Monday, December 30, 2013

Pinoy Weekly | Kapirasong Kritika ni Teo S. Marasigan >> Twenty Porkteen



Twenty Porkteen




Konteksto ni Teo S. Marasigan

Tama si Dr. Carol P. Araullo: Taong 2013 nagkaroon ng malaking lamat ang imahen ni Pang. Noynoy Aquino. Syempre pa, dahil ito pangunahin sa isyu ng pork barrel. Mula sa eskandalo sa P10 bilyong pondong pork na kinakasangkutan ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles, at ginamit ni Aquino laban sa malamang na maging mga karibal ng partido niya sa eleksyong 2016, pumutok ang galit ng mga mamamayan sa buong sistema ng pork barrel. Ipinagtanggol ni Aquino ang naturang sistema, nalantad ang napakalaking pork niya sa panukalang budget para sa 2014, at nalantad din, dahil kay Sen. Jinggoy Estrada, ang iligal niyang pork sa Disbursement Acceleration Program o DAP. Bumanda ang isyu kay Aquino; sa dulo, tinatawag na siyang Pork Barrel King.

Hindi kataka-taka na nitong Disyembre 20 inaprubahan ni Aquino ang panukalang badyet para sa 2014. Tirang magnanakaw ito, ginawa kumbaga sa kahimbingan ng gabi – nagdiriwang ang lahat ng Kapaskuhan at hindi mapapansin ang mga protesta. Taliwas sa panlilinlang na walang pork sa naturang pambansang budget, iba ang sabi ni Prop. Leonor Magtolis-Briones, punong tagapagtipon ng Social Watch Philippines at isa sa mga nagsagasa ng trak ng bumbero sa tarangkahan ng Malakanyang noong First Quarter Storm. Aniya, marami pa ring pork sa badyet: nakatago ang para sa mga kongresista at senador sa badyet ng mga ahensya at aabot sa P552 bilyon ang agad na matutukoy na pork ng pangulo, malaking bahagi ng P2.3 trilyon na kabuuang badyet.

Noong Nobyembre 19, idineklara ng Korte Suprema na di-konstitusyunal ang Priority Development Assistance Fund o PDAF, ang pork ng mga mambabatas. Resulta ito ng malawak na galit at protesta ng mga mamamayan sa sistema ng pork barrel. Resulta rin ito malamang ng sentimyentong kontra-Aquino sa Korte Suprema: Responsable si Aquino sa pagtanggal kay Renato Corona bilang Punong Hukom at pagpalit ni Maria Lourdes Sereno, pinakabago sa mga itinalaga sa korte at pinaka-hindi respetado ng mga naunang hukom. Maglalabas pa lang ng hatol ang Korte Suprema kung konstitusyunal DAP, pero kumikilos na ang pangkating Aquino: Sabi nga ni Fr. Joaquin G. Bernas, SJ, binabantaan ngayon ng impeachment ng Kongreso ang mga hukom ng Korte Suprema.

Interesante ang magiging hatol ng Korte Suprema sa DAP. Kapag sinabi nitong hindi konstitusyunal ang DAP, sinasampal nito sa mukha si Aquino, kahit hindi pa talaga natatanggal ang marami pang pork ng presidente. Makapangyarihan pa rin si Aquino dahil ang dating PDAF na naipailalim sa badyet ng mga ahensya ay kontrolado niya. Kapag sinabi naman ng Korte Suprema na konstitusyunal ang DAP, aani ito ng galit ng mga mamamayan. Paanong konstitusyunal ang DAP gayung hindi konstitusyunal ang PDAF? Mas maliit at matagal nang umiiral ang PDAF, bukod pa sa mas marami nang nangangailangan ang nakinabang dito. Magiging napakalaki ng pork barrel ng presidente; parang binigyan ng Korte Suprema si Aquino ng lubid para ibigti ang sarili.

Samantala, gumugulong sa usad-pagong na sistema ng hustisya sa bansa ang kasong iligal na pagdetine laban kay Napoles. May mga pagdinig sa Enero 17, Pebrero 18 at Marso 4, 18 at 25. Noon namang isinasampa pa lang ang kasong pandarambong laban sa kanya, may nagsabi nang aabot ang paglilitis hanggang pagkatapos ng termino ni Aquino. Anu’t anuman, dahil sa espesyal na pagtratong ipinakita ng gobyernong Aquino kay “Ma’am Janet” noong “sumuko” ang huli, malaganap ang duda kung seryoso itong hahatulang maysala at ikakalaboso si Napoles. Hindi kaila sa marami na ginagamit ang kaso ni Napoles para sa layuning pulitikal. Maaalala ang pagkulong ni Gloria Arroyo kay Erap Estrada at malamang ni Noynoy kay Gloria: pakitang-tao lang para sa pulitika.

Bubwelo rin sa 2014 ang People’s Initative laban sa pork barrel na pinapangunahan ni dating Chief Justice Reynato Puno at ng mga progresibong organisasyon. Saang anggulo man tingnan, maipagpapalagay na mananatiling buhay ang isyu ng pork barrel sa 2014. Para sa marami, hindi basta “kritisismo” ang isyu na pwedeng tugunan ng “Bahala na si Lord sa inyo, busy ako,” gaya ng gustong palabasin ni Aquino, kundi usaping dapat niya talagang pagkaabalahan. Kasama ng iba pang isyu tulad ng tumitinding kahirapan ng nakakarami at ng kapabayaan sa kalamidad ng gobyerno, dahilan ito ng paglakas ng disgusto sa kanya. Maaalala ang klasikong kasabihang Tsino: Nawa’y mabuhay ka sa interesanteng panahon! Sigurado: Magiging interesante ang 2014 para sa mga Pilipino.


- See more at: http://pinoyweekly.org/new/2013/12/twenty-porkteen/#sthash.dC7cjra1.dpuf


No comments:

Post a Comment