Posted: 21 Oct 2013 01:49 AM PDT
Pinasok ng mga obrero ang compound ng SSS para kondenahin ang ahensiya sa calamity relief package na alok nito para sa mga nasalanta ng lindol sa Bohol at Cebu. (Macky Macaspac)
Galit na pinasok ng mga manggagawa ang compound ng punong tanggapan ng Social Security System (SSS) at kinondena ang “ayuda” na pautang ng ahensiya sa mga biktima ng lindol sa Bohol at Cebu.Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), dapat daw na magbigay ng direktang tulong pinansiyal ang SSS sa halip na pautang.
Ibinukas kamakailan ng SSS ang calamity relief package para sa mga apektadong miyembro, pensioner at mga nagtatrabaho sa mga idineklarangcalamity area. Kasama sa pakete ang early renewal of salary loans, advance release of three months’ worth of pensions, at relaxed loan terms for home repairs.
“Nilindol na nga utang pa rin ang ibibigay?” tanong ni Roger Soluta, tagapangulo ng KMU.
Dagdag pa niya, napakaliit daw ng maitutulong ng pautang ng SSS sa mga miyembro nitong nasalanta ng kalamidad.
“Nakakakagalit, samantalang milyon ang bonus ng mga opisyal ng SSS, pero pautang lang ang ibibigay sa mga miyembro balak pa nilang taasan ang premium,” sabi ni Soluta.
Hindi napigilan ng mga guwardiya at kapulisan ang mga miyembro ng KMU na nagsagawa ng protesta sa loob ng SSS Members Assistance Center. (Macky Macaspac)
Iginiit ng grupo na dapat magbigay ng direktang tulong pinansiyal ang SSS sa mga nasalanta ng lindol sa Bohol at Cebu, gayundin ang panawagan nilang ibalik ang 10 milyong bonus ng mga opisyal nito at ibasura ang planong pagtataas sa premium.Idinagdag ng grupo na hindi totoong nalulugi ang ahensiya.
Patunay umano ang PhP 350-Bilyong investment reserve fund, PhP 70-B investment sa stock market at pautang sa gobyerno na aabot sa PhP 139-B. “Sabi ng mga opisyal ng SSS pamumuhunan daw ito, sa tingin namin pagnanakaw ito,” ani Soluta.
“Ang SSS ay trustee lamang ng pondo ng mga empleyado at miyembro. Dapat ang miyembro ang may desisyon kung paano at saan gagamitin ang kanilang pondo,” sabi naman ni Anakpawis Rep. Fernando Hicap.
Magsasampa ng resolusyon si Hicap sa Kamara para tutulan ang 0.6% na pagtaas sa premium na babalikatin ng 21 milyong miyembro ng SSS sa buong kapuluan.
No comments:
Post a Comment