Thursday, January 2, 2014

Pinoy Weekly ! Natatanging Progresibo ng 2013


Posted: 01 Jan 2014 11:12 PM PST



Niyanig tayo ng samu’t saring pangyayari nitong nakaraang taon. May natural na mga kalamidad, pero mas marami ang gawa ng tao. O, mas tumpak, gawa ng mga namumuno. At ang mga mamamayan, ang iba’t ibang grupo at indibidwal, institusyon at personahe, rumesponde sa hamon. Noong 2013, masasabi nating sa kabila ng mga pagyanig, sa kabila ng ilang natural at maraming gawa-ng-tao na mga kalamidad, may Natatanging mga Progresibo na namuno sa pakikibaka ng mga mamamayan. Sa kanila ang pagkilalang ito, na ika-limang taon nang ginagawa ng Pinoy Weekly bawat katapusan ng taon (basahin ang pagkilala noong 2009, 2010, 2011 at 2012). Gayunman, habang kinikilala natin ang natatanging mga grupo, indibidwal, pagkilos o trend, taun-tao’y binabanggit din ng Pinoy Weekly na sa kahuli-hulihan, dapat kilalaning nasa malawak na bilang ng mga mamamayan ang pinakamataas na pagkilala. Sila ang siyang tunay na bayani ng kasaysayan, ang nagtutulak ng tunay na progresibong pagbabago sa bansa.
Natatanging Progresibong Kilos-Protesta


Dambuhalang protesta noong Hulyo 22, 2013, araw ng State of the Nation Address ni Aquino. (Darius Galang)

Naganap noong Hulyo 22, isa ito sa pinakamalaking kilos-protesta kontra sa kasalukuyang administrasyong Aquino. Ang protesta laban sa State of the Nation Address (SONA) ni Aquino rin, hanggang sa kasalukuyan, ang tinapatan ng pinakamabangis na pagsupil mula sa gobyerno. Ilang araw pa bago ang aktuwal na SONA ni Pangulong Aquino, pinalibutan na ng concertina wiresang kalsada ng Commonwealth. Umabot sa 6,000



Isa sa malubhang mga nasugatan, si Rudy del Rosario ng Selda. (Ilang-Ilang Quijano)

pulis ang dineploy mula sa iba’t ibang probinsiya para lamang bantayan ang protesta. Pero natuloy ang protesta, dumagsa sa lansangan ang mga mamamayan. At habang nagaganap ang talumpati ni Aquino, at sa kabila ng paggiit ng mga demonstrador na makalapit, hindi pa nga sa Batasan Pambansa, kundi kahit sa Sandiganbayan man lang, pinagpapalo ng mga pulis ang mga taong nagpoprotesta. Marami ang sugatan. Pero hindi natapos ang protesta. Naipamalas ang kawalan ng pagbabago sa ilalim ni Aquino kumpara sa ibang mga pangulo: Mabangis din, pasista rin. Napasubalian ang lahat ng sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati. Noong araw na iyon, habang hinahambalos ng mga pulis ang mga mamamayan na nagpoprotesta, nasa kalsada ang tunay na estado ng bayan.

Samantala, natatanging progresibong pagkilos din ang naganap noong Agosto 26, ang tinaguriang Million People March sa Luneta na pinasimulan ng ilang netizens at nilahukan ng espontayong publiko at organisadong mga sektor. Puntirya ng Million People March ang pagpresyur sa administrasyong Aquino na ibasura ang sistema ng pork barrel sa bansa. Tinatayang aabot sa pagitan ng 80,000 hanggang 100,000, sa pinaka-peak nito, ang naturang protesta ang pinakamalaking direktang pagkilos kontra sa administrasyong Aquino — aminin man ng mga nagpapakilalang organisador nito o hindi. Sa kabila ng deklarasyon ni Aquino na ibabasura ng kanyang administrasyon ang pork barrel, nanatili ito sa 2014 National Budget. Kalauna’y nailantad ang mas malaki at mas masahol pang porma ng pork barrel: ang Disbursement Acceleration Program, na pondong nasa direktang kontrol ng Pangulo.

Napakalaking mass action din (bagamat di direktang protesta) ang ginawang Yolanda relief missions ng mga organisasyong masa sa ilalim ng Bayanihan Alay sa Sambayanan (Balsa) ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). Tinatayang mahigit 10,000relief packs ang naipamahagi ng mga organisasyong masa sa Samar at Leyte. Nakapaglunsad din sila ng psycho-social therapy sa mga bata at biktima ng kalamidad. Pero higit pa rito, direkta nilang nakausap ang mga biktima at nalaman ang saklaw ng “kriminal na kapabayaan” ng administrasyong Aquino sa mga mamamayang sinalanta ni Yolanda.


Million People March sa Luneta noong Agosto 26: Makasaysayan. (Photo courtesy: Paulo Alcazaren, LIPAD Photography)

Honorable Mentions: Pagkilos ng mga manggagawa noong Mayo 1 at Nobyembre 30; Marso 8 protesta ng kababaihan sa kanilang araw; One Billion Rising na protesta kontra karahasan ng kababaihan sa porma ng sayaw.


Natatanging Progresibong Organisasyong Masa




Nanguna ang KMU sa mga lokal at pambansang laban ng mga manggagawa at mga mamamayan. (Pher Pasion/PW File Photo)

Pinangunahan ng sentro ng militanteng unyonismo sa bansa, ang Kilusang Mayo Uno (KMU), ang maraming pagkilos at kampanya hinggil sa lokal at pambansang mga isyu. Malaking suporta ito sa lokal na mga laban ng mga unyon ng mga manggagawa.

Sa Pentagon Steel Corp., halimbawa, patuloy ang pagpoprotesta ng mga manggagawa dahil sa anila’y ilegal na pagtanggal sa mahigit 140 manggagawa, matapos magprotesta sila sa di-magandang pagtrato sa kanila ng manedsment at kalagayan sa loob ng pagawaan sa Brgy. Apolonio Samson, Quezon City. Nananatili hanggang ngayon ang piketlayn ng mga manggagawa, at di-natigil ang pandarahas sa kanila. Noong Hulyo, isang security guard ng Pentagon ang namatay matapos iutos ng manedsment ang pananagasa sa piketlayn ng mga manggagawa. Pinagbabato rin ang mga manggagawa ng bato at bote na may muriatic acid. Sa kabila nito, nanatili ang militansiya nila. Sa pangunguna ng unyon at ng KMU, kabilang ang mga manggagawa ng Pentagon sa mga martsa, protesta at pagtatanghal, hindi lamang para igiit ang karapatan nila sa manedsment ng Pentagon, kundi para ipaglaban ang pangkalahatang hiling ng kilusang paggawa, mula sa makabuluhang dagdag-sahod, pagbasura sa polisiya ng kontraktuwalisasyon sa paggawa, pagtaas ng presyo ng langis, at iba pa. Samantala, suportado rin ng KMU ang iba pang lokal na laban ng mga manggagawa, tulad, halimbawa, ng matagumpay na welga ng mga manggagawa ng Coca-Cola na nagdulot sa total paralysis ng operasyon ng planta ng naturang multinational company sa Sta. Rosa, Laguna. Naghayag din ito ng suporta sa paglaban sa kontraktuwalisasyon ng mga manggagawa ng malaking estasyon ng telebisyon (TV-5).




Si Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU, sa pagtitipon ng mga kaanak at tagasuporta ng nakawelgang mga manggagawa sa Pentagon noong Disyembre. (Efren Ricalde)

Sa kabila nito, naging aktibo ang KMU sa pambansa at pampulitikang mga isyu. Sa kabila ng patuloy na pagtalikod ng kasalukuyang administrasyon sa panawagan para sa makabuluhang dagdag-sahod, ikinakampanya pa rin ng KMU ito sa pambansang saklaw. Aktibo rin ito sa paglalantad sa mga polisiyang kontra-paggawa at kontra-mamamayan ng administrasyong Aquino. Mula State of the Nation Address (SONA) ni Aquino, hanggang red letter days ng mga manggagawa na Mayo Uno at Nobyembre 30, at kahit sa panawagan para wakasan ang karahasan sa kababaihan at mga bata sa porma ng pagsayaw, nilahukan din ng KMU. Maingay itong nagprotesta kontra sa kutsabahan ng mga monopolyo ng langis para panatilihing mataas ang presyo nito. Nagsalita ito kontra sa mga demolisyon ng mga maralitang lungsod. At tumatak sa publiko ang pagbansag nito kay Aquino bilang “Pork Barrel King”, dahil sa patuloy na pagdepensa ni Aquino sa sistema ng lump sum appropriations ng gobyerno.

Honorable Mention: Gumuhit din sa publiko ang mga pahayag at protesta ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas kontra sa paggamit ng gobyerno sa pondo para sa mga magsasaka para sa pork barrel nito. Naging aktibo rin sila sa paggiit sa pamamahagi ng lupa sa Hacienda Luisita, gayundin sa paglaban sa pangangamkam sa lupa ng mga magsasaka sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Natatanging Progresibong Lider-Masa


Renato Reyes Jr. ng Bayan. (Mula sa kanyang Facebook account)

Bilang isa sa pangunahing mga lider-masa ng progresibong kilusan, kinatawan ni Renato Reyes Jr. ang mardyinalisadong mga sektor sa bansa. Mula noong panahon ng pagpapatalsik kay Joseph Estrada hanggang sa kasalukuyan, laman na ng mga balita si Reyes bilang artikulanteng tagapagsalita ng mga progresibo. Ngayong taon, muling pinangunahan ni Reyes, bilang pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), ang mga protesta at pagtitipon kontra sa pork barrel ni Pangulong Aquino. Sa pagbubuo ng #AbolishPork Barrel Movement at pakikipagkaisa sa iba pang pormasyon at personaheng kontra-pork, binigyan ni Reyes ng boses ang mayorya ng mga mamamayan na tutol sa pork barrel. Samantalang patuloy siyang sinasangguni ngmainstream media para sa pananaw at tindig ng progresibong kilusan hinggil sa mga isyung pambayan, aktibo rin si Reyes sasocial media para magsalita hinggil sa mga isyu ring ito. Matapos ang paghagupit ng bagyong Yolanda, pinangunahan ng Bayanihan Alay sa Sambayanan, o Balsa, na binuo ng Bayan, ang relief efforts ng iba’t ibang progresibong grupo para tumungo sa Samar at Leyte. Maliban sa pamamahagi ng libu-libong relief goods at pagbigay ng suportang psycho-social sa mga biktima ng bagyo, nasaksihan din nina Reyes ang epekto ng anila’y “kriminal na pagpapabaya” ng administrasyong Aquino sa mga biktima ng bagyo. Sa huling bahagi ng Disyembre, muling nanguna ang Bayan at si Reyes sa pagpapasimula ng people’s initiative kontra sapork barrel na unang iminungkahi ni dating Chief Justice Reynato Puno.




In Memoriam: Behn Cervantes

Honorable Mentions: Matapos ang tatlong termino sa Kamara bilang kinatawan ng Anakpawis Party-list, balik sa parlamento ng lansangan si Rafael Mariano Jr. Muli siyang nanguna sa mga kampanya ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas para sa tunay na reporma sa lupa, paglaban sa pangangamkam sa lupa, at iba pang isyu ng mga magsasaka, at pambansang mga isyu. Tumampok noong 2013 ang maraming isyung bumagabag sa mga maralitang lungsod tulad ng demolisyon. Nakilala rin sa publiko ang maraming lokal na mga lider-maralita na namuno rito. Si Estrelieta “Ka Inday” Bagasbas, na isa sa mga lider-maralita sa North Triangle, Quezon City, ang nagsilbing artikulanteng tagapagsalita ng mga maralita na tumututol sa demolisyon. Tumampok rin siya bilang boses ng maralita sa protestang Million People March sa Ayala noong Oktubre. Mayroon ding ibang lider-maralita, tulad ni Nancy Abarido ng Gabriela sa Brgy. Bagong Silangan, Quezon City na naging epektibong boses ng mga maralitang kababaihan. Marami pang katulad nila. Samantala, dahil sa pagkakasakit niya ngayong taon, mainam ding kilalanin ang mahabang paglilingkod sa progresibong kilusan, lalo na sa kilusan ng urban poor at kababaihan, ni Carmen “Nanay Mameng” Deunida.Huling nagsalita si Nanay Mameng sa protestang kontra-pork sa Luneta noong Setyembre 21.

IN MEMORIAM: Pinakamataas na pagpupugay naman ang ibinibigay natin kay Fr. Joe Dizon, beteranong aktibista, progresibong taong-simbahan at isa sa haligi ng progresibong kilusan. Binawian ng buhay si Fr. Dizon ngayong taon. Pero bago nito, muli pa niyang pinamunuan ang ilang pagtitipon at pagkilos kontra pork barrel. Pagkilala rin sa tinitingalang progresibong artista sa teatro, aktibista, at beterano ng Batas Militar na si Behn Cervantes, na pumanaw din ngayong taon.




In memoriam: Fr. Joe Dizon. (Macky Macaspac)


Natatanging Progresibong Alyansa



Barikada ng mga biktima ng bagyong Pablo sa pangunguna ng Barug Katawhan sa Montevista National Highway sa Compostela Valley. (People’s Lens)

Alyansa, hindi ng sikat na mga personahe, kundi ng ordinaryong mga mamamayang naging biktima ng bagyong Pablo (na humahupit sa Mindanao noong Disyembre 2012) ang Barug Katawhan. Sa ilalim ng naturang alyansa, mabilis na naipagkaisa ang mga biktima mula sa iba’t ibang bahagi ng apektadong mga lugar sa Mindanao. Sa harap ng pagpapabaya ng gobyerno (kahit na maraming relief goods ang Department of Social Welfare and Development), pinili ng mga mamamayan sa ilalim ng Barug Katawhan na kumilos noong Enero 2013: Inokupa nila ang malawak na Montevista National Highway sa Compostela Valley para igiit sa gobyerno ang nararapat na tulong sa kanila. Napilitang mangako si DSWD Sec. Dinky Soliman ng 10,000 sako ng bigas na nasa pang-iingat nila — bagay na di natupad ng naturang ahensiya hanggang sa kasalukuyan. Pinangunahan din ng Barug Katawhan ang anila’y “kumpiskasyon” ng mga bigas na itinatago ng DSWD sa kabila ng matinding gutom ng mga biktima ni Pablo. Noong Marso 4, pinaslang ng pinaghihinalaang mga militar ang isa sa lokal na mga lider ng Barug Katawhan — si Kagawad Cristina Jose ng Baganga, Davao Oriental.

Malawak namang alyansa kontra pork barrel ang naitayo ng iba’t ibang pambansang progresibong grupo sa pangunguna ng Bayan sa anyo ng #AbolishPork Barrel Movement. Bagamat espontayong protesta kontra sa pork ang Million People March noong simula, naging susi ang #AbolishPork para gawing mas konsistent ang mga protesta at pagpresyur sa administrasyon para ibasura ang pork barrel. Natipon nito ang iba’t ibang personahe at organisasyon, pangunahin sa mga protesta sa Luneta (Sept. 13Forward March at Sept. 21 Never Porkget). Nakiisa ito sa iba pang mga inisyatibo kontra sa pork, tulad ng protesta sa Ayala Avenue noong Oktubre. At nitong huli, pinangunahan ng #AbolishPork ang pagpapasimula ng people’s initiative para tuluyan nang mabasura ang anumang porma ng pork sa gobyerno.

Honorable Mentions: Malawak na pormasyon ng iba’t ibang grassroots organizations at personahe ang Task Force One Billion Rising. Samantala, naipagpatuloy naman sa taong 2013 ang paglaban sa Cybercrime Law na ayon sa mga kritiko’y lalabag sa pundemantal na mga karapatan ng mga mamamayan, lalo na mga gumagamit ng internet. Pinangunahan ang kampanyang ito ng malawak na alyansang #NotoCybercrimeLaw na nabuo pa noong 2012. May malaking potensiyal naman ang Tindog Network (Pinasimulan ng Bayan-NCR) para tipunin ang lahat ng naging biktima ng bagyong Yolanda para igiit sa pabayang gobyerno ang kanilang kahilingan at karapatan.


Natatanging Progresibong Desisyon, Polisiya o Rekomendasyon (sa loob) ng Gobyerno



Lokal na protesta sa Quezon City kontra sa dagdag-singil sa kuryente ng Meralco. (Macky Macaspac)

Inisyal na tagmpay ng malawak na kampanya kontra pork barrel ang pagdeklara ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) at bahagi ng Presidential Social Fund. Pero, tulad ng sabi ni Kabataan Rep. Terry Ridon, dulo ng iceberg pa lamang ito. Positibong hakbang ang isinagawa ng Korte Suprema, pero kailangang ipagpatuloy ang laban sa lansangan, sa korte, at maging sa people’s initiative. Samantala, nitong bago mag-Pasko, kinatigan din ng Korte Suprema ang progresibong mga mambabatas ng Makabayan sa paglabas ng temporary restraining order o TRO laban sa implementasyon ng Manila Electric Co. (Meralco) ng dagdag-singil sa kuryente. Malaking tagumpay ito na pinasimulan din ng mga protesta kontra sa mataas-na-ngang-paniningil ng kuryente ng Meralco at panukalang pagtaas ng PhP 4.15 per kilowatt hour na singil nito sa mga konsiyumer ng kuryente. Sa kabila nito, sinabi ng Makabayan na panimulang tagumpay pa lamang ito, hangga’t hindi permanenteng napipigilan ang pagpataw na matataas na singil sa mga yutilidad na matagal nang isinuko ng gobyerno sa pribadong mga kompanya.
Natatanging Progresibong Opisyal (o institusyon sa loob) ng Gobyerno

Dahil sa mga desisyong nabanggit sa itaas, kinikilala ngayon ang Korte Suprema bilang natatanging institusyon sa loob ng gobyerno na gumawa ng progresibong mga hakbang na kapapakinabangan ng maraming mamamayan.



Si Naderev Sano, sa isang COP 19 debfriefing sa Quezon City na pinangunahan ng Ibon International. (Photo courtesy: Ibon International)

Pero aaminin namin: nahirapan kami sa Pinoy Weekly na makakita ng progresibong opisyal na naging tampok ngayong taon. Isa sa iilang opisyal si Naderev Sano, ang komisyoner ng Climate Change Commission ng administrasyong Aquino, na nakilala sa mundo matapos muli siyang emosyonal na magtalumpati sa 19th Conference of the Parties to the United Nations Framework Convention on Climate Change (COP 19), o UN Climate Summit, sa Warsaw, Poland noong Nobyembre. Kabibisita lang sa Central Visayas ng bagyong Yolanda, ang pinakamalakas na bagyo na nag-landfall sa bansa. Di-bababa sa 4,000 ang nasawi. Sa naturang pagtitipon sa Warsaw, binibyang boses ni Sano ang hinagpis ng mga Pilipino matapos ang hagupit ni Yolanda, at ang pangangailangang panagutan ng industriyalisadong mga bansa ang paninira sa kalikasan na dinulot ng kanilang mga industriya at panghihimasok sa mahihirap na mga bansa. Sa Warsaw, nagdeklara siya ng hunger strike habang nagaganap ang COP 19. Samantala, may balitang hindi natuwa ang mga superyor niya sa administrasyong Aquino sa paninindigang ginawa niya sa COP 19.
Natatanging Progresibong Mambabatas

Sa taong 2013, lalong nalantad sa publiko ang reaksiyonaryong katangian ng Kongreso: mayorya sa mga mambabatas, kapwa sa Mababa at Mataas na Kapulungan, ang tutol sa pagbasura ng pork barrel na bahagi na ng patronage politics sa bansa. Ngayong taon, katulad ng nakaraang mga taon, pinangunahan ng progresibong mga mambabatas mula sa Makabayan ang pagpapahayag ng maka-mamamayang mga posisyon sa loob ng Kongreso. Isa sila sa pinakaunang tumindig kontra sa pork barrel bago pa man ang SONA ni Aquino noong Hulyo. Pinangunahan din ng Makabayan, na siya namang pinangunahan ng artikulanteng kinatawan ng Bayan Muna na si Neri Colmenares, ang pagkuwestiyon sa legalidad ng pagpataw ng mataas na dagdag-singil sa kuryente ng Meralco. Sa pagbukas ng Kongreso noong Hulyo, pinangunahan din nila ang pagsumite ng panukalang mga batas na tumutugon sa demokratikong mga panawagan ng mga mamamayan, tulad ng tunay na repormang agraryo, makabuluhang dagdag-sahod, at iba pa.


Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, sa piket sa harap ng Batasan Pambansa ng mga maralita at health workers noong budget deliberations. (Pher Pasion)

Miyembro ng Makabayan Bloc sa Kamara sina Colmenares at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, Gabriela Reps. Luzviminda Ilagan at Emmi de Jesus, Anakpawis Rep. Fernando Hicap, ACT Teachers Rep. Antonio Tinio atKabataan Rep. Terry Ridon.
Natatanging Progresibong Panukalang Batas

Kabilang sa progresibong mga panukalang batas ang House Bill 343 ng Makabayan na naglalayong magbigay ng exemption sa pagpataw ng Value-Added Tax o VAT sa kuryente, tubig at langis. Pahayag ng Makabayan, immediate relief sa kahirapan at walang habas na pagtaas ng presyo ng batayang mga bilihin ang pagtanggal ng VAT sa naturang mga yutilidad. Maituturing ding panukalang batas ang isinusulong na People’s Initiative kontra sa pork barrel. Tulad ng sinabi ni dating Chief Justice Reynato Puno, sa panahong hindi nagagawa ng mga mambabatas ang tungkulin nitong magmungkahi ng batas na kapapakinabangan ng sambayanan, tungkulin na ng publiko na magpanukala nito.
Natatanging Progresibong Midya



Sa larangan ng progresibong midya, isa sa mga tumampok sa taong 2013 ang online news site na Davao Today, na nakabase sa Davao City at pangunahing nagkokober ng mga mga isyung pambayan sa Mindanao. Mahusay na kinober ng Davao Today ang mga isyung bumagabag sa Mindanao nitong nakaraang taon mula sa perspektiba ng mardyinalisadong mga sektor, mula sa militarisasyon sa Davao Oriental, Surigao del Sur at iba pang probinsiya, hanggang sa labanan ng MNLF at mga tropa ng gobyerno sa Zamboanga, at epekto ng mga ito sa ordinaryong mga sibilyan. Samantala, kinikilala rin ng Pinoy Weekly ang pioneering work ng PinoyMedia 



Center (na siyang publisher din ngPinoy Weekly) sa paglabas ng web series na Eskinita, na tumatalakay ng tampok na mga isyu at katulad ang porma sa public affairs shows sa mainstream dominant na mga estasyon ng telebisyon. Bagamat pangunahing ibinobrodkas sa internet, nakakuha ng malaking odyens ang Eskinita sa mga komunidad ng maralita at screenings ng mga organisasyon ng iba’t ibang sektor. (Sa nakaraang apat na pagkilala ng Natatanging Progresibo, naging polisiya ng Pinoy Weekly ang hindi isama ang sarili at ang PMC sa mga nominado. Pero pinili naming gawing exemption ang Eskinita ngayong taon.) Panoorin ang tatlong unang episodeng Eskinita sa Youtube channel ng PMC.

Natatanging Progresibong Pagtatanghal

Maghimagsik!, ng Bonfacio 150 Committee at Kilusang Mayo Uno. (Macky Macaspac)Maghimagsik!, ng Bonfacio 150 Committee at Kilusang Mayo Uno. (Macky Macaspac)

Kulminasyon ng maraming buwan ng kampanya para sa pagpapalaganap ng diwa at mensahe ni Gat Andres Bonifacio sa kanyang ika-150 taong kapanganakan ang pagtatanghal na Maghimagsik! ng Bonifacio 150 Committee at KMU noong Disyembre 7 sa UP Theater, Quezon City. Dinirehe ni Bonifacio Ilagan mula sa iskrip nina Kerima Tariman at Ericson Acosta, kakaiba ito sa maraming iba pang pagtatanghal na gumugunita kay Bonifacio ngayong taon. Malinaw na ipinakita ng Maghimagsik! ang direktang ugnay ng lumang tipo ng pakikibaka ni Bonifacio sa bagong tipo ng rebolusyonaryong pakikibaka ngayon. Kaiba rin ang naturang pagtatanghal sa paglahok ng iba’t ibang sektor bilang tagapagtanghal — mga miyembro ng iba’t ibang sektor, mga manggagawa at miyembro ng iba’t ibang unyon.
Honorable Mentions: Ginanap sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas noong Pebrero 14 ang One Billion Rising, isang koordinadong kampanya kontra sa karahasan sa kababaihan na pinangunahan ng Gabriela at New Voice Company at isa ring pandaigdigang kampanya. Sa Morato Avenue, Quezon City, naganap ang pangunahing “rising” na nilahukan ng iba’t ibang personahe sa showbiz, teatro at progresibong kilusan. Mainam na kilalanin din ang pagtatanghal ng Lean ng UP Repertory Company sa UP Diliman na batay sa musical na sinulat ni Gary Granada. Ang naturang musical ay batay sa buhay at pakikibaka ng tanyag na lider-kabataan at lider-progresibo na si Lean Alejandro, na pinaslang ng pinaghihinalaang mga militar noong 1987. Itinanghal naman ng Dulaang UP ang “Teatro Porvenir: Ang Katangi-tanging Kasaysayan nina Andres Bonifacio, Macario Sakay, at Aurelio Tolentino sa Entablado” na isinulat ni Tim Dacanay at idinirehe ni Alexander Cortez.


1174876_631977793502820_1009806604_n 

Natatanging Progresibong Pelikula

Walang duda na natatanging progresibong pelikula nitong nakaraang taon ang The Guerrilla is a Poet na dinirehe nina Sari Dalena at Kiri Dalena. Mahusay ang pagkadirihe at sinematograpiya nito, habang may malinaw na simpatiya sa sabdyek ng pelikula. Nabigyan ng aura ng authenticity at relevance sa kasalukuyan ang pelikula sa paggamit ng mga panayam kina Jose Maria Sison, Juliet de Lima, at Bernabe Buscayno. Hindi tayo magdududang dakila ang ginawa nila, dakila ang ipinaglaban (at ipinaglalaban pa rin) nila, at may dahilan tayo para umasa sa mas malayang bukas.
Honorable Mentions: Simpatetiko at emosyonal ang pelikulang Burgos na dinirehe ni Joel Lamangan batay sa iskrip ni Ricky Lee, hinggil sa paghahanap ni Edith Burgos sa anak niyang si Jonas, na dinukot ng militar. Entertaining dahil sa paggamit ng pormang action flick ang pelikulang On the Job na dinirehe ni Erik Matti, pero may progresibong kritika ito sa pulitikang Pilipino. Gayundin ang pelikulang Metro Manila ni Sean Ellis, na bagamat noong simula’y maaaring maakusahang isa na namangpoverty porn ay naipakita naman ang simpatiya sa pobreng magsasakang karakter. Mahusay ang pagganap ni Angeli Bayani bilang dakila at marangal na domestic helper at yaya sa Singapore sa pelikulang Ilo Ilona dinirehe ng Singaporean filmmakerna si Anthony Chen.


Katrina Stuart SantiagoKatrina Stuart Santiago

Natatanging Progresibong Blogger

Marami ang sumusubaybay sa mga sulatin ni Katrina Stuart Santiago – sa kanyang mga rebyu at sulatin sa GMA News, sa bagong kolum niya sa Manila Times, at sa kanyang personal na blog na Radikalchick.com. Pero natatangi si Santiago sa maraming sikat na bloggers at manunulat sa online media sa kanyang progresibong tindig sa maraming usapin, mula sa mga isyu ng kababaihan hanggang sa pambansang pampulitikang isyu tulad ng pork barrel, mga kontrobersiyang kinasasangkutan ni Aquino, trahedyang dala ng Yolanda, at iba pa. Nakisimpatya siya sa mga maralitang tagalungsod na dinedemolis — isang tindig na di-popular sa marami sa middle class na natatangay ng propaganda ng gobyerno hinggil sa kanila. Mas kilala si Santiago bilangcultural writer. Pero sa online media, isa siya sa pinaka-artikulante at malupit na kritiko ng kasalukuyang administrasyon.

Honorable Mention: Matapos ang dalawang termino niya bilang kongresista ng Kabataan Party-list, lider-masa muli siRaymond “Mong” Palatino ng organisasyong masa, ngayon naman ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) – National Capital Region. Pero walang patid pa rin ang kanyang pagsusulat sa kanyang blog. Masipag at mahusay magsulat si Palatino, at sumasaklaw sa maraming pambansa at kahit pandaigdigang mga isyu. Siyempre, progresibo ang tindig niya. Simple, madaling maintindihan, pero seryoso at pormal. Samantala, mistulang mainit na tinapay na parating masarap kainin kapag mainit pa ang mga sulatin ni Tonyo Cruz sa kanyang blog. Napapanahon ang mga sulatin niya, at nagtutulak ng mga pagsusuri at paninindigan sa mga isyu na kagaganap pa lamang. Basahin, halimbawa, ang napapanahon niyang interbensiyon sa “hijackers” ng kilusangabolish pork barrel.

maita

Natatanging Progresibong Libro

Mahalaga sa mga progresibo ang pagpasa ng kaalaman at karanasan ng mga nauuna sa atin tungo sa mga mas nakababata. Kaya naman pana-panahon ang paglabas ng mga libro ngayon na nagkukuwento ng karanasan ng naunang mga progresibo. Isa na rito ang librong Maita: Remembering Ka DolorInedit ng mga kakontemporaryo ni Maita Gomez sa kilusang progresibo at kababaihan na sina Judy Taguiwalo at Elisa Tita Lubi, compilation ito ng mga sulatin hinggil sa isa sa pinaka-kilalang lider-progresibo ng nakaraang mga henerasyon. Kakaiba ang landas na tinahak ni Gomez mula buhay alta-sociedad tungo sa pagiging gerilya at aktibista. Bawat sanaysay sa libro’y mapupulutan ng aral hinggil sa buhay niya. Pero sa lahat, tumampok ang mahusay at sinserong parangal kay Gomez ng anak niyang si Michael Beltran, na isa na ring aktibista ngayon. Samantala, tour de forcenaman na maituturing ang inilabas na libro ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP), na Salita ng Sandata, koleksiyon ng mga sanaysay hinggil kay Andres Bonifacio at ang pagpapatuloy ng kanyang pakikibaka sa kasalukuyan. Inedit ito nina Bienvenido Lumbera, Rolando B. Tolentino, Judy Taguiwalo, Gonzalo Campoamor II at Gerry Lanuza.

Honorable Mentions: Nilabas din nitong Oktubre ang inaabangang salin ni Prop. Ramon “Bomen” 
Guillermo sa libro ng kritiko at pilosopong Aleman na si Walter Benjamin, ang Hinggil sa Konsepto ng Kasaysayan. Naglabas naman ng Mga Tulaang ama niya at isa sa pinakamahusay na makata at kritiko ng kilusang progresibo, si Gelacio Guillermo. Bagamat nasa piitan, nakapaglabas ng makabuluhang koleksiyon ng mga tula si Randy Vegas na pinamagatang Antolohiya: Makabayang Lingkod at iba pang mga TulaOrganisador si Vegas sa hanay ng mga kawani ng gobyerno na ilegal na nakapiit hanggang sa kasalukuyan kasama si Raul Camposano. Mabilis namang nakapaglabas ng antolohiya hinggil sa kalamidad na Yolanda ang progresibong manunulat at publisher na si Joel Garduce, pinamagatang Surges.

1482840_10151742782271010_1542570662_n


Natatanging Progresibong Sining-Biswal

Kaalinsabay ng ika-150 kaarawan ni Andres Bonifacio ang maraming sining-biswal — pinta, mural, lilok, installationmixed media – na pumaksa sa unang dakilang lider ng rebolusyong Pilipino. Marami rito ang ineksibit sa Cultural Center of the Philippines at University of the Philippines-Diliman. Mayroon ding nag-eksibit sa Manila City Hall, iba’t ibang eskuwelahan at komunidad. Ang kanilang likha ang natatanging progresibong sining-biswal sa 2013 — ang iba’t ibang hugis ni Bonifacio na nagpapakita ng iisang diwang palaban at makabayan. 

People's Global Camp kontra sa WTO, sa Bali, Indonesia. (Boy Bagwis)People’s Global Camp kontra sa WTO, sa Bali, Indonesia. (Boy Bagwis)

Natatanging Progresibong Pandaigdigang Pagtitipon

Hindi naganap sa Pilipinas, kundi sa nalalapit na bansang Indonesia, sa isla ng Bali, ang ika-siyam na ministerial meeting ng isa sa mga pangunahing instrumento ng neoliberal (imperyalista) na mga polisiyang pang-ekonomiya sa mundo, ang World Trade Organization (WTO). Dito rin ginanap ang alternatibong pandaigdigang pagtitipon na nagpapakita ng tunay na paghihirap ng, at pagsasamantala sa, mga mahihirap na mamamayan ng daigdig sa ilalim ng rehimen ng imperyalistang globalisasyon. TinaguriangPeople’s Global Campang naturang pagtitipon ay inisponsor ng Indonesian People’s Alliance (IPA). Pero maraming progresibong Pilipino ang dumalo. Kasama na rito ang mga lider-masa na sina Vencer Crisostomo, Elmer “Bong” Labog, Rafael Mariano, George San Mateo, Roman Polintan, Liza Maza, Joms Salvador, Rep. Emmi de Jesus, at iba pang kinatawan ng iba’t ibang organisasyong masa. Tumampok ang naturang pagtitipon bilang counterpoint ng ministerial meeting ng WTO. Naging lunsaran din ito ng mapapangahas na mga protesta, sa harap ng convention center kung saan naganap ang opisyal na pulong, at kahit sa loob mismo. Samantala, isang malaking pandaigdigang pagtitipon para sa karapatang pantao sa Pilipinas ang naganap 
na International Conference for Human Rights and Peace in the Philippines (ICHRP) noong Hulyo. Dinaluhan ng mahigit 200 human rights advocates mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo, tinalakay sa naturang kumperensiya ang lumalalang sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa, dayundin ang mga polisiyang neo-liberal na lalong nagpapahirap at nagsasamantala sa mayorya ng mga mamamayang Pilipino.


Si Mae Paner, a.k.a. Juana Change, na nakasuot ng kostyum na Darna, sa isang kilos-protesta sa harap ng Senado. (Pher Pasion)Si Mae Paner, a.k.a. Juana Change, na nakasuot ng kostyum na Darna, sa isang kilos-protesta sa harap ng Senado. (Pher Pasion)

Natatanging Progresibong Artista

Bagamat maraming progresibong artista ngayon, nakalaan ang kategoryang ito sa mga alagad ng sining na naging bahagi ngmainstream media o ng kulturang popular, pero piniling makibahagi o makianib sa mga pakikibakang masa. Tulad noong nakaraang taon, muling kinikilala natin ang paglahok ni Monique Wilson sa maraming isyung pambayan, mula sa paglaban sa karahasan sa kababaihan sa One Billion Rising hanggang sa pagtindig laban sa imperyalistang globalisasyon sa People’s Global Camp vs. WTO. Naging aktibo rin si Wilson sa pakikibakang kontra-pork barrel. Sa pakikibaka ring ito nakasama ng mga progresibo si Mae Paner, a.k.a. Juana Change. Naging malaking bahagi si Paner ng kilusang kontra-pork, at nanghimok pa ng maraming ibang artista para lumahok sa mga pagkilos hinggil sa isyu. Kasama si Paner sa maraming martsa-protesta. Peromemorable ang naging emosyonal na talumpati niya (“pipitpitin ko ang bayag mo!”) sa Million People March sa Ayala Avenue, Makati City hinggil sa bigong mga pangako ni Pangulong Aquino. Mainam ring kilalanin ang pakikilahok ni Monet Silvestrena nakilala bilang bahagi ng sikat na singing group na Tuxs pero ngayo’y isa sa pinaka-aktibong personahe sa kilusang kontra-pork.Sa huli, mainam na kilalanin rin ang pakikilahok ni Darryl Shy sa kilusang kontra-pork barrel. Lumahok at nagtanghal si Shy sa mga programa sa Luneta at Mendiola sa kabila ng pagiging busy niya bilang popular na contestant sa The Voice of the Philippines sa ABS-CBN-2.

Honorable Mentions: Mga artista at musikerong miyembro ng Artista Kontra Kurapsyon o Akksyon. Maraming musikero at artista ang natipon ng Akksyon para sa konsiyerto nito noong Setyembre 13, at sa iba pa nitong mga aktibidad.


Natatanging Progresibong Agaw-Eksena


Meme na kumalat sa social media matapos harangin ng Immigration si Thomas van Beersum. Meme na kumalat sa social media matapos harangin ng Bureau of Immigration sa NAIA si Thomas van Beersum.

Dutch na aktibista si Thomas van Beersum, at aktibong miyembro ng solidarity movement para sa Pilipinas sa kanilang bansa. Bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino, tumungo sa Pilipinas si Van Beersum para sa isang exposure trip dito. Naging bahagi rin siya ng International Conference for Human Rights and Peace in the Philippines (ICHRP). Dahil sa kanyang mga nasaksihan at narinig, mas lalong tumibay ang paninindigan niyang makiisa sa pakikibaka rito. Noong protesta kontra sa SONA, tiniyak ni Van Beersum na makarating sa harap ng protesta. Dito niya naranasan ang mismong pandarahas ng mga pulis. Sa pagitan ng dispersal, nakuhanan siya ng litrato at bidyo ng mga mamamahayag na kinagagalitan ang isang pulis. Napaiyak ang pulis na ito. Nang kumalat sa mainstream media at naging viral sa social media ang mga imahe, naging sabdyek si Van Beersum ng matinding paninira at bullying. Nang paalis na siya sa Pilipinas, hinarang siya sa airport ng Bureau of Immigration — para raw ideport. Sa kabila nito, patuloy na nagpapahayag si Van Beersum ng pakikiisa sa pakikibakang Pilipino. Isa siyang magandang halimbawa ng international solidarity sa pagitan ng aping mga mamamayan ng daigdig.

Honorable MentionsLightning rally ng mga kabataang aktibista kontra sa presidential pork sa 2014 badyet.Lightning rally ng kababaihan ng Gabriela sa harap ng Gate 7 ng Malakanyang noong Marso 7, bisperas ng International Women’s Day, para iprotesta ang pagpapabaya umano ng gobyerno sa mga Pilipino na nadamay sa marahas na crackdown sa Sabah, Malaysia noong panahong iyon.


No comments:

Post a Comment