Thursday, October 24, 2013

PINOY WEEKLY | Kamatayan ni Chito Alcid, wakas ng isang panahon


Posted: 22 Oct 2013 09:53 AM PDT


Sina Chito Alcid, Carla Varga, Juan Carlos Castro at Justo C. Justo.Sina Chito Alcid, Carla Varga, Juan Carlos Castro at Justo C. Justo.


Kung hindi man lubusang nagluksa ang kabuuan ng showbiz sa pagpanaw ng kontrobersyal at pamosong peryodistang pampelikulang si Chito P. Alcid, ang nalalabi ay tunay na tumangis kundi man nagdiwang sa kanyang kamatayan.

Sa huling gabi ng kanyang lamay sa Arlington Memorial Chapels and Crematorium sa Araneta Coliseum, walang umuwing luhaan maging sa loob ng kapilya.

Tulad ng iba pang tradisyon sa burol, tawanan, kuwentuhan, kumustahan, kainan, bidahan at balikan ng mga alaala ang lugar at panahon ng trahedya.

Marahil ay sadyang masayahin at magalakin si Chito kaya ito rin ang isinukli sa kanya ng mga nakidalamhati sa kanya.

Nang nabubuhay pa ang mamamahayag ay punung-puno ng buhay ang kanyang paligid kesehodang napapagkamalan siyang mataray, mataras, marahas, maldita, nakaw-eksena at isnabera.

Kasi nga’y lagi siyang nakaidya na para bang siya lang ang bida pero kung kilala mo siya, ang lahat ay depensa lamang ng isang indibidwal na maraming nais pagtakpan sa kanyang pagkatao kundi man talagang palaban siya.


***
Ang kasaysayan sa showbiz ni Alcid ay mula nang pumailanglang ang mga Barbara Perez at mga Susan Roces sa larangan.

Malapit na malapit siya kina Susan at Amalia Fuentes lalo na nitong mga nakaraang dalawang dekada kahit ang nagrereyna na sa pinilakan ay ang mga Claudine Barretto at Judy Ann Santos, Marian Rivera at Angel Locsin, Kim Chiu at Bea Binene.

Laging ipinagtatanggol ni Chito ang mga nakalipas taliwas sa karamihan na niyayakap ang ngayon.
Ipinagkukumpara niyang lagi ang mga artista noon at ng kasalukuyan bagamat iba ang hilatsa at timpla ng panahon noon sa klase ng sosyo-pulitikal na kalakaran pero ang kultura at pang-ekonomikong kalagayan ay lalo pang nanggigitata dahil sa pambubusabos ng panlipunang pamumuno na makasarili at hindi Malaya.

Ang showbiz noon at ngayon ay wala pang ipinagkakaiba at dahil nga mas pinapaboran ni Chito at si Chito ng nakaraan o ng mga mas beterano at beterana, ang mga ito ang kanyang kinikilingan.


***
Kung pagbabasehan ang mga personalidad na ekstensyon ni Alcid sa kanyang peryodismo, ang mga ito ay ang mga pangunahing humulma ng industriya ng pelikula at telebisyon noong 1960s, 1970s, 1980s at 1990s.

Sila ang nasa orbito o hanay o saklaw ni Chito bilang movie reporter bagamat ang milenyo at ang 2010s ay pilit niyang sinasakyan at nakakaagwanta naman siya.

Sa regular na pakikipagsosyalan, pakikipaghuntahan at pakikisalamuhan niya sa mga hari at reyna ng 1960s, 1970s, 1980s at 1990s ay patunay na nakalikha siya ng koneksyong panlipunan sa mga ito kaya naman itinatak siya sa kanilang mga puso at utak.

Bago pa man magka-colon cancer si Chito ay dumadalo na siya sa mga reunion nina Perla Bautista, Caridad Sanchez, Delia Razon at iba pang taga-LVN Pictures.

Gayundin, ang pagsasama-sama muli ng mga taga-Sampaguita Pictures ay dinadaluhan din niya at nandoon sina Amalia, Susan, Liberty Ilagan, Pepito Rodriguez, Amparo Lucas, Nori Dalisay at mga kasama sa bakuran ni Dr. Jose R. Perez at ng misis nitong si Nene Vera-Perez kasama ang kinatawan ng mga anak ng mga ito na si Marichu Vera-Perez.

Kung may taga-ibang produksyon man ay parang kapamilya (bago pa sumulpot ang mga katagang nagpapahayag ng kaisahan pero teri-teritoryo tulad ng Kapamilya, Kapuso at Kapatid) rin ang turing tulad ng mga independiyenteng sina Minda Morena, Gloria Sevilla, Boots Anson Roa at iba pa.

Ang nakalipas ni Alcid ay sukatan din kung paano siya nakakaugnay o nakikiugnay sa kontemporaryong pitlag at panahon ng mekanismo at sistema ng showbiz.


***
Ayon kay Alcid nang siya ay nabubuhay pa, siya ang nakatuklas sa magkapatid na Judy Ann at Jeffrey Santos hanggang nakatunggali niya ang kapwa mataray ring si Alfie Lorenzo kaya naghalo ang balat sa tinalupan.

Hanggang si Alfie na ang tuluyang kumontrol sa pagsisimula at pamamayagpag sa showbiz nina Juday at Jeffrey.
Napakalawak at napakalalimn na diskusyon ng pingkiang ito nina Alcid at Alfie at sangkot ang lahat ng mga ahensiya at tao ng lipunang sa labanan nilang ito.

Dahil si Chito naman ay susi lamang ng mga prodyuser at mga namumuhunan sa negosyo ng media para makapag-umpisa, makapagpatuloy at makapagtubo kaya bahagi lang siya ng malawak na digmaan ng mga interest at kung paano mangingibabaw ang mga interest na ito anuman ang kamalian at katamaan ng mga ito.
***
Nang iburol si Alcid sa Arlington ay nandoon ang mga kabahagi niya sa kanyang propesyon at panahon tulad nina Lorna Tolentino, Carla Varga, Azenith Briones, Maria Isabel Lopez, Deborah Sun, Maryo J. de los Reyes, Julie Ann Fortich, Angela Perez, Cathy Mora at iba pa.

Sa hanay naman ng mga kapatid sa panulat ay nandoon sina Arthur Quinto, Robert Silverio, Mona Patubo, Art Tapalla, Roland Lerum, Obette Serrano, Rudy de la Pena, Alice Vergara, Jayjay Espiritu, Anthony Solis at marami pang iba.

Nandoon din ang iba’t ibang personahe tulad nina Jojo Montemayor; isang guro sa kagandahan at tagapagtuklas ni Jestoni Alarcon na inihabilin niya sa peryodistang pampelikulang si Vir Mateo; Albert Minguez, isang pamosong tagadisenyo ng damit; Mari Barbecui, isang alalay na nakilala nang pag-ayuda kay Vilma Santos; Pempe Oreta, isang barkada ng mga beterano at betarana sa showbiz at asawa ng isang espesyalistang doktor; Maria Rocio de Vega, misis ng pinaslang noon na ng dating tagapangulo ng Board of Censors for Motion Picture at siya ang pumalit sa panahon ng diktadurya at iba pa.

Dahil sa impluwensiya ni Alcid nang dahil sa pagtitiwala sa kanya ng mga kapitalista sa showbiz ay malapit na malapit din siya—maituturing na kapangyarihan—sa malalaking pangalan lalo na kina Lloyd Samartino, Mark Gil, Fanny Serrano, Laila Dee, Melanie Marquez at marami pang iba.

Kahit ngayong wala naman siyang hawak na mga kabataang artista ay peryodista pa rin siya at nasa kanya ang kapangyarihan kaya lamang nga ay hindi sa konteksto ng panlipunang kritisismo ang kanyang komunikasyon kundi mga pinagtagni-tagni lang na mga komentaryo at paglalarawan sa mga tao at sitwasyon.
ù
Anuman ang sabihin, si Chito Alcid, Narciso Pronto Alcid sa tunay na buhay ay bahagi kahit katiting lamang na kulay, pilosopiya at paninindigan ng kanyang panahon.

Patuloy na lumalakad ang bawat sandali at ang mga bakas ni Chito sa pagyapak at pakikiangkas sa sistema ng buhay—gaano man kabalintuna—ay nakamarka pa rin.





No comments:

Post a Comment