay na pagbabago ng lipunan,” pahayag ng NCCP.
Rebeldeng pari
Minsan na umanong binansagang rebeldeng pari si Dizon at hindi nabigyan ng parokya sa ilang pagkakataon, subalit hindi ito naging hadlang para patuloy siyang magsilbi sa mahihirap at isulong ang katotohanan, ayon sa KMP.
Naalala ni Flores ang mahalagang papel ni Dizon sa apela ng mga magsasaka para makuha ang suporta ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP) sa kanilang laban sa lupa at tunay na repormang agraryo.
Nakibaka si Dizon laban sa dikatadurang Marcos sa pamamagitan ng pag-oorganisa sa mga komunidad sa ilalim ng Basic Christian Community Organizing, isang programa ng Simbahang Katolika na pinamunuan niya noong dekada ’60. Prominente rin ang naging papel niya sa pagbubuo ng Bagong Alyansang Makabayan at ng dating Nationalist Alliance.
Hindi matatawaran ang paglilingkod ni Fr. Joe Dizon sa uring manggagawa, ayon kay Roger Soluta ng KMU. (Pher Pasion)
Itinatag rin ni Dizon ang Workers Assistance Center, Inc. (WAC) sa Rosario, Cavite na naglalayong isulong ang karapatan ng mga manggagawa sa Cavite Export Processing Zone (CEPZ).Bahagi rin si Fr.Joe at nangungunang tagapag-ugnay ng electoral watchdog na “Kontra Daya”. Nitong huli, aktibo rin siya sa alyansa laban sa pork barrel at tumulong sa paghahanda ng People’s Initiative para tuluyang matanggal ang sistemang pork barrel.
Kaisa ng manggagawa
Mahaba rin ang karanasan ni Dizon sa pakikiisa sa laban ng mga manggagawa.
Nang iputok ang makasaysayang welga ng La Tondeña noong Oktubre 24, 1975, nakilala ng mga manggagawa ang isang alagad ng simbahan na magiging matibay nilang kakapit-bisig.
“Sa panahong walang ibang masandigan ang mga manggagawa, sa gitna ng matinding panunupil at paglabag sa kanilang karapatan, nakahanap sila ng kakapit-bisig kay Fr. Joe Dizon,” pahayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU).
Ibinukas ni Dizon ang pinto ng kanyang simbahan para sa mga manggagawang inaabuso at pinagsasamantalahan. Nakilala siya bilang matapang na tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa at tumulong na buuin at patibayin ang kanilang organisadong lakas, ayon pa sa grupo.
Sa 40 taon niyang pagiging pari, inako ni Dizon ang tungkuling ilapit ang simbahan sa mga manggagawa. Mula seminaryo hanggang maordina, mahigpit siyang nakipagugnayan sa mga unyon, pederasyon at samahang pangmanggagawa. Ipinamalas ni Fr. Joe ang walang pag-iimbot at hindi nagmamaliw na pagmamalasakit para sa mga manggagawa.
Noong Setyembre ng 2011, pinangunahan ni Dizon ang paglulunsad ng Church People-Workers’ Solidarity (CWS). Layunin nitong pahigpitin ang ugnayan ng simbahan at ng kilusang paggawa sa pagsusulong ng interes at kagalingan ng mga manggagawa.
Hanggang sa labas ng paggawaan, kasama ng mga manggagawa si Dizon sa paglaban sa mga pahirap, papet at pasistang rehimen. Nasa unahan siya ng mga martsa ng sambayanan laban sa katiwalian, korupsiyon, panunupil at paglabag sa karapatang pantao.
Higit sa lahat, kasama si Dizon ng mga manggagawa at sambayanan sa pakikibaka para sa pambansang kalayaan, demokrasya at panlipunang pagbabago, ayon pa sa KMU.
“Sa kanyang walang sawa, matapang, mapanlikha at mabungang paglilingkod sa masa sa matagal na panahon, iniwan ni Fr. Joe ang pamana ng tunay na paglilingkod sa sambayanan. Ang maniningning na alaala ng kanyang pagiging rebolusyonaryo ang magbibigay inspirasyon sa masa na magpatuloy sa pakikibaka para sa panlipunang hustisya at kalayaan.” pahayag naman ni Luis Jalandoni, miyembro ng National Executive Committee ng rebolusyonarong grupong National Democratic Front (NDFP).
Kinilala ng NDFP ang malaking ambag ni Fr. Dizon sa kilusang pagbabago.
Sinabi ng grupo na bago pa ipataw ang batas militar, ilang lihim na personahe na kontra-Marcos ang kanyang kinupkop sa kanyang parokya.
“Alam ni Fr. Joe D na nasa undergound kami at lumalaban kay Marcos, pero hindi niya alam ang tunay na pagkatao namin. Ilang linggo niya kaming kinupkop, binigyan ng kuwarto para makapagtrabaho,” pagbabahagi naman ni Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).
“Nakaukit na ang pangalan ni Fr. Joe Dizon bilang bayani at martir ng sambayanang Pilipino, magsisilbi siyang inspirasyon sa mga susunod na salinahi upang ialay ang sarili nilang buhay para sa pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya at sa pakikibaka para wakasan ang pang-aapi at pagsasamantala,” pahayag naman ng PKP.
Sa ika-40 pagdiriwang ng kanyang pagkapari noong Oktubre 15, 2013, nawalan ng malay si Dizon habang nagsasalita sa harap ng mga kanyang mga parokyano, kapwa pari at ni Bishop Luis Antonio Tagle.
Pumanaw siya noong Nobyembre 5 dahil sa komplikasyon mula sa sakit na diabetes.
Sa naturang okasyon, hiniling pa umano niya na simpleng burol lamang ang ibigay sa kanya kung siya ay mamatay.
Kasalukuyang nakahimlay ang labi ni Dizon sa Imus Cathedral matapos siyang bigyang parangal ng mga manggagawa ng Cavite at nakatakdang ilibing sa Lunes.
No comments:
Post a Comment