Posted: 13 Jan 2014 10:49 PM PST
Kinondena ng Kabataan ang kawalang ng malinaw na aksyon ng gobyernong Aquino para mga biktima ng bagyong Yolanda. (Pher Pasion)
Kinondena ng grupo ng militanteng kabataan ang anila’y kawalan ng malinaw na aksiyon ng administrasyong Aquino para sa mga biktima ng bagyong Yolanda na nanalasa sa Eastern Visayas mahigit dalawang buwan na ang nakararaan.“Hanggang ngayon, wala pa ring malinaw at pangmatagalang plano o aksiyon ang gobyerno para tulungan ang mga biktima ng bagyong Yolanda. Pati ang mga pansamantalang silungan para sa mga biktima pinakakitaan pa,” ayon kay Mon Paolo Palaganas, secretary-general ng Kabataan Party-list-Manila.
Ayon kay Palaganas, inaasahan pa nila ang paglitaw ng iba’t ibang isyu ng korupsiyon kaugnay ng bagyong Yolanda.
Sa kabila ng maraming tulong na bumuhos mula sa iba’t ibang sektor (pribado, simbahan, midya at maging internasyunal) hindi pa rin lubusang nararamdaman ng mga biktima ang tulong ng gobyerno. Marami umano ang nagtatanong kung nasaan ang mga tulong at pondo para sa mga nasalanta.
Sabi pa ng naturang lider-kabataan na wala ring malinaw na plano ang gobyerno para sa mga titira sa temporary shelters pagkatapos dahil pansamantala lamang ang mga ito at hindi na umano sila pababalikin sa coastal areas.
Pagkundena ng Kabataan sa paanan ng Mendiola sa kapabayaan umano ng gobyernong Aquino para sa mga biktima ng bagyong Yolanda. (Pher Pasion)
Ayon naman kay Jonas Aclado, nakaligtas sa bagyo mula sa Catbalogan, Samar atcoordinator ng Tulong Kabataan, organisasyon ng mga kabataan na tumutulong sa mga nagiging biktima ng sakuna, hindi totoo na nagiging normal na muli ang takbo ng buhay ng mga mamamayan na nasalanta ng bagyo mula sa kanilang pag-iikot.“Hanggang ngayon hindi pa rin nila naililibing ang mga na-recover na mga bangkay. Masakit para sa amin na makita na naaagnas na lamang ang mga mahal namin sa buhay na kahit ilibing na lamang nila sa mass grave ay hindi pa rin nila nagagawa,” ayon kay Aclado, na nasawi ang ina dulot dahil sa bagyo.
Aniya, hanggang ngayon’y patuloy pa ring nakakarekober ng mga bangkay sa mga nasalantang lugar at nanatiling marumi ang mga lugar na nasalanta na nagbibigay peligro sa kalusugan ng mga tao.
“Kung titignan, downtown lang halos ang nalinis nila. Pero kung makikita mo sa labas ng Tacloban, kabundok pa rin ang itimambak na basura. Tapos yung mga temporary shelter ng mga tao tulad sa Palo, mga tent lang,” ayon kay Aclado.
Dagdag pa n Aclado nagiging madalang na rin ang pagdating ng relief goods mula sa gobyerno dahil umano mayroon namang tumutulong na pribadong mga indibidwal sa mga nasalanta. Ginagawa umano itong rason ng gobyerno at kung hindi malakas ang isang pulitiko o hindi kapartido hindi agad nakakakuha ng tulong.
Ayon naman kay Ermita Padulyon, 54, taga-Giporlos, Eastern Samar at nakaligtas sa bagyo, hindi na tulad ng dati ang natatanggap na tulong ng mga tao sa mga nasalantang lugar. Halos dalawa hanggang tatlong beses na lamang sa isang linggo kung dumating ang tulong.
Nagpapabalik-balik umano si Ermita at tatlo pa niyang kasamahan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa tulong sa pamasahe pabalik ng Samar pero wala umanong malinaw na tugon sa kanila ang nasabing ahensya.
“Na-interview kami noong sabado sabi sa lunes. Ngayon naman pinababalik na naman kami dahil wala pa daw. Kapag may natanggap na daw kaming text sa kanila, ibig sabihin may tiket na daw kami. Ang dami pa kasing hinihingi sa amin na papeles at ID eh wala nga kaming naisalba. Sumakay lang kami sa C130,” ayon kay Nancy Lagramada, 34, mula sa Guiuan, Eastern Samar na kasamahan din ni Ermita.
Anila, hindi sila naniniwala sa ipinalalabas sa telebisyon na puro lamang nakatuon sa Tacloban dahil marami pa rin sa kanilang mga kakilala sa Eastern Samar ang hindi pa rin lubusang natutulungan ng gobyerno.
No comments:
Post a Comment