Tuesday, January 21, 2014

Pinoy Weekly | Tula | Ano pa ba ang gusto n’yong laya?

Tanong at punang panghambalos ng mga alagad ng ipasistang impe sa mga bihag nilang mga bilanggong politikal. Tulang kinatha ng isang Consultant ng NDFP sa peace talk na ngayon ay political prisoner na kasalukuyang nakabilanggo sa PNP Custodial Center.

Alan Jazmines, Pintor, makata at Consultant ng NDFP saq usapasngh pangkapayapaan at political prisoner na iligal na detinido sa PNP Costudial Center 
Posted: 20 Jan 2014 06:38 AM PST
1
Ano pa ba ang gusto n’yong laya?
Lalong naghahangad kayo
ng higit pang laya,
lalong kailangan kayong igapos,
busalan, isaksak dyan
at ipwera lalo
sa ginugulo lang n’yong laya …

2
Kayong di mapatahimik
at may napakaraming angal
sa mga palakad,
di makuntento
sa ‘sang kahig, ‘sang tuka,
sa kahit anong buhay,
sa ano’ng andyan nang laya,
at kung anu-ano pa
ang hinahangad
lampas sa anumang meron
sa ginugulo lang n’yong laya …

3
Panay pa ang himok sa iba,
pulos pa patay-gutom
at hampas-lupa,
nagpaparami lang
ng may napakarami nang angal
at kailangan na ring igapos,
busalan, isaksak dyan
at ipwera lalo
sa ginugulo lang n’yong laya …

4
Sakit kayo sa ulo’t
delikadong kumalat
at magkalat pa,
mag-ingay at yumanig pang lalo
sa ginugulo lang n’yong laya …

5
Di lang katawan n’yo
ang kailangang harangin,
walang-tigil naming
pinagkukunutan ng noo
kung paanong mapakikitid pa
ang inyong mga galaw,
kung paanong mapipigilan pa
pati paglalarga
ng inyong mga isip, bibig, kamao,
at nang huwag nang
makadagdag pa
sa mga paghahangad,
pag-iingay,
pagyayanig
sa ginugulo lang n’yong laya …

6
Bawal na bawal
magpapasok
at magpalabas
ng anumang gagatong pa ng galit
sa kalagayan
at mga palakad,
lalo’t naghahangad kayo
ng higit pang laya
kung saan kayo isinaksak
at kung saan kayo
ipinupwera lalo
sa ginugulo lang n’yong laya …

7
Ngayong modernong panahong
dumaraming di na mapigilan
ng simpleng mga rehas na bakal,
alambreng tinik,
matataas na tore’t pader
sunud-sunod na tarangkahan
at mahihigpit na bantay,
maghahalughog at maghahalughog kami
sa kahahanap
sa mga katago-tago n’yong
makapagdurugtong pa
sa mga isip, mata, dila, kamao
makapananawagan
at makapaghahamon
ng higit pang laya
kung saan kayo isinaksak
at kung saan kayo
ipinupwera lalo
sa ginugulo lang n’yong laya …

8
Mainit din
ang aming mga mata, taynga, kamay
at mga aso
sa anupamang gamit n’yo
na makapagtitikatak,
makapaghuhugis
at makapagluluwal
ng mga titik, itsura, sigaw
sa gitna ng katahimikan …
kundi’y makapagpapalitan pa kayo
ng mga pang-akit,
panindak
at pangyanig
sa ginugulo lang n’yong laya …

9
Di magtatagal
ay mangungumpiska na rin kami
pati ng mga bolpen, lapis, pinta, papel
na dapat ay ipwera na
kung saan kayo isinaksak
at maipwera kayo lalo
sa ginugulo lang n’yong laya …

10
‘Wag na sanang umabot pa
na kailangang madamay pa
ang inyong mga dila, daliri
o anupamang kailangang pugutan,
dahil sa patuloy
na pakikipagpalitan pa n’yo
ng mga salita, likha, isip
sa ginugulo lang n’yong laya …

11
Paalala lang namin
na sa isang matagal nang paghahari,
di na kami nag-abala
na dumaan pa sa proseso
ng pangungumpiska pa muna
ng kanyang lumang pluma.
Simpleng ibiniyahe na lang namin
nang tuluyan
ang may hawak niyon
at iniwan iyong ulila
at nang mapigilan pa sana
ang sumisibol
na pag-aalsa noon
sa ginugulo lang nilang laya …

12
Ano pa ba ang gusto n’yong laya?
Sa panay n’yong panggugulo sa laya,
delikado kayo
na lalong mawalan pa ng laya,
lalo’t nagpaparami pa kayo
ng katulad n’yong
di napipigilang
mag-ingay,
manghamon,
mangyanig,
magbanta
ng higit pang laya
kung saan kayo isinaksak
at kung saan kayo naghahasik
ng ibayo pa ngayong pag-aalsa
sa ginugulo lang n’yong laya …

ALAN JAZMINES
PNP Custodial Center
Camp Crame
25 Pebrero 2012

Si Alan Jazmines ay konsultant ng National Democratic Front of the Philippines, pintor, at makata. Ilegal siyang inaresto noong Pebrero 14, 2011 at ngayo’y isang detenidong pulitikal na nakapiit sa Philippine National Police Custodial Center.

No comments:

Post a Comment