Thursday, January 16, 2014

Pinoy Weekly | Polisiyang pampangisdaan ng Tsina sa West PH Sea kinondena


Posted: 15 Jan 2014 06:37 PM PST

Mapa ng South China Sea o West Philippine Sea. (Wikimedia Commons)Mapa ng South China Sea o West Philippine Sea. (Wikimedia Commons)


Kinondena ng isang grupong maka-kalikasan ang bagong polisiya ng Tsina na nagdidikta sa mga dayuhang sasakyang pampangisdaan na kumuha ng pagsang-ayon mula sa kanilang awtoridad bago mamalakaya sa West Philippine Sea.

Ayon kay Leon Dulce, campaign coordinator ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE), ang bagong polisiya ng Tsina ang pinakahuling panghihimasok nito na lumalapastangan sa integridad ng teritoryo ng Pilipinas at iba pang umaangkin sa West PH Sea.

“Hindi lamang paiigtingin ng polisiyang ito ang tensyon kundi lalo pang magpapalala sa pandarambong sa rekurso at manghihikayat pa ng puwersang pulitiko-militar tulad ng United States sa karagatan ng Silangang Asya,” ani Dulce.

Nagmungkahi ang grupo sa lahat ng sangkot na mapayapang magkasundo sa isang“multilateral biodiversity pact” na magbibigay ng daan sa mga bansa para pamahalaan ang rekurso at kalikasan sa pinagtatalunang katubigan.

Binigyang-diin pa ng Kalikasan-PNE na ang lahat ng mga bansang sangkot sa isyu ay pumirma sa 1992 United Nations Convention on Biological Diversity, isang kasunduang naglalayon na pangalagaan ang kalikasan, sustenabaleng paggamit dito at patas na hatian ng benispisyo mula sa likas nitong yaman.

Kabilang sa mga dapat lamanin ng mungkahing kasunduan ang mga probisyong tulad ng pagkakaroon ng gabay sa matalinong paggamit at hatian ng rekurso, deklarasyon ng tiyak na mga erya bilang “marine protected areas” na nakabatay sa masusing syentipikong pagtataya, pagpapaalis ng mga militar at pagbubuo ng kinatawan na binubuo ng lahat ng bansang sangkot para buuin, ipasa at ipatupad ang naturang kasunduan.

“Ang gobyerno ng mga bansang ito ang dapat manguna sa pagtutulak ng ‘biodiversity pact’ sa UN Biodiversity Convention. Ang kasalukuyang pakikipagmatigasan na isinusulong ni Pangulong Aquino ay hindi tumutugon at nagpapalala pa sa matagal nang pagwasak ng kalikasan sa erya dulot ng ilegal na pangingisda, polusyon at mapangwasak na ehersisyong militar-pandagat,” ani Dulce.

Walang silbi ang West PH Sea sa alinmang bansang umaangkin dito kapag ito wasak na kaya kailangan ang kooperasyon ng lahat ng sangkot para sa sustenableng pamamahala sa mahahalagang likas na yamang ito, sabi pa ni Dulce.
Para sa Kalikasan-PNE, ito ang pinakagamandang pagkakataon para mapayapang resolbahin ang pagtatalo sa West PH Sea para maiwasan ang paghihikayat ng interbensyong militar ng US, tulad ng ginawa ni Pangulong Aquino sa nakaraan.

“Ang paglaki ng puwersang militar ng US sa erya ay hindi lamang nagbabadya ng panganib sa ating kalikasan, kundi napapaalab sa agresyon ng Tsina, na magdudulot din sa huli sa pagkawasak ng kalikasan,” pagwawakas ni Dulce.


No comments:

Post a Comment