Wednesday, December 11, 2013

Pinoy Weekly | Protesta vs taas-singil sa kuryente, titindi


Posted: 10 Dec 2013 10:43 AM PST

Nilusob ng galit na mga konsiyumer ang konsultasyon ng ERC sa dagdag singil ng Meralco.  (Kontribusyon)Nilusob ng galit na mga konsiyumer ang konsultasyon ng ERC sa dagdag singil ng Meralco. (Kontribusyon)


Nagbadyang tumindi pa ang mga protesta laban sa nakaambang pagtaas sa singil ng kuryente, ayon sa sentro ng militanteng unyonismo na Kilusang Mayo Uno (KMU).

Ito’y matapos aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang hinihinging dagdag-singil ng Manila Electric Co. (Meralco) para sa buwan ng Disyembre.

Naunang mungkahi ng Meralco na dalawang tranche ang dagdag-singil: una ang Php 2.23 per kwh ngayong Disyembre at Php 1.20 per kwh naman sa buwan ng Pebrero.

Ayon sa KMU, kahit pautay-utay man ang gagawing taas-singil ng Meralco, mabigat na pasanin pa rin umano para sa mga manggagawa ang dagdag-singil.

Aabot kasi sa mahigit Php700 ang idadagdag sa gastusin ng isang pamilya kada buwan para sa konsumong kuryente na 200kwh, samantalang napakaliit naman ang Php 456 na minimum na sahod.

Pero ang sagot ng Meralco ay gawing tatlong tranche ng ERC ang dagdag-singil: Php 2.41 per kwh ngayong Disyembre; Php1.21 sa buwan ng Pebrero Php0.53 naman sa Marso 2014.

Lumalabas na ang mga konsiyumer na gumagamit ng 200 kwh ngayong Disyembre ay magbabayad ng karagdagang Php482; Php723 naman sa 300kwh; Php964 sa 400kwh at Php1,205 naman sa mga gumagamit ng 500 kwh.

Nilusob din ng iba’t ibang progresibong grupo ang konsultasyon ng ERC at Meralco. Hinaing ng mga grupo na sobra ang hinihingi ng Meralco.

Tinitiyak din ng KMU at iba pang grupo na tutulan nila ang anumang dagdag-singil sa kuryente.
“Para sa mga mamamayang Pilipino na nagtitiis sa kawalang trabaho, mababang pasahod at kontraktuwal na paggawa, sobra-sobra itong pagtaas na ito,” ani Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU.


Sobra-sobra raw ang naka-ambang  dagdag singil sa kuryente. (Kontribusyon)Sobra-sobra raw ang naka-ambang dagdag-singil sa kuryente. (Kontribusyon)


Sinabi pa ng grupo na mababaw ang katwiran ng Meralco na shut down ng Malampaya natural gas plant.

Matagal na raw na alam ng kompanya ang shutdown pero hindi ito naghanap ng ibang pagkukunang alternatibonnerhiya.

“Panlilinlang lamang ito. Ipinapakita nito na monopolyado at kontrol nila ang sektor ng enerhiya. Kaya nilang manipulahin ang presyo at magkamal ng malaking tubo,” sabi pa ni Soluta.

“Hindi kargo ng konsiyumer ang anumang dagdag gastos dahil sa maintenance ng mga plantang ito. Unang-una, bahagi dapat ito sa inaasahang gastos ng mga plantang kakontrata ng Meralco at sa gayon ay pasok na sa rate na sinisingil nito,” sabi naman ni Misty Lorin, pangalawang pangkalahatang kalihim ng grupong pangkababaihan an Gabriela.

Mungkahi ng Gabriela na gamitin ang Malampaya funds para matustusan bilang subsidyo ang mga konsiyumer at para na rin hindi makulimbat ng mga pulitiko. “Sa halip na lustayin lang sa kung saang walang kaugnayan sa usaping enerhiya ang Malampaya funds, malaking tulong ito sa kagyat kung gagawing panustos na lamang sa dagdag singil na ito,” ani Lorin.

Dagdag pa ng grupo, sa pangmatagalan, dapat na ginagamit ang pondong ito para magpaunlad pa ng mga alternatibo at murang pagmumulan ng enerhiya at hindi na lamang umasa sa napamakamahal na singil sa kuryente ng Meralco.

“Dapat nagpapaunlad na tayo ng pambansang industriya sa enerhiya sa halip na umaasa sa mga kapitalistang imbestor na puro sariling tubo na lang ang iniisip at di ang kapakanan ng konsiyumer,” sabi ni Lorin.



No comments:

Post a Comment