Monday, December 16, 2013

Pinoy Weekly | Patay-ilaw vs taas-singil sa kuryente sa Disyembre 20, muling ikinasa


Posted: 16 Dec 2013 11:45 AM PST


Walang tigil na protesta ang isinasagawa ng mga militanteng grupo laban sa dagdag singil sa kuryente. (Kontribusyon)


Ikinasa ng grupong pangkababaihan na Gabriela ang lights out protest sa Disyembre 20, limang araw bago ang Kapaskuhan, bilang pagtutol sa pag-aprubang Energy Regulatory Commission na magtaas ng Php4.15/kwh ang Manila Electric Company (Meralco).

Inihayag ito ng kababaihan na sumugod sa harapan ng tanggapan ng Meralco sa Kamuning Avenue, Quezon City. Ayon sa grupo, ipapakita raw nila ang  matinding pagkapundi  sa panibagong pasakit sa kanilang mga pamilya.

“Sino ba naman ang di mapupundi kung sa nalalapit na Pasko, hindi man lang makapagsaya dahil ang iisipin namin ay kung saan kukunin ang dagdag na ipambabayad sa kuryente. Hindi man lang makapagbukas ng Christmas lights o kaya ay makapagpatugtog ng mga awit pamasko dahil kailangang magtipid ng kuryente,” ani Rose Bihag, pangalawang tagapangulo ng Gabriela-Manila.

Sa lights out protest sa Disyembre 20, mula alas-sais hanggang alas-siyete ng gabi, ipapakita ng mga miyembro ng Gabriela at iba pang sektor sa iba’t ibang komunidad sa Kamaynilaan ang pagtutol sa pamamagitan ng pagpatay sa mga ilaw ng kanilang mga tahanan.

“Walang kaabog-abog na pinayagan ng ERC ang Meralco na magtaas ng singil. Ginawa man nilang pautay-utay, ganun din naman ang resulta,” sabi ni Bihag.

Sinabi naman ni Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, na pinag-iisipan ng kanilang grupo na maghain ng temporary restraining order sa Korte Suprema para mapigilan ang pagpapatupad ng dagdag-singil na ayon sa grupo ay isang “tahasang pagnanakaw” sa bawat pamilyang Pilipino.

“Nagrehistro ang Meralco na maaabot nito ang PhP 17 Bilyong kita ngayong taon. Kung totoong di sa kanila napupunta ang mga dagdag-singil, paano sila kumikita nang ganoon kalaki?” tanong ni Salvador.

Hinimok din ng grupo ang publiko na lumahok sa kampanyang lights out. “Sa sandaling panahon na magpapatay tayo ng ilaw sa ating mga tahanan at mga komunidad sa darating na Disyembre 20, ipapakita natin na hindi tayo basta-basta papayag sa ganitong sabwatan ng ERC at Meralco,” dagdag ni Bihag.

“Walang liwanag ang buhay, lalo na ng maralita na pinapasan ang pataas nang pataas na singil sa kuryente. Padilimin din natin ang buhay ng Meralco, mabawasan man lang ng katiting ang sobra-sobrang laki ng tubong nakukuha nila galing sa mga konsiyumer,” sabi naman ni Salvador.



No comments:

Post a Comment