Posted: 08 Dec 2013 08:41 PM PST
Dalawa sa pangkulturang pagtatanghal sa Unibersidad ng Pilipinas ang naging bahagi ng pagdiriwang ng ika-150 kaarawan ni Andres Bonifacio. Itinanghal ng Dulaang UP ang “Teatro Porvenir: Ang Katangi-tanging Kasaysayan nina Andres Bonifacio, Macario Sakay, at Aurelio Tolentino sa Entablado” na isinulat ni Tim Dacanay at idinirehe ni Alexander Cortez. Ipinalabas ang dula sa Wilfrido Ma. Guerrero Theatre noong Nobyembre 20 hanggang Disyembre 8. Samantala, ang “Maghimagsik! Andres Bonifacio: Rebolusyonaryo, Anakpawis” ay pinangunahan ng Bonifacio 150 Committee at ipinalabas sa University Theatre noong ika-7 ng Disyembre, idinirehe ni Bonifacio Ilagan, isinulat nina Kerima Lorena Tariman at Ericson L. Acosta, at nilapatan ng musika ni Jon Corsiga.
Teatro Porvenir Kakaibang anggulo ng Supremo ang inieksplor ng dula. At iyon ay ang mismong pagiging bahagi ng teatro nito. Ayon nga kay Dacanay, “na si Andres Bonifacio ay isang artista ay isang kamangha-manghang impormasyon na tumatak sa isipan ko.” Naging malaking ambag sa kanyang pagmumuni hinggil sa materyal ang historyador na si Teodoro Agoncillo sa kanyang “Revolt of the Masses” at “Talking History” . Sa pagsasanib ng historikal at pleksibilidad ng genre na magdagdag sa kagayang materyal, ang naging resulta, naging kapanapanabik at interesante ang bagong mukha ng Supremo para sa kasalukuyang mga manonood ng teatro. Sa unang set, ipinakita kung paanong ang magkakaibigang sina Andres (Russell Legaspi), Karyo o Macario Sakay (Jojit Lorenzo), at Ilyong o Aurelio Tolentino (Joel Saracho) ay nagtatag ng grupo na tinawag nilang Teatro Porvenir o Teatro ng Kinabukasan. Bahagi rin ng grupo ang mga kapatid ni Andres. Isinadula nila ang komedya hinggil sa alamat ni Bernardo Carpio na may pag-aangkop sa panahon noon. Naging katunggali nila ang tradisyonal na “Teatro Infantil” na hindi pa handa sa mabilis na mga pagbabago noong panahong iyon. Kakaibang Bonifacio nga ang nasaksihan ng mga manonood. Siya ang marubdob na tagapagtaguyod ng teatro. Magaling din siya sa multi-tasking – nagtitinda ng abaniko at baston sa Unibersidad ng Santo Tomas para makapagpropaganda. Makaros (mapagpatawa) din siya kapag kasama ang mga kapatid at mga kaibigan sa teatro. Isa rin siyang tagasalin at sa dula, binasa niya at ni Oryang (Jean Judith Javier) sa isang nakatutuwang eksena ang salin niya ng eksena nina Elias at Salome sa “Noli Me Tangere”. At gayon nga, tinahi ang dula ng mga pamilyar na akda na “Kahapon, Ngayon, at Bukas” ni Aurelio Tolentino, “La India Elegante y el Negrito Amante” at Pinagdaanang Buhay ni Florante at Laura sa Cahariang Albania” ni Fancisco Balagtas, “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog” ni Andres Bonifacio, “Dasalan at Tocsohan” ni Marcelo Del Pilar, “ “Ang Huling Paalam” ni Dr. Jose Rizal, at marami pang iba. At gayon nga ang nangyari, itinatag ni Andres ang Katipunan at naging bahagi nito sina Ilyong, Karyo, at maging ang estudyante noong si Emilio Jacinto (Paul Jake Paule). Si Oriang, matapos na mapakasal kay Andres, ang siyang naging Lakambini ng Katipunan. Naging rurok ng dula ang naging paghahanap ni Oriang kay Andres na ibinatay sa liham ni Oriang kay Emilio Jacinto. Ipinakita sa dula sa pamamagitan ng monologo ni Oriang ang hirap na dinanas nito sa paghahanap sa minamahal. Nagtapos ang dula sa pag-alala nina Ilyong at Sakay sa pagsisimula ng Teatro Porvenir. Sa huli, nagpatong-patong ang mga panahon katulad sa dula ni Tolentino na “Kahapon, Ngayon, at Bukas”. Nagpapatuloy ang adhikain para sa kinabukasan na sinimulan ng Teatro Porvenir hangga’t may mga pusong handang ipaglaban ang bayan at hanggang nariyan ang sining na laging nagsusulong ng pagbabago. Naging masiste at makulay ang kinalabasan ng dula at si Bonifacio ay naging tao at higit na bayani dahil naging tao para sa mga manonood. Arena ng drama ng rebelyon Ganito rin ang klase ng teatro na pinaniniwalaan ng direktor ng “Maghimagsik!” na si Bonifacio Ilagan,“Against an intrinsically oppressive and exploitative system, to rebel is justified! And theater proves to be an excellent arena to dramatize rebellion!” Sa “Maghimagsik!”, pinaglakip sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo ng sining – kanta, sayaw, musika, drama at pelikula ang pagpupugay kay Bonifacio. Naging ubod ng pagtatanghal ang pagtatahi sa paghihimagsik na pinamunuan ni Bonifacio mula sa hanay ng anakpawis sa nagaganap na digmang-bayan ngayon sa kanayunan. Nagkaroon ng juxtaposition ang mga panahon – ang noon at ngayon na ang parehong tinatanaw ay ang hinaharap, katulad ng himatong ni Tolentino sa kanyang dula. Nagawa ang pagsasalimbayan ng panahon sa pamamagitan ng pagsasalaysay sa rebolusyon ni Bonifacio, sa muling pagsisimula ng pakikibaka sa iba’t ibang panahon, at sa paglaban ng uring anakpawis sa kasalukuyan. Mayroong pagbabalik-tanaw sa opresyong naranasan ng mga Pilipino sa panahon ng mga Kastila at kung paanong isinilang sa panahong iyon si Bonifacio, na hinubog ng lipunang iyon din para pangunahan ang himagsikan. Magpa-fast forward naman ang timeline ng dula, ipapakita rin ang parehas na kinakaharap na pagsasamantala ng mga manggagawa at ang mga awit at sayaw ay magpapakita ng panawagan para sa pagmumulat at pakikibaka. Isa sa pinakatampok na bahagi sa pagpapalabas ng bidyo ang halinhinan ng talakayan ng Kartilya ng mga katipunero at ang paglalahad ng kahalintulad na gabay ng mga armadong nakikibaka sa kasalukuyan. Tumampok ang kartilya na ”Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang, kundi isang katuwang at karamay (ng lalaki) sa mga kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang (pisikal na) kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuhatan at nag-iwi sa iyong kasanggulan.” Ibang klaseng kulturang pagtatanghal ang “Maghimagsik!” dahil naging kabahagi sa pagtatanghal ay mga manggagawa mula sa Kilusang Mayo Uno, Pentagon Workers’ Union, Janrey Philippines Corporation Workers Union, Piston at Anakpawis. Naging bahagi rin ang mga manggagawang pangkultura mula sa Sining Lila, Salinlahi Cultural Group, Kumasa, People’s Chorale, Tambisan sa Sining, Musikang Bayan, Sining Kadamay, at Redemptorist Mission Seminary. |
Monday, December 9, 2013
Pinoy Weekly | Teatro ng Rebelyon, Teatro ng Kinabukasan
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment