Posted: 07 Dec 2013 08:45 PM PST
Click link to watch video: http://www.youtube.com/watch?v=UbWl_8tRRRY
Nitong Nobyembre 30, ika-150 kaarawan ni Andres Bonifacio, nagsalita sa programa ng mobilisasyon sa Liwasang Bonifacio si Ramon “Bomen” Guillermo, progresibong propesor mula sa Unibersidad ng Pilipinas. Maganda ang kanyang ambag na kwento: Pinapunta raw ni Bonifacio si Pio Valenzuela kay Jose Rizal na nasa Dapitan noong maagang bahagi ng 1896. Ang layunin: hikayatin si Rizal na pamunuan ang namumuo noong armadong himagsikan. Ang sagot ni Rizal: May tatlong kulang – pagkakaisa, edukasyon, at armas ng mga Pilipino. Maghintay raw muna at hindi pa napapanahon ang rebolusyon. Ang sagot ni Bonifacio: Lintek! At sinagot ni Guillermo ang mga agam-agam ni Rizal sa paraang nagtataas ng ahitasyon para sa kasalukuyang rebolusyon.
Noong Nobyembre 30 rin ako nagkaroon ng kopya ng bagong libro ni Guillermo, ang Hinggil sa Konsepto ng Kasaysayan. Salin o translation ito ng akda ng Marxistang pilosopong si Walter Benjamin na nasa wikang Aleman ang orihinal. Tumayo namang introduksyon kay Benjamin at sa libro ang salin ni Om Narayan Velasco ng isang sanaysay ng Marxistang historyador na si Benedict Anderson na nasa wikang Ingles sa orihinal. Nasa kaliwang pahina ng libro ang orihinal na wika ng tambalang Benjamin-Anderson habang nasa kanang pahina naman ang salin sa Filipino ng tambalang Guillermo-Velasco. Elegante ang disenyo ng aklat, ang papel ng pabalat at ng mga pahina, at ang titik sa mga teksto – nakakahalina sa pagmumuni sa nilalaman ng libro.
Sa kanyang introduksyon, nagsimula si Anderson sa pagtatanong kung bakit nahuli man ay naging “sikat na intelektuwal na mas maningning pa sa iba” si Benjamin. Noon daw 1986 ay ni walang entri tungkol kay Benjamin sa Encyclopedia Americana. Syempre pa, hindi sinabi ni Anderson na siya mismo ay bahagi ng isang dahilan: Ipinakilala ng bantog niyang libro tungkol sa nasyunalismo, angImagined Communities ng 1983, si Benjamin sa maraming mag-aaral. Tatlo ang natunton niyang sagot sa kanyang tanong: madilim ang panahon ngayon aniya para sa progresibong pulitika katulad sa panahon ni Benjamin, hindi nagpakahon si Benjamin sa isang disiplina, at mayroon si Benjamin ng “utopian na kalungkutan at… marikit, matulain at minsa’y nakapipinsalang prosa.”
Sa “Marxismo-Leninismo-Maoismo,” tinatahi ng mga naniniwala ang mga pangalan na namuno at nagteorya sa pagsulong ng pakikibaka ng uring manggagawa patungong paglaya. Masasabi bang naobserbahan at tineorya ni Benjamin ang pag-atras ng naturang pakikibaka sa isang panahon at lugar? Mas masasabi sigurong nabuhay at nagteorya siya sa isang panahong nagdulot ng pighati sa mga katulad niyang Hudyo at independyenteng Marxista, ang paglakas ng pasismo sa buong mundo, at sa isang lugar ng ligalig na kalagayan ng ganoong pighati, ang Germany at Europa. Hindi sa mga taktika at estratehiya ang ambag niya, kundi sa pagsusuri sa galaw ng imperyalismo at mga naghaharing uri sa lumilipas na panahong malakas at nagtatagumpay sila.
Isa ang Hinggil sa Konsepto ng Kasaysayan sa mga pinakabantog na sulatin ni Benjamin. Napakarami ritong pamilyar, kung hindi man paborito, para sa mga nahilig sa Frankfurt School na kinabilangan ni Benjamin at sa tinatawag na “Teorya” ng dekada ’90. Nakapagbigay ng sariwang dating, at sa maraming pagkakataon ay mas eksaktong pag-unawa, ang salin ni Guillermo. Halatang hindi simple ang orihinal na Aleman dahil hindi simple ang salin sa Filipino. Nagtatrabaho nang overtime ang mga salita: nagsikap maging eksakto habang wasto ang lugar sa mga pangungusap. Batay sa mga salin sa Ingles, masasabing matapat ito sa estilo ni Benjamin, na hindi laan sa mga dyaryo at maiintindihan ng sinumang magbabasa, kundi para sa matiyaga sa mga talinhaga niya.
Isang bagay ang literal na maunawaan ang akda ni Benjamin; ibang bagay pa ang maunawaan nang mas malalim ang kanyang akda. May dahilan siguro na inilimbag ang salin ng High Chair, na kilala sa paglalathala ng mga tula. Bagamat nahahati sa mga tesis, malayo ang akda sa linaw ng “Mga Tesis kay Feuerbach” ni Karl Marx, bukod pa sa may mga direkta at mapagbuong sulatin si Marx kumpara sa mga palaisipan at kalat-kalat na sulatin ni Benjamin. Si Benjamin mismo, aminado sa isang liham niyang sinipi sa libro na “Bubuksan [ng akda] ang pinto sa masiglang pagkakamali-mali ng interpretasyon.” May kabuuang 63 talababa o footnote si Guillermo na nagpapaliwanag sa akda, na mga indikasyong malabo rin ito, dahil interbensyon sa iba’t ibang larangan.
Anu’t anuman, napatunayan nang produktibo para sa mga matiyaga ang mga palaisipan ni Benjamin, dahil mismo sa pagiging palaisipan ng mga ito. Mahalaga ang talumpati ni Guillermo noong Araw ni Bonifacio at ang buong protesta sa naturang araw, halimbawa, dahil bahagi ang mga ito ng pakikidigmang gerilya laban sa matagumpay na Antikristo na hindi nagpapaligtas maging sa mga patay. “Hindi lamang dumarating ang Mesiyas bilang manunubos; dumarating siya bilang tagapagwagi sa ibabaw ng Antikristo. Ang historyador lamang ang may kakayahang paypayan ang mga ningas ng pag-asa sa nakaraan, na punong-puno nito: hindi ligtas sa kaaway kahit ang mga patay kapag ito’y nagtagumpay. At ang kaaway na ito ay hindi pa tumitigil sa pananagumpay.”
Makakakuha rin kay Benjamin ng paliwanag kung bakit napakalakas ng dating ng radikal na tema ng hindi tapos na rebolusyon ni Bonifacio. At kung bakit diyalektikal ang ugnayan ng pagsusulong ng kritika at ng alternatiba sa umiiral na sistemang panlipunan, kung saan pangunahin ang kritika sa alternatiba. Sa kanyang pagtuligsa sa mga sosyal-demokrata, sinabi niya, “Natuwa sila sa pagbibigay sa uring manggagawa ng papel na tagapagligtas ng mga henerasyon sa hinaharap. Pinutol nila sa ganitong paraan ang taling pinakamatibay. Nalilimutan ng uring proletariat sa ganitong leksyon kapwa ang pagkamuhi at ang kahandaang magsakripisyo. Sapagkat binubuhay itong dalawang huli ng larawan ng inaaping mga ninuno, hindi ng ideyal ng pinalayang mga apo.”
08 Disyembre 2013
No comments:
Post a Comment