Saturday, January 25, 2014

Pinoy Weekly | Pagpaslang sa mga mamamahayag sa ilalim ni Aquino, pinuna ng Human Rights Watch


by Pher Pasion

Martsa patungong Mendiola sa ika-apat na taong anibersaryo ng Ampatuan masaker.Jaze Marco

Bigo ang gobyerno ng Pilipinas na sundan ng makabuluhang aksiyon ang retorika nitong pagsuporta sa karapatang pantao at pagwakas sa impunity, o kawalang pakundangan.

Sa World Report 2014 ng pandaigdigang grupong pangkarapatang pantao na Human Rights Watch (HRW) na inilabas kamakailan, sinabi nitong repleksiyon ng pagtaas ng bilang ng pinatay na mga mamamahayag ang di-mabisang pagprotekta ng administrasyong Aquino sa karapatang pantao sa Pilipinas.

Sa tala ng HRW, 12 mamamahayag na pinaslang noong 2013. Nasa 26 ang pinaslang na mga mamamahayag at manggagawa sa midya mula nang manungkulan si Benigno Aquino III bilang presidente noong Hunyo 2010. Sa 24 na naitalang kaso, anim lamang ang naaresto ng pulisya.

“The body count of Filipino journalists speaks volumes for the wide gap between the Aquino government’s rhetoric in addressing rights problems and the reality on the ground,” ayon kay Phelim Kine Phelim, deputy Asia director ng HRW.

Sa tala naman Center for Media Freedom and Responsibility o CMFR, sa 209 na pinaslang na mga Pilipinong mamamahayag at manggagawa sa midya, nasa 139 ang may kaugnayan sa kanilang propesyon mula 1986 (nasa 21 ang nasa ilalim ni Aquino).

Noong Mayo 2013, naitala ng Committee to Protect Journalists o CPJ ang Pilipinas bilang pangatlo sa “pinakamapanganib na bansa para sa mga mamamahayag,” sumunod sa Iraq at Somalia.

Pinalala ng pagkabigo ng gobyerno na panagutin ang mga responsable sa pagpatay sa mga mamamahayag ang sitwasyon ng walang katarungan sa Pilipinas, ayon sa HRW.

Sa datos ng grupo, nasa dalawang kaso lamang umano ang nagawa ng gobyerno na mapakulong ang mga maysala. Ito ang mga kaso ng pagpatay kay Gerry Ortega noong January 24, 2011 at kay Rowell Endrinal noong February 11, 2004. Pero pinaghahanap pa rin ang mga mastermind sa dalawang kasong nabanggit.

Gayunpaman, sa kabila nito, umusad din umano ang ilang kaso ng kawalang katarungan. Noong Oktobre 2013, sumuko sa korte ng Maynila si Maj. Harry Baliaga, Jr. ng Philippine Army bilang pangunahing suspek sa pagdukot sa aktibistang si Jonas Burgos noong April 2007.

Nanatili namang di-aktibo noong 2013 ang pinagmamalaking “inisyatiba” ng gobyerno para tugunan ang kawalang katarungan: ang “superbody” na tinatag noong 2012 para umano pabilisin ang imbestigasyon at persekusyon ng mga kaso ng pampulitikang pamamaslang, ayon sa HRW.

“The Aquino administration has said all the right things about ending abuses in the Philippines, but what’s missing is the political will to translate those promises into action,” ayon kay Kine.-


 See more at: http://pinoyweekly.org/new/2014/01/pagpaslang-sa-mga-mamamahayag-sa-ilalim-ni-aquino-pinuna-ng-human-rights-watch/#sthash.xQqG51Pb

No comments:

Post a Comment