Posted: 31 Jan 2014 02:22 AM PST
Martsa ng kabataan patungong Mendiola para singilin si Aquino sa kapabayaan umano nito sa kabataan. Pher Pasion
Sinalubong ng protesta ng kabataan ang pagpasok ng Chinese New Year para itaboy ang anila’y nagbibigay malas at pahirap sa mga mamamayang Pilipino sa paanan ng Mendiola.Ayon sa kabataan, hindi na nila matatagalan pa ang tatlong taong pamumuno ni Aquino. Dahil daw ito sa kahirapang kinakaharap ngayon ng mga mamamayan dulot ng sunud-sunod pagtaas ng bayarin sa batayang mga serbisyo at bilihin.
“Walang ibinibigay ang administrasyong Aquino sa mga mamamayan kundi pagtaas ng mga presyo, isa pagkatapos ng isa,” ayon kay Kabataan Rep. Terry Ridon.
Dahil dito, binansagan ng kabataan si Pangulong Aquino na “price hike king” at nanawagang patalsikin siya sa puwesto.
Nanawagan ang kabataan na patalsikin si Aquino sa puwesto dahil umano sa tumitinding kahirapan. Pher Pasion
“Ang pag-asa ng kabataan ngayon ay hindi ang administrasyong Aquino. Ang pag-asa ng kabataan ay ang sama-samang pagkilos para itaboy ang malas at pahirap sa buhay ng mga mamamayan,” ayon kay Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.Samantala, nakatakda rin sa pagpasok ng Pebrero ang mga panukalang pagtaas ng matrikula sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad.
Ayon sa kabataan, walang pagpapahalaga ang administrasyong Aquino sa edukasyon ng kabataan mula nang manungkulan ito. Taun-taon ang pagtaas ng matrikula sa mga pamantasan at pagkaltas sa badyet sa edukasyon ang nangyayari umano sa ilalim ni Aquino.
Sa datos ng National Union Students of the Philippines (NUSP), mahigit 300 kolehiyo at unibersidad ang nagtaas ng matrikula noong nakaraang taon. Nangangamba ang NUSP na maulit ang mga pagtaas na ito dahil sa umano’y kainutilan ng Commission on Higher Education (CHED) na “nagbibingi-bingihan sa panawagan ng kabataan.”
Sinunog ng kabataan ang ‘paputok’ para umano itaboy si Aquino na tinagurian nilang price hike king.Pher Pasion
“Walang presidente at komisyon na para sa mga mag-aaral at para sa mamamayan ang hahayaang magtaas ng matrikula at iba pang bayarin ang mga pamantasan kasabay ng pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin, habang hindi naman tumataas ang sahod ng aming mga magulang,” ayon kay Sarah Elago, presidente ng NUSP.Dagdag ni Elago, sa pagtaas ng matrikula’y maraming kabataan ang napipilitang lumipat ng ibang pamantasan na mas mababa ang matrikula o hindi kaya ay tumigil sa pag-aaral.
“Huwag nating hayaan na ang pamahalaan ni Aquino ang maningil na lang ng maningil sa atin. Tayo ang dapat maningil sa pamahalaang ito ni Aquino sa kataksilan niya sa kabataan at mamamayan. Hindi tayo ang boss niya,” ayon kay Elago.
Ayon kay Crisostomo, mas maiigting na mga protesta ang kanilang isasalubong kay Aquino sa taong ito sa galit ng kabataan hanggang sa tuluyan itong mapatalsik sa puwesto.
No comments:
Post a Comment