Thursday, October 24, 2013

PINOY WEEKLY | Huwad na pamamahagi ng lupa sa Hacienda Luisita

Posted: 24 Oct 2013 11:30 AM PDT


Dahil gustong magkaroon ng karapatan sa lupa si Mercy Fernandez, 74 anyos, nilagdaan niya ang papeles na pinapipirmahan ng Department of Agrarian Reform (DAR) para “maipamahagi” ang lupa sa Hacienda Luisita.

Isa si Nanay Mercy sa mahigit 6,000 benepisyaryo ng lupa sa Hacienda Luisita. Pero naiyak siya nang malaman mula sa kanyang mga kasamahan na may kailangan pa silang bayaran bago mapasakanila ang lupa.

Dahil dito, hindi na kinuha ni Nanay Mercy ang Certificate of Land Ownership Awards (CLOA) na para sa kanya sa araw ng pamimigay ng DAR kanilang barangay sa Balete.

“Hindi ko alam magbasa at sumulat. Kung alam ko lang na babayaran ko ’yan sa loob ng 30 taon, hindi ko na sana pinirmahan noon yung ATFU (Application to Purchase and Farmers Undertaking). Hindi nila pinaliwanag sa akin,” ayon kay Nanay Mercy, sa panayam ng Pinoy Weekly.



Tuloy ang paglaban para sa karapatan sa lupa sa Hacienda Luisita sa Tarlac. (Pher Pasion)Tuloy ang paglaban para sa karapatan sa lupa sa Hacienda Luisita sa Tarlac. (Pher Pasion)


Pinaikot na panlilinlang
Tambiolo land reform kung tawagin ito ng mga magsasaka ng asyenda ang nagaganap ngayon sa Lusiita. Idinaan kasi sa pagbunot sa tambiyolo ang lupang kanilang umanong maaangkin.

Para sa kanila, huwad at mapanlinlang ang ganitong sistema ng pamamahagi ng lupa.

“Hindi naman nila pinaliwanag sa akin ’yung pinapirmahan nila. Tinatakpan pa nga nila. Tapos nakita ko, bakit ganito lang ito: certified true copy lang?” sabi ni Joselito Fiesta, 50, taga-Brgy. Balete at isa sa mga benepisyaryo nang araw na makuha ang CLOA na ipinamigay ng DAR.

Nalaman na lamang niya na may kailangan muna silang bayaran sa Land Bank na bahagi ng kanilang pinirmahan noon bago mapunta sa kanila ang orihinal na kopya ng titulo ng lupa. Hindi nila alam kung magkano. Hindi naman umano nakasaad sa kanilang pinirmahan.

Pero kung hindi nila mabayaran, hindi mapupunta sa kanila ang orihinal na kopya ng lupa. Mananatili ito sa pamilyang Cojuangco-Aquino.

Bukod pa rito, nasa Brgy. Mabilog ang lupang dapat para sa kanya. Napakalayo nito sa Brgy. Balete kung saan siya nakatira. Halos sampung kilometro ang layo nito.

Hindi rin nakalagay sa CLOA kung anong lot number ng lupa ang para sa kanya. Nakalagay lamang dito ang 0.66 hektarya na kanya umanong aariin pero hindi nya alam kung saan sa nasabing barangay nya ito hahanapin.

Si Orlando Simon naman, 60, mula sa Brgy. Mapalacsio, iba ang bumunot para sa kanya at malayo rin ang lupang nabunot para sa kanya na nasa Brgy. Mutrico.

“Ang ipinamimigay lamang ay certified ‘xerox’copy. Nagpapatunay na huwad ang pamamahagi ng lupa dahil dapat may babayaran ang mga magsasaka,” ayon kay Joseph Canlas, tagapangulo ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon o AMGL.

Ayon kay Renato Mendoza, opisyal ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Asyenda Luisita (Ambala), sinadya ng manedsment at gobyerno ang mabagal na proseso ng pagbabayad para gipiitin ang mga benepisaryo na hindi makabayad sa lupa at muling maagaw ng mga Cojuangco.


Patuloy na pangangamkam 
Ayon kay Anakpawis Rep. Fernando Hicap, malawak ang lupang hindi sinaklaw ng pamamahagi sa asyenda gaya ng mga lupang inaangkin ng Tarlac Development Corporation na pagmamay-ari din ng mga Cojuangco at ang lupang binakuran ng banking RCBC na nasa 500 ektarya.

Bukod pa rito, isang sports complex ang nais ipatayo ng mga Cojuangco kung kaya kanilang inaangkin ang may 100 ektarya sa Brgy. Mapalacsio, ayon kay Simon.

Sinabi naman ni Canlas na mga Cojuangco-Aquino pa dapat ang siyang magbayad sa mga mamamayan ng asyenda ng P1.33-Bilyon para sa pagkakabili sa lupa ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (80.51 ektarya) at RCBC (500 ektarya).

Duda naman ang mga residente na nasa 500 hektarya lamang ang binakuran ng RCBC dahil higit doon ang tantsa nilang nilagyan ng bakod.


Nagpapatuloy na panunupil
Ayon kay Mendoza, bumbero at sangkatutak na pulis ang ikinakalat sa bawat barangay sa panahon ng bunutan sa tambiyolo hanggang pamimigay ng kopya ng CLOA. Maliban pa ito sa mga detachment ng mga militar na nasa may sampung barangay sa loob ng asyenda.

“Kung tunay talaga ang pamamahagi ng lupa, bakit puro pulis at bumbero ang nandito? Alam nilang magpoprotesta ang mga mamamayan dito dahil alam nilang peke ang pamamahaging ito na ginagawa ng DAR,” ayon kay Mendoza.
Ayon naman kay Simon, alam nila kung bakit may mga militar sa mga barangay at dahil iyon sa laban sa lupa. May mga ulat umano sila ng paniniktik ng mga ahente sa kanilang mga lumalaban.

Nagbabahay-bahay din umano ang mga militar sa mga barangay para takutin ang mga residente na lumahok sila sa tambiyolo. Kung hindi raw sila lalahok, mawawalan sila ng lupa bilang benepisaryo, sabi ng mga nananakot.

Gayunpaman, determinado pa rin ang mga mamamayan dito na patuloy na ilantad ang iskema ng ipinapatupad na mga “repormang sa lupa” kuno ng DAR sa loob ng Hacienda Luisita na hawak ng pamilya ng mismong presidente ng republika.




No comments:

Post a Comment