By Danny Arao
Posted: 18 Oct 2013 10:31 PM PDT
Maraming politikal na usaping dapat suriin. Maraming panlipunang isyung dapat busisiin. Pero sa ngayon, pinili kong isulat na lang ang liham na ito para lang sa iyo.
Nabalitaan ko kasing may plano kang huminto sa pag-aaral. Bakit? Wala ka bang pang-matrikula? May problema ka ba sa pamilya? Masalimuot ba ang pinagdaraanan mo? Nahihiya ka bang pag-usapan ang sitwasyon mo? Gusto mo bang pabayaan ka na lang?
Sa ayaw mo’t sa gusto, bibigyan kita ng paalalang may tatlong salita: Hindi ka nag-iisa! Kung kailangan mo ng kausap, may mga kaibigan kang handang makinig sa iyo. Kung ayaw mo munang makihalubilo sa mga kaedad mo, may mga gurong katulad kong handang bigyan ka ng payo. Puwede mong pakinggan ang anumang maibabahagi ng isang nakatatanda na posibleng pinagdaanan na ang nararanasan mo sa kasalukuyan.
Bagama’t hindi kailanman mapapalitan ng isang guro ang pag-aaruga ng isang ina o ama, mas nasa posisyon ang guro para magpayo sa pang-akademikong gawain. Bilang estudyante, hindi mawawala sa iyo ang magkahalong respeto at takot tuwing nakikita ang titser mo. Tinitingala mo kasi ang sinumang sa tingin mo’y may kabuluhan ang pagtanda at kayang hubugin ang isipan ng kabataan.
Paminsan-minsan, napapalitan ang respeto at takot ng pagkadismaya at pagkabahala. Dahil wala namang perpekto sa mundo, kapansin-pansin ang pagkakaroon ng ilang gurong walang panahon sa mga estudyante. Oo, nagtuturo nga sila pero wala silang pakialam kung naiintindihan ba ang lahat ng sinasabi sa loob ng klasrum. Wala rin silang konsiderasyon sa indibidwal na pinagdaraanan ng estudyante. Kung pasado, pasado. Kung bagsak, bagsak. Kahit na tao ring katulad nila ang mga estudyante, tila mekanikal ang pagtrato sa huli. Ang mga estudyante ay mistulang numero sa kanilang paningin. Wala silang espasyo para sa mga bagay na hindi nababasa sa libro.
Pero sa puntong ito, huwag kang madismaya o mabahala. May handang makinig sa anumang gustong sabihin mo. May gurong naglalaan ng panahon para sa mga estudyante, lalo na sa mga kinakailangan ng gabay. Ang espasyo ay naririyan dahil bukas ang isipan ng guro para sa kaalamang higit pa sa nasusulat sa libro. Ayaw ko mang magbuhat ng sariling bangko, gusto kong ihatid ang mensaheng narito ako.
Ano nga ba talaga ang pinagdaraanan mo? Pag-usapan natin ito nang masinsinan. Huwag mong solohin ang problema. Maniwala ka. Kaya itong magawan ng paraan. Posibleng mahirap ang solusyon, pero pilitin natin dalawang harapin ang problema mo sa halip na takasan ito.
Alamin muna ang konteksto. Huwag padalos-dalos sa pagkilos. Ang plano mong paghinto sa pag-aaral ay mabigat na desisyon. Masasabing ito rin ay mabilis at praktikal na solusyon kung ang nais mo lang ay pabayaan na lang ang pagiging biktima mo ng panlipunan at pang-edukasyong sistemang kadalasang hindi naitataguyod ang kabutihan ng nakararami.
Kung sa tingin mo’y may malaking pagkukulang ang tinagurian ng mga aktibistang “bulok na sistema,” kailangan ang matagalang paglaban kaysa mabilisang pagsuko. Anuman ang konteksto ng iyong planong huminto na sa pag-aaral, kailangan mo munang pag-isipan nang malalim kung may ibubunga bang mabuti, para sa iyo at para sa bayan, ang pag-alis mo sa apat sa sulok ng klasrum.
Sa aking opinyon, magiging katanggap-tanggap lang ang paghinto sa pag-aaral kung ito ay may kinalaman sa pagharap pa sa mas masalimuot na problemang kinakaharap ng lipunan. Kung ang desisyon mo ay para sa isang adhikaing mas higit pa sa sarili, wala na akong iba pang masasabi kundi humayo at magparami. Lubos na kailangan kasi ang mga katulad mong handang ipagpatuloy ang pakikibaka ng nakaraan at kasalukuyan para makamtan ang isang makabuluhang kinabukasan.
Pero kung ang paghinto sa pag-aaral ay dahil lang sa personal na pinagdaraanan, ang aking payo ay huwag ka munang umalis. Manatili kang estudyante sa loob ng klasrum para patuloy na mag-aral sa loob at labas ng apat na sulok nito. Maging bukas sana ang isipan mong may mga bagay na higit pa sa iyo at sa akin, at sama-sama nating pag-aralan ang kahalagahan ng isang klase ng edukasyong magbubukas ng iyong isipan para bigyan ng solusyon hindi lang ang problema mo kundi ng iba pa.
Maniwala ka. Kailangan kang patuloy na matuto. May pagkukulang man ang sistemang pang-edukasyon dahil sa mapaniil na kalakaran ng lipunan, may mga gurong handang magturo sa iyo ng mga bagay na hindi lang napapanahon kundi nararapat.
Pero bukas man ang opisina ko para pakinggan ang saloobin mo, nasa iyo pa rin ang huling desisyon. Kahit na sa tingin ko’y mababaw na dahilan lang ang iyong pinagdaraanan kumpara sa nangyayari sa ating lipunan, malungkot kong pipirmahan ang anumang dokumentong kinakailangan mo para tuluyan nang umalis sa apat na sulok ng klasrum. At kung sa malapit na hinaharap ay maisipan mong bumalik, siyempre’y mananatiling bukas ang aking klasrum para muli kang tanggapin.
Salamat sa pagbabasa. Anuman ang maging desisyon mo, sana’y may kinalaman ito sa pakikibaka.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
No comments:
Post a Comment