Posted: 27 Jan 2014 10:50 AM PST
Barikada ng mga residente ng San Roque sa Agham Road, bago ang pananalakay ng mga pulis sa kanilang mga bahay. Defend Jobs Philippines
Muling nilabanan ng mga maralitang residente ng Bgy. San Roque, North Triangle, Quezon City ang pagdemolis ng gobyerno sa kanilang mga bahay.Para maituloy ang demolisyon, ginamitan ang mga maralita ng “sobrang puwersa” (“excessive force”) ng aabot sa 1,000 pulis, mga miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) at demolition teams ng lokal na pamahalaan at National Housing Authority (NHA). Umabot sa 14 ang inaresto at maraming sugatan sa mga lumabang residente sa pagsalakay ng mga pulis gamit ang shield, pamalo, bato at tear gas. Maraming nasaktan Iniulat ng alternatibong midya na Bulatlat.com na dalawang wave na sinalakay ng mga pulis ang barikada ng mga residente — alas-8:30 ng umaga at alas-12:30 ng hapon. Maraming residente umano ang kinaladkad pa ng ng mga pulis papalabas ng kanilang mga bahay. Alas-2 ng hapon, nagbato ng tear gas ang mga pulis sa mga nakabarikadang residente at kabahayan. Rumesponde ang mga residente sa pamamagitan ng pagbato ng bote at bato sa direksiyon ng mga pulis. Nagpaputok din umano ng warning shots ang mga pulis. Kabilang sa mga sugatan ang lokal na lider ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa Bgy. San Roque na si Estelita Bagasbas, na umano’y nawalan ng malay sa gitna ng pagsalakay ng mga pulis. Maraming bata rin ang naiulat na nasaktan at nagreklamo ng paninikit ng dibdib dahil sa usok mula sa tear gas. Kabilang dito ang isang dalawang buwang sanggol na itinakbo sa ospital, ayon sa Kadamay. Hinuli ng mga pulis ang nagsibarikadang mga residente na sina Rosalino Castro, Ricky Ho, Gilbert DeSilva, Donald Yungson, Harly Largo, Carlito Istapia, Jasper Rafael, Jhoross Roman, Rodolfo Pisante, Jay-ar Reyes, Alex Liparep, Junior Mangaraig, at Richard Chiong. ‘Walang awa’ “Kinokondena namin ang paggamit ng sobrang puwersa laban sa mahihirap nating mga kababayan na lumalaban sa demolisyon ng kanilang mga bahay,” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno o KMU. Sinabi pa ni Labog na may karapatan ang mga maralita na ipagtanggol ang kanilang mga karapatang labanan ang pagdemolis sa kanilang komunidad. Sinabi ni Labog na habang mabilis na “magresponde” ang pulisya sa pagdedemolis ng mga bahay ng mga maralita, mabagal naman daw itong magsagawa ng relief and rescue operations sa mga maralitang nasasalanta ng bagyo, tulad ng mga nabiktima ng bagyong Yolanda (Haiyan) sa Eastern Visayas. “Lumalabas na walang pinakita (ang mga pulis) ni katiting na humanity sa pagdemolis nito ng mga bahay,” pahayag ni Kabataan Rep. Terry Ridon, sa wikang Ingles. Sinabi ni Ridon na sa gitna pa nga ng demolisyon, humiling ang mga residente sa mga pulis na makipagdiyalogo sa kanila, pero hindi sila pinakinggan ng mga pulis. Maliban sa “sobrang pandarahas,” inirereklamo rin ng mga residente ang anila’y “patraydor” na pagdemolis ng mga pulis at demolition teams: ang paggamit ng “expired” na Notice of Demolition na inilabas pa noong Setyembre 2013, at di-pagprisinta ng ano mang court order bilang batayan ng demolisyon, sang-ayon sa Urban Development and Housing Act of 1992. Nakasaad sa naturang “expired‘ na notisya na magsasagawa ang gobyerno ng pagdemolis dahil sa pinaplanong road widening umano sa Agham Road. Walang demolition order. Walang diyalogo. Purong pandarahas lang. At nagawa pa ng pulis na manghuli ng naharas na ngang mga residente. Ito ang impunity (o kawalan ng pananagutan), ito ang kawalan-ng-hustisya,” sabi pa ni Ridon.
Paano na sila? Personal na mga gamit ng mga residente ng San Roque, sa harap ng tanggapan ng Ombudsman matapos ang demolisyon. Defend Jobs Philippines
Para sa negosyoPero giit ng mga residente, bahagi ang pinakahuling demolisyon ng matagal nang plano ng lokal na gobyerno at NHA na pagpapalayas sa kanila para sa implementasyon ng Quezon City Central Business District o QCCBD. Nakasaad sa planong ito ang pagpapaupa ng mga lupa ng gobyerno sa North Triangle–kabilang ang kinatitirikan ng mga residente ng San Roque at karatig na mga barangay–sa malalaking kompanya tulad ng Ayala Land para tayuan ng mga commercial complex, shopping malls, komersiyal na mga opisina at iba pa. Sinabi ni Ridon na itutulak ng Makabayan Bloc, bloke ng progresibong mga mambabatas sa Kamara, ang congressional investigation hinggil sa naturang demolisyon. “Patuloy ang demolisyon na nagpapatuloy ang giyera ng gobyernong Aquino kontra sa maralitang lungsod. Muli, pinakita ni Pang. Noynoy Aquino na ang mga boss niya ay ang malalaking kapitalista tulad ng mga Ayala at wala siyang pandama sa sitwasyon ng maralitang lungsod,” sabi ni Labog. Citizen video ng pananakit ng mga pulis sa mga residente, mula sa Defend Jobs Philippines: |
Monday, January 27, 2014
Pinoy Weekly | Kabahayan ng maralita sa North Triangle dinemolis, mga residente patuloy na lumaban
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment