Monday, May 20, 2013

Ang Progresibong Kilusan ng Pilipino SA Ibayong Dagat (Pambungad)


Oryentasyon ng Migrante

Ang Progresibong Kilusan ng Pilipino SA 
   
Ibayong Dagat

Mjgrante International 2009



PAMBUNGAD


      Tayong mga makabayang organisasyong Pilipino sa loob at labas ng bansa na nagtataguyod sa karapatan at kagalingan ng migranteng Pilipino sa ibayong-dagat ay nagpasiyang magkaisa’t magsama-sama sa isang pandaigdigang alyansa upang higit pang magampanan ang ating tungkuling ipaglaban ang kapakanan ng migrante at ng sambayanang Pilipino.

      Upang magampanan nang mabuti ang tungkuling ito, kailangan nating maunawaan ang esensiya ng penomena ng sapilitang migrasyong Pilipino sa ibayong-dagat upang maghanapbuhay.   

    Sa pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas, makikita natin ang itinakbo ng penomenang ito mula sa panahon ng pananakop ng Espanya hanggang sa kasalukuyan, ang naging papel dito ng mga naghaharing uri, at ang naging pagkilos ng makabayang Pilipino sa ibayong dagat sa pagtataguyod ng kilusang pagbabago sa ating bansa.  Makikita rin natin ang tuwirang  pananagutan ng mga sunud-sunod na rehimen mula kay Marcos hanggang kay Ramos sa biglang paglaki ng penomenang ito.

      Sa mga naging pangyayari, mahahango natin na ang sapilitang migrasyong Pilipino ay pangunahing mauugat sa panlipunang kalagayan ng Pilipinas.  Ito’y pinalalim pa ng mga nakatayong pamahalaan sa bansa sa pamamagitan ng programa sa pagluluwas ng lakas-paggawa.  Malalaman din natin ang katangian at kalagayan ng migranteng Pilipino sa ibayong-dagat.   Malilinaw natin ang karakter ng kanilang isyu.  At bunga nito’y makikita natin ang mahigpit na ugnayan ng ating gawain sa hanay ng migrante na ipaglaban ang kanilang karapatan at kagalingan sa ating tungkulin bilang makabayang Pilipino na itaguyod ang makabayang kilusang pagbabago sa Pilipinas.    

        Sinasalamin ng ugnayang ito ang ating pangkalahatang tungkuling pukawin, organisahin at mobilisahin ang hanay ng migranteng Pilipino para ipaglaban ang kanilang karapatan at kagalingan at mahimok silang sumuporta’t lumahok sa makabayang kilusang pagbabago sa Pilipinas na siyang magbibigay ng ganap na kalutasan sa kanilang mga problema. 

    Ang dokumentong ito ay isang pagsisikap na ipaliwanag ang ating pananaw at paninindigan bilang mga makabayang organisasyong Pilipino na nagtataguyod sa kapakanan ng migrante at ng sambayanang Pilipino. 

      Ang dokumentong ito ay nahahati sa tatlong seksyon: (I) Buod ng Kasaysayan ng Migrasyong Pilipino sa Ibayong-Dagat; (II) Ugat ng Migrasyong Pilipino sa Ibayong- Dagat; at (III) Ang Ating Pangkalahatan at Partikular na Tungkulin.


No comments:

Post a Comment