Friday, December 6, 2013

Pinoy Weekly | Taas-singil sa kuryente ‘di makatuwiran,’ tinutulan


Posted: 05 Dec 2013 05:49 AM PST
Nagprotesta sa harapan ng Meralco Kamuning Branch ang grupong Anakpawis, KMU at Kadamay para irehsitro ang matinding pagtutol sa nakaambang pagtaas sa singil ng kuryente. (Macky Macaspac)Nagprotesta sa harapan ng Meralco Kamuning Branch ang grupong Anakpawis, KMU at Kadamay para irehistro ang matinding pagtutol sa nakaambang pagtaas sa singil ng kuryente. (Macky Macaspac)


Tutol ang maraming konsiyumer at manggagawa sa umano’y hindi makatuwirang pagtaas ng Meralco sa singil ng kuryente.

Ayon sa grupong Kilusang Mayo Uno (KMU), grabeng pabigat sa mga konsyumer ang Php 2.50 – 3.00 kada kilowatt hour (kwh) na taas-singil, na umano’y nangangahulugan ng Php700 kada buwan na kailangang idagdag sa bayad ng kuryente ng kada pamilyang gumagamit ng 200 kwh.

Mas malaki pa ito sa minimum na sahod ng isang manggagawa sa Metro Manila na Php436, ayon sa KMU, na nagsagawa kanina ng piket sa harap ng Kamuning Branch ng Meralco.

Sinabi ng grupo na tila sinasamantala ng Meralco ang panahon ng Kapaskuhan para palakihin ang tubo ng kompanya. “Nagdidilim ang paningin namin sa balitang magtataas singil ang kuryente,” pasaring ni Celso Rimas, opisyal ng National Federation of Labor Unions (Naflu-KMU), sa islogan ng Meralco na “May liwanag ang buhay.”

Sinabi pa ng grupo na hindi makatwirang ipasa ng Meralco ang gastos sa pagpapaayos ng mga linya ng kuryente sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda. “Negosyo pa rin ang Meralco, at hindi dapat na ipinapasa sa mga konsyumer ang expansion nito. Napakalaki ng tubo nito sa ganyang kalakaran,” sabi pa ni Rimas.

Tutol din sa pagtaas ang mga ordinaryong konsyumer ng Meralco na kakatapos lamang magbayad ng kanilang mga bill sa kuryente. Sa panayam ng Pinoy Weekly, sinabi ni Renato Bayon na dapat pa nga daw na ibaba ang singil sa kuryente sa halip na itaas ito, “kasi nagtaasan na lahat ng bilihin tulad ng LPG (Liquified Petroleum Gas), samantalang hindi naman tumataas ang sahod ng mga nagtatrabaho,” aniya.

Hirap na din daw ang buhay nila, dahil kakabitiw lamang niya sa trabaho at kasalukuyang nag-a-aplay para makapagtrabaho sa ibang bansa, “Hirap na eh, tipid-tipid na lang,

‘yung refrigerator namin last year pa namin hindi ginagamit. Dapat talagang tutulan ‘yang pagtaas na yan,” sabi pa ni Bayon.

“Nakakalula ang pagtaas, sobra naman yan,” sabi naman ni Mek Mikunog na katatapos lamang magbayad ng Php 1,500 sa konsumong kuryente. “Housewife lang ako, pinagkukunan namin ng gastusin ‘yung sa asawa ko na may maliit na negosyo. Kaya dagdag-pahirap talaga ‘yan,” aniya.

Pero kung sina Bayon at Mikunog, umaasa at nananalangin na huwag ng itaas ang singil sa kuryente, iba naman ang nasa isip ni Marjorin Ambay na isang tricycle driver. Mapipilitan daw siyang sumama sa sa mga protesta sa oras na hindi maawat ang pagtaas sa singil ng kuryente.

“Malapit na akong sumama sa mga ‘yan (nagpoprotesta), lahat na lang tumaas,” ani Ambay habang pinapanood ang mga nagpoprotesta at hinihintay ang kanyang asawang nagbabayad sa Meralco. Sa kanyang kuwento, matagal na silang hindi gumagamit ng LPG. “Uling o kaya minsan kahoy na lang,” aniya.


Sa halip na magtaas sa singill ng kuryente dapat daw na ibalik sa mga konsyumer ang 9 bilyong sobrang siningil ng Meralco sa mga nagdaang taon. (Macky Macaspac)Sa halip na magtaas sa singill ng kuryente dapat daw na ibalik sa mga konsyumer ang 9 bilyong sobrang siningil ng Meralco sa mga nagdaang taon. (Macky Macaspac)


‘Alisin ang Epira’
Sinabi naman ni Rep. Fernando Hicap ng Anakpawis Party-list na dapat nang alisin ang batas na Electric Power Industry Reform Act (Epira). Kinontra rin niya ang pahayag ng Malakanyang na tama lang ang pagtaas sa singil ng kuryente.

“Dapat tigilan ng Malakanyang ang pagtatanggol sa Meralco. Dapat pa nga na protektahan nito ang mga konsyumer,” ani Hicap. Ayon sa mambabatas, maaapektuhan daw ng malakihang pagtaas sa singil ng kuryente ang mahigit limang milyong kustomer ng Meralco sa 33 siyudad at 78 munisipalidad.

Ikinatuwiran ng Meralco na ang pagmantine sa Malampaya natural gas plant ang nagresulta sa kakulangan ng generation supply, kaya umasa ito sa Wholesale Electricity Spot Market.

Pero ayon kay Hicap, kasalanan ng Epira ang walang habas na pagtaas sa singil ng kuryente. Aniya, ang pag-liberalisa at pagsasapribado sa buong industriya ng enerhiya ang nag-alis nito sa kontrol ng gobyerno.

“Sa loob ng 12 taon na ipinapatupad ang Epira, nagtiis sa napakamahal na singil sa kuryente ang mga konsyumer, at maging ang mga negosyante,” sabi ni Hicap.

Dagdag pa niya, kahit walang konsultasyon sa publiko, awtomatikong ipinapatupad ng Meralco at iba pang pribadong kompanya sa distribusyon ng kuryente ang buwanang pagbabago sa singil.
Maliban sa pagbasura sa batas na Epira, panawagan din ng mambabatas na alisin ang Value Added Tax (VAT) sa kuryente.



No comments:

Post a Comment