Posted: 08 Dec 2013 06:59 AM PST
Ang luma at bagong tipo ng pambansa demokratikong rebolusyon sa musikang pagtatanghal na Maghimagsik. (Macky Macaspac)
Sa saliw ng mga awiting makabayan, isinadula ng iba’t ibang grupo sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno ang buhay at pakikibaka ni Andres Bonifacio sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman. Hindi lamang isang pagpupugay ang produksiyong Maghimagsik!, nagpapakita rin ito na nagpapatuloy ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa dayuhan at lokal na naghaharing mga uri.Mahusay na nailapat ng produksiyon ang buhay ni Bonifacio sa lumang tipo ng pakikibaka bilang isang manggagawa at sa bagong tipo ng pakikibakang isinasabuhay naman ngayon ng mga nasa uring anakpawis.
“Mahaba na ang tradisyon ng gawaing pangkultura natin na nagtatampok sa rebolusyong Pilipino,” sabi ni Ericson Acosta, isa sa mga sumulat ng Maghimagsik!. Aniya, hindi sila nahirapan sa pagsulat dahil na rin sa yaman ng materyales hinggil sa pakikibaka. Ilan sa mga awitin tulad ng “Alerta Katipunan” ang nabuo noong panahon ng himagsikan nina Bonifacio samantalang ang “Karaniwang Tao (Ang Nagiging Kawal)” ay nalikha naman noong dekada ’80.
Matalas din ang pagsasalarawan sa pagkakabuo ng Katipunan, sa armadong pag-aaklas at sa muling pagkakabuo ng bagong hukbo — mula sa maliit hanggang sa paglago at paglawak sa buong kapuluan. Ipinakita rito ang pagkakahalintulad ng dalawang rebolusyong nilahukan ng lahat ng sektor ng lipunang Pilipino. Malinaw ang pagkakahalintulad sa mensaheng nakatala sa “Kartilya ng Katipunan” na sinulat ni Emilio Jacinto at sa “Tatlong Pangunahing Disiplina at Walong Bagay na Dapat Tandaan” ng rebolusyonarong grupong New People’s Army (NPA) — mga patakaran ng organisasyon at mga kagandahang asal na taglay dapat ng bawat rebolusyonaryo.
“Ito ang naglalatag ng tamang diwa ng pagdiriwang sa ika-150 ng kapanganakan ni Andres Bonifacio. Ipinapaalala sa atin ng kanyang sinimulan na rebolusyonaryong kilusan ay nagpapatuloy at kailangang itaas natin sa antas ng kilusang rebolusyong proletaryo,” sabi ni Bonifacio Ilagan, direktor ng dula.
Para naman kay Aila Bathan, isang kabataang mula sa Salinlahi cultural group. “Minsan lang itong pagkakataon na ipagdiwang ang ika-150 kaarawan ni Bonifacio. Masaya ako at nakasama ako,” aniya.
Ilan sa mga kasama sa produksiyon ang mga manggagawa n Pentagon Steel Corporation na kasalukuyang nakawelga, bilang pagpapahalaga nila sa manggagawang si Bonifacio na namuno sa unang pambansa-demokratikong rebolusyon.
Kapwa isponsor sa pagtatanghal ang grupong KMU, Anakbayan, UP Office of the Student Regent at ang UP Office for Initiatives in Culture and the Arts.
Ilang larawan mula sa pagtatanghal (Mga kuha ni Macky Macaspac):
No comments:
Post a Comment