Posted: 30 Nov 2013 09:51 PM PST
Nagmartsa ang iba’t-ibang progresibong grupo bilang paggunita sa ika-150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio. (Macky Macaspac)
Libu-libong manggagawa, magsasaka at iba pang sektor ng lipunan ang nagprotesta noong Nobyembre 30, bilang paggunita sa ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio, ang Supremo ng Kagalang-galangan, Kataas-taasang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK).
Sa Kamaynilaan, nagdaos ng programa ang iba’t ibang sektor sa Welcome Rotonda sa Quezon City at sa Liwasang Bonifacio sa Maynila bago tumulak patungo sa Mendiola.
Paggunita sa laban ni Bonifacio
Isang daan at limampung taon ang nagdaan matapos ang Himagsikan ng 1896, naniniwala ang mga nagprotesta na hindi pa tapos ang laban na sinimulan ng Supremo. Ang himagsikan laban sa dayuhang kontrol, pyudalismo at paghahari ng iilan sa pamahalaan ay nariyan pa rin.
Ayon kay Bong Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU), nagprotesta ang mga manggagawa dahil ang pinakamagandang paraan sa paggunita sa kaarawan ni Bonifacio ay labanan ang isang rehimen na laging inuuna ang interes nito kaysa sa kapakanan ng mga Pilipino.
Sa panayam ng Pinoy Weekly, sinabi ni Labog na kasama sa kanilang protesta ang hindi makabuluhang pagtugon ng gobyerno sa naganap na pananalasa ng bagyong Yolanda.
“Napakaraming kababayan natin ang namatay, 5,000 mahigit sa kasalukuyan, at mukhang madadagdagan pa. At hindi talaga epektibo ang pamimigay ng relief assistance. Ito yung tinutuligsa ng mga raliyista ngayong hapon na ito mula sa Liwasang Bonifacio, Welcome Rotonda, sa harap ng UST at ngayon sa Mendiola,” paliwanag ni Labog.
Sinabi pa ng lider-manggagawa na bahagi ito sa pagsasabuhay sa makabayan, matapang at anti-kolonyal na paninidigang rebolusyonaryo ni Gat Andres Bonifacio.
“Kaya nagpapatuloy ang laban na ito sa pagsasamantala ng imperyalismo, matinding pyudalismo at burukarata-kapitalismo sa ating bayan. Ito pa rin yung batayang suliranin ng mga mamamayan na inumpisahan ni Bonifacio. Ibig lang sabihin nito na hindi pa lubos na malaya ang ating Inang Bayan, sabi pa ni Labog.
Idinagdag ni Labog na ang kasalukuyang rehimeng US-Aquino ay hindi talaga tumutugon sa mga batayang serbisyo at pangangailangan ng mga sektor ng bayan. Kaya ang mga ganitong kilos protesta ay magpapatuloy — hindi ito ang katapusan ng mga pagtitipun-tipon ng iba’t ibang sektor — kundi magiging tuloy-tuloy at magsisilbing inspirasyon ang diwa ni Andres Bonifacio hanggang sa makamit ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya, aniya.
“Kung buhay si Bonifacio, tiyak na maghihimagsik din siya sa ganitong kalagayan,” sabi ni Labog.
Para naman kay Rep. Fernando Hicap ng Anakpawis party-list, napakahalagang gunitain ang kaarawan ni Andres Bonifacio para sa mga manggagawa, magsasaka, mangingisda at iba pang inaaping sektor dahil sa kanyang dakilang ambag para sa patuloy na pagtangkilik at pagtaguyod sa kanyang simulain para sa tunay na kalayaan laban sa mapang-api at mapagsamantalang sistema ng reaksyunaryong gobyerno at mga imperyalistang bansa sa ating bayan.
“Lalo ngayong tumitindi ang panunupil sa ating bayan, mas masahol pa sa panahon ng mga kolonyalistang Espanyol. Masahol ang kalagayan ng paggawa at ang mga mamamayan ay nasasadlak sa matinding kagutuman dahil hindi nakasasapat ang kanilang kinikita sa araw-araw,” ani Hicap.
“Sa uring magsasaka, nariyan pa rin ang kawalan at kakulangan ng lupang sinasaka. Ang pakinabang ay nasa ilang panginoong maylupa pa rin. Nariyan ang mga transnasyunal na korporasyon na kinakandili naman ng administrasyong Aquino sa pamamagitan ng mga programa at polisiya tulad ng pagpapalit-gamit sa lupa para sa mga development plan kuno at pagpapalit-tanim. Sa halip na palay at mais, na siyang kinakain ng mga mamamayan, itinatanim ang mga high value crop na mas pinakikinabangan ng malalaking korporasyon,” dagdag niya pa.
Sa pangisdaan naman, nariyan ang kumbersyon ng mga pangisdaan, mga eco-tourism project, industrial zone, aquaculture, na laganap sa mga dagat at lawa.
Sa sektor ng Migrante, sinabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante na marami sa mga overseas Filipino workers (OFW) ang naniniwala at sumasama sa pakikibaka sa modernong panahon.
“Ipinakikita ng mga kilusang migrante sa loob at labas ng bansa ang kanilang determinasyon para sa tunay na pagpapalaya at pagbabago sa sistema dito sa ating bansa. Kitang-kita naman kung gaano na ito kabulok, lantad na lantad na. Ang malinaw sa mga organisasyon ng mga migrante sa ibayong dagat ay ang pagkakaroon ng diwang palaban. Undocumented sila pero kayang magrali, kayang maggiit sa host government, kayang tumindig sa pambansang isyu na nangyayari sa kasalukuyan,” sabi pa niya.
Buhay na diwa
“Sadyang buhay ang diwa ni Bonifacio, ang isang kongkretong ebidensiya ay ang bilang ng dumalo sa kilos protesta na umabot sa 15,000 na mga manggagawa at batayang sektor. Lalo pa’t ipinangangalandakan ng gobyernong ito na may ‘daang matuwid’ pero saksi tayo sa nagaganap na kaliwa’t kanang korapsiyon sa ating bayan. Walang tunay na mahalagang pagbabagong nagaganap sa araw-araw na pamumuhay ng mga ordinaryong mamamayan sa ating bayan,” sabi ni Labog.
Sa kasaysayan, nariyan ang diwa ng paglaban ng mamamayang Pilipino. Kaya nga ang nakaraang mga administrasyon hanggang sa kasalukuyan ay gumagamit ng dahas para pigilan ang mga paglabang ito.
“Nariyan ang pakikibaka sa mga pagawaan, kabukiran, sa mga demolisyon at maging sa mga paraalan. Ipinapakita lamang nito na lumalaban ang masang anakpawis sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos. Kaya dapat nating alalahanin na ang pakikibakang ito para sa panlipunang pagbabago ay ang pinakatamang porma para sa tuluyang paglaya ng mamamayang Pilipino,” ayon naman kay Hicap.
Para naman kay Martinez, tuloy-tuloy ang pakikibaka. “Ang nagbabago lang kasi ay kung sino ang nakapuwesto, sino ang nagmamaniobra. Noon ay direkta tayong kolonya, ngayon, kahit hindi direktang kolonya, kitang-kita ang kontrol ng dayuhan sa usaping pang-ekonomiya, militar at kahit sa kultura. At ito ang batayan nina Bonifacio sa paglaban, ito pa rin ang pakikibaka natin ngayon para tuluyan tayong lumaya,” pagwawakas ni Martinez.
Nakasuot Katipunero ang ilang miyembro ng KMU, (Macky Macaspac)
Malakas ang panawagang baguhin ang sistemang umiiral mula noong panahon ni Gat Andres Bonifacio. (Pher Pasion)
Kinondena ng grupong Migrante ang kapabayaan ng gobyernong Aquino sa mga biktima ng bagyong Yolanda. (Jaze Marco)
Kuha ni Macky Macaspac
Kuha ni Pher Pasion
Ang effigy ni Pangulong Aquino na tinaguriang Pork Barrel King at Disaster King. (Jaze Marco)
Kuha ni Macky Macaspac
Paglalarawan ng isang aktibista sa mahalagang papel ng mga kababaihan sa kilusang pagbabago, tulad ni Gregoria de Jesus ang Lakambini ng Katipunan. (Macky Macaspac)
Pahayag ng mga rebolusyonaryong grupo ng mga manggagawa at kababaihan. (Macky Macaspac)
Teksto ni: Soliman Santos, Mga larawan kuha nina: Macky Macaspac, Pher Pasion at Jaze Marco
|
No comments:
Post a Comment