Sunday, January 12, 2014

Pinoy Weekly | Matino Ba Ang Tri-Media?


Posted: 11 Jan 2014 07:21 PM PST


Kalimitan, nakakaalibadbad at nakasusuka nang manood ng lokal na mga programa sa telebisyon.  Nakasasawa na ang santambak na mga kahangalan at kabalbalan.  Hindi na kailangang banggitin pa ang mga programang iyon; buksan na lamang ang lokal na mga estasyon at mapatutunayan ang tawag ni McLuhan na isang “idiot box” ang telebisyon.  Nariyan ang mga drama ng iyakan at sigawan na inaagusan ng balun-balong luha ng kapighatian; nariyan ang mga telenobela ng malalapot na paglalambingan at nanggigitatang pag-iibigan kasama na ang dayuhang mga dramang pinamamayanihan ng de kahong mga paksang pobreng lalaki at mayamang babae o maralitang dalaga at mayamang binata; nariyan ang mga pantasiya’t kababalaghan na namumutiktik sa mga drakula at aswang; nariyan din ang walang humpay na sayawan at awitan at kung anu-anong palarong ginagago ang mga kalahok na naglalaway sa premyong pera bunga ng malupit na karalitaan.  Kung wala marahil ang mga programa sa balita (puwera ang mga estasyon ng gobyerno na batbat ng propaganda’t kasinungalingan), maaari nang pagdurug-durugin at itapon sa basurahan, gaya ng naghambalang na mga babasahing komersiyal, ang bawat telebisyon sa buong bansa.

Malabong anino ang reyalidad sa nabanggit na mga palabas.  Malinaw na lantarang inilalayo sa katotohanan ang sambayanan at isinasalaksak sa kanilang kaisipan ang iba’t ibang ilusyon upang patuloy silang maaliw at makalimutan ang nagdudumilat na mga dahilan ng kanilang karalitaan, kaapihan at kabusabusan.  Sa layuning hindi mamulat, magalit at maghimagsik ang sambayanan laban sa uring mapagsamantala,  pilit na itatago ng ilang makapangyarihan, maimpluwensiya’t mayamang mga diyus-diyosan satri-media (radyo, telebisyon at babasahin) ang naghuhumindig na mga katotohanang magpapalaya sa mga mamamayan sa kamulalaan at, di nga kasi, maaari ding magwasak sa nakasusulukasok na pambansang kalagayan.


Sino nga ba ang kumukontrol sa tri-media?

Ilang mayamang pamilya lamang, kasama na ang tuso’t negosyanteng mga pulitiko — maliban marahil sa tagapaglathala ng PINOY WEEKLY — ang batbat ng impluwensiya’t kapangyarihan at nagmamay-ari ng pangunahing mga publikasyon at mga estasyon ng radyo’t telebisyon.  Natural, upang mapangalagaan ang mapandambong nilang mga interes — lalo na ang imperyo ng kanilang nagkalat na mga negosyo — pakikialaman at pakikialaman nila’t didiktahan ang kanilang mga publikasyon at estasyon at, higit pang masama, walang habas nilang pilit na inililigaw ang damdaming-bayan o opinyon publiko, binabaluktot  nila’t  pinaglalaruan ang katotohanan upang manatiling gago’t bulag ang sambayanan.

Ipahihintulot kaya ng isang asendero, kung gayon, na ilathala sa kanyang magasin o ibalita sa kanyang peryodiko kung paano siya nangamkam ng mga lupain o kung paano niya sinasalaula ang batas sa reporma sa lupa?  Maglalathala kaya siya ng mga kuwento o nobela, drama o tula, tungkol sa kasuwapangan at kawalanghiyaan ng mga propiyetaryo o katusuhan ng mga asendero, at kung paano nila patuloy na pinagsasamantalahan, inaalipin at binubusabos ang kanilang mga magsasaka?

Ipalalabas kaya ng ganid na kapitalista sa estasyon ng kanyang telebisyon kung paano niya kinakatas sa kanyang pabrika’t korporasyon ang pawis at dugo ng kanyang mga trabahador upang magkamal lamang siya ng limpak-limpak na tubo?  Papayagan kaya niyang ibandila sa mga programa sa kanyang estasyon na mag-organisa ang mga manggagawa, magsipagtayo ng unyon, ipaglaban ang kanilang lehitimong mga karapatan at magwelga kung nagbibingi-bingihan sa kanilang mga karaingan ang salanggapang na kapitalista?
Ipahihintulot kaya ng bastardong pulitiko na ibalita sa estasyon ng radyong kontrolado niya kung paano siya nandaya sa eleksiyon, kung paano siya namili ng boto, kung magkano ang kinulimbat niya sa pondo ng bayan, kung magkano din ang tinanggap niya mula sa sindikato ng ilegal na sugal at droga, at kung sinu-sino din ang kanyang ipinapatay lalo na ang mga kalaban niya sa pulitika, bukod sa mahihigpit niyang kritiko?

Sabagay, hindi na dapat ipagtaka, sa prinsipyo ng mga diyus-diyosan at basalyos ng masusugid na tagapagtanggol ng bulok na status quo, makatuwiran nga lamang na baluktutin nila ang lahat mapangalagaan lamang ang kanilang impluwensiya, pribilehiyo’t kapangyarihan.  Batay sa kanilang pagmamaniobra at makasariling interpretasyon ng mga bagay-bagay, ang totoo’y puwedeng maging kasinungalingan o puwedeng maging kabulaanan ang lantay na katotohanan.


Alin nga ba ang totoo pa sa mga babasahin at sa mga programa sa radyo’t telebisyon?

Sinalakay pa nga ang tri-media ng isa pang matinding ilusyon — ang naghambalang ngayon na iba’t ibang sektang panrelihiyon. Sa telebisyon na lamang, may misa kung Linggo sa iba’t ibang estasyon.  Malaking oras ang nilalamon ng iba’t ibang grupong relihiyoso na patuloy na  nagsisiraan, nagpapaligsahan, nagpapagalingan at nang-aakit ng posibleng mga miyembro.  May pakulo ang El Shaddai, may karnabal ang JIL (Jesus Is Lord), may sarsuwela ang INC (Iglesia ni Cristo), may pasiklab ang Dating Daan.  Bukod pa ang mga nabanggit sa naghambalang na mga pastor at ministro na nagdudumakdak sa mga estasyon sa radyo man o telebisyon na para bang mga henyo sa Bibliya at tanging may karapatang mangalandakan kung ano ang tamang interpretasyon ng sinasabing “banal na mga salita” ng itinuturing nilang Diyos.

Lumilitaw tuloy na sa sinasabi nilang kalangitan — saanman iyon — may kani-kanila na silang esklusibong subdibisyon para sa nananampalataya nilang mga kampon.

Sa kasalukuyan tuloy, waring isang damong sumibol sa disyerto ang magkaroon sa tri-media ng mga babasahin at programa sa radyo’t telebisyon na matapat na tagapaglarawan ng reyalidad o tagapagbandila kaya ng mapagmulat at mapagpalayang katotohanan.  Kung mayroon man, pasaglit-saglit lamang ang buhay nito at, kalimitan, agad na naghihingalo.  Natural, wawasakin at dudurugin ng uring naghahari-harian sa lipunan at namumunini sa tiwaling establisimiyento ang anumang daluyan ng matino, makatotohanan, mapagmulat at mapagpalayang mga kaisipan.  Wala na nga yatang puwang ang katinuan sa Republika ng mga Ilusyon.


No comments:

Post a Comment